Press Release
February 14, 2008

PANAHON NA PARA MAGPALIWANAG SI PGMA SA TAUMBAYAN --- KIKO

"Dahil sa palpak na script at palpak na direktor nahirapan tayong unawain ang kuwento hinggil sa umano'y mala-telenobelang pagdukot kay Jun Lozada nang dumating ito sa Pilipinas noong Pebrero a-singko." Ito ang naiinis na bulalas ni Senate Majority Leader at Independent senator Kiko Pangilinan matapos ang ginawang ocular inspection sa NAIA kaninang umaga.

Ayon sa inisyal na report, mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) ang sumundo kay ZTE witness Rodolfo "Jun" Lozada base sa logbook ng airport security.

Dagdag pa ni Pangilinan, "Kailangang ipatawag ang hepe ng PSG upang magpaliwanag kung bakit lumabas sa logbook ng airport security na nandun ang mga tauhan nila sa oras ng pagbalik ni Lozada."

Nakatalaga ang PSG sa Pangulo ng Pilipinas, sila ang naatasang magbantay at magprotekta rito.

Pagtatapos ni Pangilinan, "At kung nandun nga ang PSG base sa logbook ang susunod na tanong ay kung sino ang nag-utos na pumunta ang PSG sa airport? Kung PSG nga ba ang dumukot kay Lozada at kung may kinalaman mismo si PGMA sa nasabing pagdukot? Kumbaga sa crime scene ay napakaraming fingerprints ng Malakanyang ang ating nakikita at panahon na ngayon para bigyang-linaw ni PGMA mismo kung bakit ganito ang lumalabas na ebidensya?"

News Latest News Feed