Press Release
February 19, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
with Senate reporters

Q: Nakausap n'yo rin daw si Secretary Neri three nights ago?

SPMBV: Nagkita kami sa isang wake pero wala naman kaming pinag-usapan. Nagbatian lamang kami. Alam naman natin na merong pending case sa Supreme Court. Pero base sa konting batian namin, confident na rin ako na siya ay maga-appear kapag inutusan ng Supreme Court o baka mas maaga pa kung magpapaliwanag siya sa nangyari.

Q: Meron daw kayong meeting with JDV sa bahay niya?

SPMBV: Hindi, nag-dinner lang kami doon kasama namin ang mga bishops. Walang formal meeting. Iyon ang formal launching ng moral revolution ni Joe de Venecia. Nagkataon lamang na nandoon ako.

Q: Hindi iyon parang post-GMA scenario?

SPMBV: Hindi. Mga bishops ang nandoon.

Q: Hindi ba bago patalsikin si Erap, ganoon din ang nangyayari? Nagmi-meeting ang mga bishops at officials?

SPMBV: May meeting ng mga bishops pero iyon ay para sa moral revolution ni Joe De Venecia. Ako naman lahat ng moral revolution, susuportahan ko. Kaya lang syempre tayo ang pangulo ng Senado. Mahirap naman tayong makikialam sa mga ganyan. Mabuti na manatiling walang bahid-pulitika itong aming imbestigasyon.

Q: Pero hindi tinanggap ni Chief Justice Puno na mag-head ng moral revolution council...

SPMBV: Hindi ko alam iyan. Iyan ay kay Speaker Joe de Venecia kaya siguro siya ang makakasagot kung ano ang alternatibo niya.

Q: Sa inyo okay lang ba maalis si GMA at this time? Sandali na lang ang term niya.

SPMBV: Alam ninyo, mahirap na ako ay manawagan para sa pagbaba ni Pangulong GMA o pananatili niya sapagkat bilang pangulo ng Senado, mahalaga na imentena natin ang ating stance na walang bahid pulitika itong imbestigasyon natin. Ito ay tungkulin na ibinigay sa ating ng Konstitusyon. Iyan lamang ang ating ginagawa sa ngayon.

Q: Kanina sinabi ninyo marami nang pagbabago dito dahil kay Lozada, hindi n'yo lang alam kung hanggang saan aabot?

SPMBV: Of course, maraming pagbabago. Ngayon ko lamang nakikita ang mga pari, ang mga madre na very active at nagpapakita ng kanilang nararamdaman. Ngayon ko lamang nakita na ang business sector ay sumasama sa mga ganyang activities. Dati hindi nakikialam ang business sector. Dati ay hindi ganyan ka-active ang religious sector. Ngayon ko lang nakikita na ganyan sila ka-active kaya sabi ko maraming pagbabago na rin. Syempre hindi ko naman kayang i-predict kung hanggang saan aabot ito.

Q: Ano ang indikasyon bakit optimistic kayo na maga-appear siya sa Senate?

SPMBV: Wala naman. Syempre si Mr. Neri ay umaasa doon sa Supreme Court decision. One way or the other, iyon ang susundin niya sa aking palagay. Kung sabihin ng Supreme Court na kailangan siyang mag-appear, he will appear. Of course kung sabihin ng Supreme Court na hindi siya kailangang umattend, hindi siya a-attend.

Q: Did you make an effort to convince him?

SPMBV: Hindi naman kailangan. Tinanong ko lamang siya kung siya ay a-attend kung may desisyon na ang Supreme Court. Okay naman daw.

Q: Wala na kayong napag-usapan tungkol a ZTE?

SPMBV: Wala na tungkol sa ZTE, sa ibang bagay na. Sandali lamang iyon dahil maraming tao din sa wake ng anak ni Ronnie Zamora.

Q: Pero ngayon parang sinisisi niya ang mga senador for ruining the friendship between Lozada and Neri, you stripped Lozada daw of his profession, pati personal life...

SPMBV: Hindi naman. Tinanong lang naman namin si Mr. Lozada at nagsabi lang siya ng katotohanan. Wala namang naaalis sa kanya. In fact, nakakuha siya ng paghanga ng sambayanang Filipino. Kaya palagay ko sa nangyaring ito, hindi nawalan si Mr. Lozada kundi napakalaki ng kanyang nakuha sa sambayanang Filipino.

Q: So ang nawala si Neri dito?

SPMBV: Kung tuluyang mawawalan si Mr. Neri o hindi, depende iyan sa kanyang gagawin sa mga darating na panahon. Ano ang malay natin, baka biglang mag-appear si Secretary Neri at siya rin ay makakuha ng papuri mula sa sambayanang Filipino.

Q: Do you think iyong pagbabago tuloy-tuloy na?

SPMBV: Dumadami ang sumusuporta pero kagaya ng sinabi ko kanina, hindi ko naman kayang i-predict kung hanggang saan aabot iyan. Pero I think lahat naman ay nakikita na parang ngayon lamang nagkakaganyan ang ating religious sector na very active. Even ang business sector ay nagsisimula nang sumuporta. Pero hindi ko pa rin masabi kung ito ay magtutuloy-tuloy.

Q: Sinong mga bishop iyon?

SPMBV: Mostly mga Baptist, Protestant bishops. Hindi Catholic.

News Latest News Feed