Press Release
February 27, 2008

KIKO: PAGBABAGO SA PULITIKA AT PAMAMAHALA, HUWAG IASA SA SIMBAHAN

Matapos ihayag ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na hindi nila susuportahan ang anumang panawagan na magbitiw na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa puwesto, hinikayat naman ngayon ni Senate Majority Leader at Independent senator Kiko Pangilinan na huwag basta na lamang iasa ang pagbabago sa simbahan.

Ayon kay Pangilinan, "Hindi tayo dapat umasa sa simbahan upang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa pamamahala at pamumuno sa ating bansa. Kung aasa tayo sa simbahan na magpasimuno ng reporma sa pulitika at pamumuno mauuwi lang ito sa pagkabigo. Magbabago lamang ang pamamahala at pamumuno sa ating bansa kung magiging makabago sa halip na makaluma ang kilos ng mga namumuno at namamahala."

Dagdag pa ni Pangilinan, "Ang tanging magbibigay-daan sa makabuluhang pagbabago sa pulitika at pamamahala ay ang paninindigan at pagtaya ng mga lider na may prinsipyo kasama ang taumbayan na mulat, naninidigan at kumikilos. Wala tayong maaasahang pagbababgo kung ang mga namumuno at mga mamamayan ay kapwa makaluma at nagsasawalang kibo na lamang. Makabagong pamamahala mula sa mga lider na may prinsipyo at kakayahan kasama ng taumbayang naninindigan ang siyang pag-asa ng bayan."

News Latest News Feed