Press Release
February 27, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in Dos por Dos with Anthony Taberna and Gerry Baja

Q. Ano po ang pakiramdam niyo ngayon na sinasabi ng iba na itong bagong ZTE deal witness ay isang Trojan horse na pakawala daw po ng Malakanyang para sirain o bigyan ng duda ang mga testimonya ng mga naunang testigo na humarap sa Senado.

SPMBV: Posible. Hindi namin niru-rule out iyan bagama't hindi rin namin niru-rule out na wala siyang kinalaman diyan. Ngayon ay tinitingnan pa namin kung ano ang background ni Mr. Madriaga. Bina-validate namin yung kanyang mga sinasabi. Kino-cross check namin iyan doon sa mga naunang statements tungkol sa ZTE. Titingnan natin mabuti at susuriin ang lahat bago magbigay ng desisyon na ito ay Trojan horse gaya ng sinasabi ng iba o kung tunay talaga ang kanyang sinasabi.

Q. Walk-in witness po itong si Mr. Madriaga, wala po ba siyang dinaanang screening sa Senado?

SPMBV: Sa totoo lang, hindi naman desidido ang komite kahapon kaya lang, nandoon na siya at ipinakiusap din ng ibang senador na pakinggan siya. Anyway, kami naman ang magsusuri kung ang kanyang sasabihin ay totoo o hindi. Ang komite ngayon ay maoobligang mag-validate at mag-verify lalung-lalo na sa mga petsa at mga figures na ibinigay niya. Kahapon, marami akong itinanong sa kanya dahil sinusubok ko ang kanyang nalalaman tungkol sa ZTE deal. Mukhang marami naman siyang alam na detalye. Kung ito ay Trojan horse, mukhang naturuan ng husto ang Trojan horse na ito.

Q. Napansin nga po namin na kayo ang nagtatanong tungkol sa mga patong sa presyo ng kontrata. Narinig niyo din po ang kwento ni Joey de Venecia at Jun Lozada, consistent ho ba?

SPMBV: So far sa mga petsa, consistent naman. Napagdugtong-dugtong ko yung mga sinabi ni Joey kung kailan uminit ang ulo at kung kailan dapat pinalitan ang klase ng agreement. Ito yung sinasabi ni Jun Lozada na in two days time, weekend ay lumabas ang NEDA approval. Mukhang tumutugma ang mga petsang ibinigay ni Mr. Madriaga. Of course, may ilan ding mga inconsistencies. Kung siya ay nagpi-fake dito, maganda ang pagkakagawa niya. But to be fair with the guy, ang komite ay nagre-reserve ng kanilang opinyon. Hindi naman natin masasabi ngayon kung ito ay Trojan horse o natatakot lamang na maiwan siya. Inamin niya kasi na nasa second line siya. Hindi siya ka-level ni Jun Lozada at Joey kaya hindi siya nakikita sa mga meetings. Siya ay nag-a-assist doon sa apat na pinangalanan niya na kasama doon sa anomalya. Mayroon din naman kasi siyang istorya kaya't siguro sa susunod naming pagtatanong ay mae-establish na namin kung ito ay tunay na magsusuporta sa mga statements nang naunang dalawang testigo.

Q. Bago po isinalang si Mr. Madriaga, meron ho bang nagtanong man lang kay Joey at Jun kung kilala nila itong taong ito at kung nakakasama nila ito sa mga meetings?

SPMBV: well, to be honest, ako ay umaayon lamang sa desisyon ng komite sa mga bagay na iyan. Ako naman ay sumusunod lamang kung ano man ang kanilang magiging rekomendasyon. Yung pag-allow kay Mr. Madriaga na makapagbigay ng testimonya ay pinagkasunduan ng mga miyembro ng komite kahapon at iginagalang ko iyan.

Q. Halimbawa po Mr. Senator may isa pang testigo na hindi natin alam ang katauhan na magaling din po, at sabihin na consultant din ako o technical expert din ako ng ganito, na walang nagpapatotoo sa kanyang katauhan, tatanggapin po ba siya ng komite?

SPMBV: Hindi basta-basta iyan. Yung kahapon ay pinag-usapan ng mga miyembro kaya nagdesisyon na pakinggan na rin ang sasabihin ni Mr. Madriaga. Ang posisyon siguro ng komite, kung hindi naman maririnig, ay hindi rin malalaman kung tunay ang kanyang mga sinasabi o hindi. Sa ngayon, maipapatawag na rin namin yung mga binanggit niyang pangalan kahapon para matanong din namin next hearing tungkol sa mga pahayag ni Mr. Madriaga. Yung mga pangalan na ito ay dati na ring lumutang sa previous hearings. To be fair kay Mr. Madriaga, may mga pangalan siyang nabanggit na sa aming palagay ay bubuo ng picture sa ZTE deal.

Q. So matagal pa itong hearing na ito Mr. President?

SPMBV: yung iba sigurong pahayag ay hihingin na lang naman ng statement under oath. Tatanungin namin siya kung ano ang kanyang nalalaman sa ZTE at yung statement na iyon ay kanyang pipirmahan under oath para iyon ang gamitin ng komite.

News Latest News Feed