Press Release
February 29, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in Umagang Kay Ganda with Alex Santos

Ano po ang inyong reaksyon sa pagtanggi ng ZTE Corporation na kasama si Dante Madriaga sa mga nakipag-transaksiyon sa kontrobersiyal na kontrata? SPMBV: Sinabi naman ni Mr. Madriaga na nandoon lang siya sa background at hindi siya ang official na nakikipag-negotiate sa ZTE contract. Sinabi pa nga niya na di siya kasama doon sa deal ng mga players dito gaya nina Mr. Lozada, Chairman Neri at Joey de Venecia at iba pang mga pangalan na binanggit niya. Iyan talaga ay inamin niya. Inaasahan na natin na ganyan ang magiging reaksyon ng ZTE. Hindi na nakakagulat iyan.

Posible ho bang bitawan na ng Senado si Madriaga bilang testigo dahil sa development na ito? SPMBV: Wala kaming nakikitang dahilan so far para gawin iyan. Kung ito lang pahayag ng ZTE, hindi ito sapat na dahilan para bitawan naming si Mr. Madriaga. Bagama't, titingnan namin ang background niya, so far, wala pa kaming nakikita na inconsistency sa kanyang mga sinabi. Hindi perpekto ang kanyang mga sinabi, pero karamihan doon ay tugma sa mga sinabi ni Mr. Lozada at Joey de Venecia. Unless na may makita kaming katibayan na hindi siya tunay na witness, bibigyan namin ng seguridad si Mr. Madriaga katulad ng aming ibibigay na seguridad sa mga gustong tumestigo sa ZTE issue laban man o para sa pamahalaan.

Nagtatampo daw po yata si Madriaga dahil di siya nabibigyan ng much attention ang kanyang seguridad lalo na ang kanyang pamilya. SPMBV: Ako mismo ang titingin diyan para makita ko ng personal kung ano ang kalagayan ni Mr. Madriaga. Patas po ang pagtrato ng Senado sa lahat ng witness at titingnan ko mismo ang lagay ni Mr. Madriaga.

May mga binanggit po itong si Madriaga na ilang personalidad. Ito po ba ay iimbitahan din ng Senado lalo na iyong sina Gen. dela Torre. SPMBV: Yung iba sa kanyang mga binanggit ay humarap na sa Senado. Pero pag-uusapan pa ng komite kung sila ay iimbitahang muli.

Kayo po ba ay dadalo sa interfaith rally mamaya? SPMBV: Unang-una, naniniwala ako na maganda sa bayan ang pagpapakita ng tunay na damdamin at sentimyento. Marami ngayon sa ating mga kabataan ang aktibo at ginagawa kung ano ang kanilang nararamdaman. Ang mga ganyang aksyon ay ini-encourage ko para sa pagpapasigla ng ating demokrasya. Pero, bilang Pangulo ng Senado na siyang nag-iimbestiga sa ZTE, napakahirap para sa amin na aktibong manawagan para sa resignation ng Pangulo dahil ayokong masabi na hindi pa tapos ang imbestigasyon ay gumagawa na agad kami ng konklusyon at baka masabing may bahid pulitika ang aming ginagawa.

News Latest News Feed