Press Release
March 5, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZXL with Erwin Tulfo and Doris Bigornia

Q: Reaksyon lamang po dito sa Pulse Asia Survey, tila bumaba daw po ang inyong rating from 67 naging 50 daw po itong buwan ng Pebrero?

SPMBV: Okay lamang naman iyan sapagkat ginagawa ko lamang sa Senado ang aking trabaho. Hinahanap natin ang katotohanan. Sinasabi ko naman na habang ako ang Pangulo ng Senado ay magiging independent ang Senado at magiging malaya ito at hindi padidikta kaninuman .Kung bumaba man o tumaas ang rating natin ay tuloy-tuloy lamang ang trabaho natin at hindi tayo maapektuhan niyan.

Q: Meron akong suhestyon, bakit hindi natin gawan ng imbestigasyon itong mga nagsu-survey na ito? Hindi naman dahil sa kumakampi ako kay Senate President, kaya lang hindi ko talaga maintindihan. Kanina kausap namin yung Pulse Asia, 300 lng daw po ang respondents nila, hindi kaya napaka-misleading nito?

SPMBV: Ang sa akin okay lang naman iyan, kasi naman medyo mabigat itong trabaho natin at ayoko na maimpluwensya nyan. Baka mamaya ,sabi nga ng iba, baka mali iyong ginagawa ninyong imbestigasyon kaya ayaw ng tao. Sabi ko palagay ko hindi naman. Palagay ko nama'y nagugustuhan naman ng tao itong ginagawa namin sa Senado na naghahanap tayo ng katotohanan at pigilan ang mga anomalya. Sa palagay ko tama naman itong ginagawa natin, hindi naman tayo papaapekto. Bagamat nalulungkot tayo, gagawin pa rin natin ang magagawa natin para ituloy po ang ginagawa ng Senado na mga imbestigasyon.

Q: Iyung ipinalabas na compromise agreement ng Korte Suprema, may sinabi po si Chief Justice Puno na hindi puwedeng itanong kay Neri...

SPMBV: Ako naman ay nalulungkot sa nangyari na iyan dahilan sa napakahirap naman na hindi namin maitatanong sana ang bagay na iyan sapagkat mahalaga na malaman namin kung sino ang ulo sa deal na ito. Sino ba talaga ang nagkapera dito? Kanino bang ideya ito? Saan napunta ang lagay dito? At sino ang pinakamalaki? Ang sa amin din naman, gusto lang naming liwanagin, kasama ba ang pangulo dito o hindi? Kung hindi naman kasama ang pangulo, okay lang. Paano naman namin malalaman kung hindi namin matatanong? Syempre, nakakahinala kapag talagang ayaw sabihin kung ano ang pinag-usapan. Kung wala namang pinag-uusapan kasi, madali namang sabihin. Kung may pinag-usapan, ayaw mong sabihin. Ngayon kapag ayaw mong sabihin, lalo lang naghihinala ang tao diyan na merong pinag-usapan na hindi maganda. Kasi halimbawa, kung ikaw ay hindi naman talaga kasama diyan at biglang tatanungin ka, gusto mo namang sabihin na wala kang kinalaman diyan. Pero the moment na maitanggi na hindi, hindi ako dapat matanong diyan, syempre ang kausap mo, medyo maghihinala. Kaya sa akin, kailangan naming pag-usapan ito dahil sa ang ikinakaba ko dito, baka iyong mangyayari na pagbabawal sa amin na magtanong sa ganyan. Narinig ko ang arguments ng ibang justices kahapon na talagang ang executive privilege ay hindi puwedeng magamit sa pagtatakip ng isang anomalya o krimen. Ito ay maliwanag na isang doktrina na dapat sundin. Gusto ko lang liwanagin na ito ay hindi magagamit ng lahat ng cabinet members o opisyal ng gobyerno sa mga darating pa na imbestigasyon ng Senado sa mga darating na panahon kapag hindi na kami senador, maski na 10 years from now. Baka itong doktrinang ito ay magagamit, hindi na sila magsasalita. Dadami masyado ang anomalya sa ating gobyerno. Kasi alam naman natin sa Senado nakapila diyan ang Southrail, Northrail, Transco, Cyber Ed, Spratlys na pawang malalaki pa kaysa sa ZTE. Paano na kami magpapatawag ng officials na hindi namin matatanong kung halimbawang nababanggit ang pangulo. Paano kung talagang sinabi ng witness na may involvement?

Q: Puwede pa bang umapila ang Senado?

SPMBV: Actually, umiiwas lamang ang Supreme Court na mag-voting sila. Hindi pa naman sila siguradong matatalo kami sa voting. Bagama't siguro nahahalata ni Chief Justice na magiging close ang voting. Natatakot siya siguro na talo ang Senado o panalo. Hindi natin alam. But I'm just saying talagang malaking risk ito sapagkat kapag natalo kami dito, that means hindi na kami makakapagpaaresto ng mga witnesses. Wala nang matatakot sa amin. Kinakabahan kami na baka masyado nang dumami ang anomalya sa bayan natin.

Q: Maski ang ikalawang pangulo ay humihiling na ibasura na ang EO 464.

SPMBV: Kami naman, unang araw pa lamang na inilagay iyan ng pangulo, kami ay nagrereklamo na. Mabuti naman at dumadami na ang nanawagan sa pangulo na alisin na.

Q: Sabi ni Speaker Nograles, huwag naman daw abusuhin ang EO 464.

SPMBV: Tama naman iyan. Sa tingin ko, lahat naman ay nanawagan na kaya lamang iyong abuso ang napakahirap i-define. Kasi baka i-define natin ang abuso na puwede mong tanungin lahat, huwag mo lamang itatanong ang tungkol sa pangulo. Ang bigat namang requirement noon.

News Latest News Feed