Press Release
March 25, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZXL with Melo del Prado

Q: Sabi ng Malakanyang huwag daw tayong masyadong alarmist at hindi daw tayo dapat mangamba tungkol sa supply ng bigas, Mr. Senate President ano po ang masasabi ninyo dito?

SPMBV: Wala namang masama na maghanda kung sakaling magkaroon niyan dahil talagang hindi natin maikakaila na tumaas ang presyo ng bigas ngayon. Pagka may ganyang mga warning ay kinakailangang magsipag tayong lahat at dito mailalagay sa isipan nating lahat ang kadahilanan kung bakit mahirap pa rin ang tao, kung bakit ang antas ng kahirapan ay tumataas pa sa kabila ng sinasabi ng ating gobyerno na sumisigla ang ekonomiya. Kasi mahigit sa kalahati ng ating mamamayan ang umaasa pa sa agrikultura at karamihan ay sa bigas kaya ito ay mag po-focus ng atensyon sa pangangailangan ng agrikultura at magsasabi na naman sa ating administrasyon na dapat itong bigyan ng prayoridad para hindi tayo magkaroonng ganitong problema sa pagkain.

Q: Mr. Senate President kayo po ay nasa linya ng Ekonomiya, kayo ay isang ekonomista rin dahil kayo ay isang matagumpay na negosyante bago kayo napasok sa pamahalaan. Hindi ko lang po lubos na maisip kung bakit po sinasabi na wala tayong kakulangan pero tumataas po ang presyo ng bigas. Hindi po ba sa Law of Supply and Demand pag kulang ang supply ay doon mo makikita ang pagtaas ng presyo ng isang klase ng produkto?

SPMBV: Alam mo dati tayong chairman ng Agriculture Committee at nakita ko ang tinatawag na inefficiency ng market, ang ibig sabihin niyan ay meron rin talagang mga nagsasamantala sa ating mga kababayan kasi sinasabi nilang meron tayong enough supply. Iyan ay sinusuma sa statistics pero kung may mga hoarder at mako-kontrol ng mga trader o ng mga tindahan yung supply ay nagkakaroon ng shortage. Siyempre kapag nagkaroon ng shortage ang tendency ng mga tao ay bumili ng mas marami para makapagtabi kaya kapag ganyan ang sitwasyon ay nagkakaroon ng krisis. Sa ngayon tumataas ang presyo ng bigas sa World Market at ang tendency kapag tumaas ng ganyan ang presyo ang tendency ng mga trader ay magtabi o mag hoard kaya dapat dito ay alisto ang ating pamahalaan na hindi basta mapagsasamantalahan ng ating mga rice trader ang pagtaas ng presyo at mapigilan sila sa pagho-hoard ng bigas.

Q: So may hoarding po na nangyayari. Iyan ang nakikita natin kasi ang sinasabi ay sufficient naman tayo dito sa loob ng ating bansa?

SPMBV: Unang-una ay hindi naman sigurado na supisyente tayo at bagamat naniniwala ako talaga na kapag tumataas ang presyo sa atin ay nagkakaroon ng tendency na mag-hoard ang ating mga trader kaya ito ang malaking problema. At sa gobyerno naman ay syempre naaalala nila ang mga kakulangan natin bagamat masasabi na long term. Unang una ay ang kakulangan ng ibinibigay na pondo sa Agrikulutura yung AFMA na dapat ay may 20 Bilyon na ibinibigay na karagdagan ay hindi naibibigay. Ang mga dapat maibigay sa mga magsasaka tulad ng fertilizer ay nananakaw at ang kakulangan din sa atensiyon sa mga Post-Harvest facilities kamukha ng bodega. Iyan ay kakulangan dahil sa ngayon 15% ng palay na naaani ay nawawala dahil sa kakulangan ng warehousing facilities. At ang nakakalungkot sa mga magsasaka natin ay tumataas ang presyo ng bigas pero hindi sila ang nakikinabang at ang nakikinabang ay ang mga trader o kaya ang mga kartel. Kaya sa halip na makinabang ang ating mga magsasaka sa pagtaas ng presyo ng bigas ay wala ding kinikita at hindi ginaganahan magtanim.

Q: Nabanggit niyo yan sapagkat alam naman natin ang kalagayan ng mga magsasaka natin lalo po ang mga umaani o nagtatanim po ng palay, yan ay mahirap dahil sa in between ng anihan lalo na para sa pagkain nila at pamumuhay nila. Iyan ay ipina ngungutang nila mismo sa mga Rice trader at pagkatapos ay isinasangla na nila ngayon pa lamang ang aanihin nila. Kaya siguro nakukupo nitong mga rice trader itong supply ng bigas kaya siguro posibleng nangyayari talaga itong sinasabi nating hoarding dahil sa ganyang klase ng sistema?

SPMBV: Talagang nangyayari din iyan. Ang isang kadahilanan dito sa sinabi mo ay dahil nga mahal at nagtataasan ang presyo ng fertilizer ngayon, binhi at pesticide. Ang tatlong mga inputs na yan na tinatawag ay hindi ma-kontrol at sumusobra ang taas kaya napipilitan ang ating magsasaka na mangutang ng malaki para lamang sila makapagtanim. Ito ang dapat na bigyan natin ng atensyon kung papaano mapapababa ang presyo ng mga input na tinatawag, yang fertilizer, binhi at pesticide na huwag masyadong tumaas. Dahil ang nangyayari ay tumataas ang tatlong bagay na iyan pero ang presyo naman ng bigas ay hindi tumataas dahil nga naisangla na at yaong wala namang mautang ay napipilitang magbenta sa oras ng ani nila dahil wala namang bodega sila na pagdadalhan. Kasi kapag sabay-sabay na umani ay mura ang presyo ng bigas dapat sana kung wala silang utang ay maitatabi muna nila ang ibang bigas para maghihintay-hintay sila ng mas magandang oras para magbenta. Subalit dahil sa walang bodega ay naoobliga sila na ibenta sa murang presyo dahil sabay sabay ang ani at ang nakikinabang ay ang mga trader na bino-bodega ang bigas at ibinibenta ng dahan-dahan sa tamang panahon.

Q: So ang dapat po dito ay talagang magkaroon ng intervention ang pamahalaan lalo na doon sa mga pautang?

SPMBV: Ang sinasabi ko nga diyan ay nagtataka ang ating pamahalaan kung bakit sumisigla ang ekonomiya 7% daw, bakit dumadami pa ang mahihirap at marami pa ang dumaranas ng gutom sa mga survey. Ang dahilan ay higit sa kalahati ng ating mamamayan ang umaasa pa sa agrikultura sa ngayon at ito ang isa sa mga hindi napapansin ng ating pamahalaan ngayon.

Q: Kaya po nagtataka tayo ngayon sinasabi ng NFA ay papasok lang sila kapag mayroon problema, hindi ba itong pagtaas ng presyo ay problema na at hindi naman makita ng mga kababayan natin ang mas murang NFA sa mga pamilihan?

SPMBV: Itong NFA kasi ay isa sa problema at dapat rin harapin ng gobyerno dahil sa napakalaki ng lugi nito at hindi naman talaga napapakinabangan masyado ng ating mamamayan at tignan rin natin ang mga anomalya na nangyayari dito sa NFA. Kasi noong ako ang chairman ng Agrikultura ay napakarami ang nababalitaan kong anomalya dito sa NFA kaya ako ay nananawagan rin na i-reporma na ito para nang sa ganoon ay makatugon sa mga pangangailangan ng agrikultura at hindi maging source ng korupsyon.

Q: Mayroong ipinalabas na Limang Bilyong piso ang Malakanyang para sa rice production, sa tingin ninyo ito ay malaking bagay para sa kababayan nating mgasasaka?

SPMBV: Huwag lang sana maulit katulad ng nangyari sa fertilizer na sa halip na makarating sa ating mga magsasaka ay nawala. Kaya dapat masiguro nila na aabot ang pondong ito sa dapat na makatanggap.

Q: Isa pa sa sinasabi na dahilan sa pagtaas ng presyo bigas ay ang pagtaas naman ng presyo ng langis, kapanipaniwala kaya ng ganitong klaseng dahilan?

SPMBV: Isa sa posibilidad yan na tumataas ang presyo sa merkado sa labas ng bansa dahil sa medyo tumataas ngayon ang world price ng bigas. May tendency ngayon na magtaasan ang presyo ng commodity dahil sa marami rin kasi sa ating mga produkto ang dependent rin sa langis at gasoline kaya ang input ay tumataas hindi lamang sa Pilipinas kung hindi pati sa buong mundo. Kaya ang problema habang tumataas iyan ay nagkakaroon ng tendency na mag-hoard kaya lalong lumalaki ang problema. Subalit hindi nakikinabang ang mga magsasaka dahil hindi nila nagagamit ang pagtaas ng presyo para mabigyan ng insentibo itong mga magsasaka natin na magtanim pa ng mas marami.

Q: So dapat ang i-address ng gobyerno natin ay ang mga nagbobodega. Ayaw mag release ng bigas at kino-kontrol nila para maidikta nila kung ano ang maging presyuhan nito sa mga pamilihan?

SPMBV: Dapat siguraduhin nila iyan sapagkat alam naman natin na may rice cartel dito sa Pilipinas at dapat magpakita ng determinasyon ang ating gobyerno para masira ang rice cartel na iyan.

News Latest News Feed