Press Release
March 26, 2008

Transcript of provincial phone patch radio interview
with Senator Chiz Escudero

On SC decision on Neri's case

Hindi ako sang-ayon sa desiyon ng Korte Suprema, ito'y nagbibigay ng lisensiya para mag-cover up o mapagtakpan ng mga opisyal sa gobyerno ang anomalya sa pamahalaan. Ginagalang ko ang kanilang desisyon pero hindi nila maiaalis sa aking bilang isang miyembro ng senado at bilang isang abogado na sumang-ayon sa kanialng desisyon o pasya.

Liwanagin lamang natin, ang sabi ng Korte Suprema hindi pedeng obligahin si Secretary Neri na sagutin ang tatlong katanungan na may kinalaman kay Pangulong Arroyo, ito ay kung nagpa-follow up ba si Pangulong Arroyo ng kontrata, ito ay nang matapos niyang sabiin na may katiwalian ano ba ang sinabi sa kanya ni Pangulong Arroyo matapos niyan at panghuli inutusan ba siya ni Pangulong Arroyo na aprubahan ang kontratang yan, ang ibang tanong na hindi saklaw ng tatlong tanong na yan pedeng itanong ng mga senador at pedeng itanong sa senado. Niliwanag din ng Korte Suprema na hindi rason ang executive privilege para hindi magpunta, hindi sumipot at hindi magpakita si Secretary Neri sa senado.

Normal lamang sa proseso ng korte ang humiling ng motion for reconsideration kapagka hindi ka sang-ayon sa naging desisyon pero duda ako kung mababago pa ang naging desisyon ng korte suprema dahil hindi naman nagbago ang komposisyon ng korte suprema. Pero marapat na mag motion for reconsideration pa rin para lamang sundan ang proseso, para naman ipakita na hindi naman nanggugulo o gusto lamang mangggulo ng senado at ng mga senador.

Hindi ako sang-ayon na hindi pedeng itanong ang mga yan pero linawin natin, kung ang sagot ni secretary Neri sa tatlong tanong na yan ay hindi, sinabi na niya sana yon sa senado, klaro naang sagot sa tatlong tanong na yan ay OO kaya ayaw niyang sagutin pero sa totoo lang hindi na niya kailangang sagutin para sa akin ang tatlong tanong na yan, nang siya ay magkaso, nang siya ay magdemanda at nang siya ay umakyat sa Korte Suprema at ayaw niyang magpunta sa senado huwag lang siyang matanong ng tatlong tanong na yan, klaro at maliwanag sa akin na ang sagot sa tatlong tanong na yan ay OO, yon ang dahilan kung bakit ayaw niyang sagutin dahil kung HINDI ang sagot, ang dali sabihin na HINDI, hindi ako tinatong, hindi ako tinawagan, hindi ako sinabihan, hindi sa akin nag-follow-up. Tapos na ho ang kuwento roon, obvious na ang sagot niya ay OO sa tatlong tanong na yan, yan ang dahilan kung bakit siya umakyat sa Korte Suprema.

Sa ilalim ng kasalukuyang komposisyon ng korte suprema sa palagay ko hindi mababago yan, yan siguro ang dahilan kung bakit sinusulong ni Chief Justice Puno yung compromise agreement, marahil alam niya na ganito ang magiging desiyon ng mayoriya ng Korte at ayaw niya sanang magkaroon ng ganitong uring desisyon pero ganon paman tuloy ang pagdinig ng senado sa aking paniniwala at ipapatawag ng tatlong komite na dumudinig ng kasong ito si Secretary Neri para tumestigo sa ibang mga katanungan, hindi sa tatlong tanong na ito.

On alleged rice crisis

Una hindi ako sang-ayon sa suggestion ni Secretary Yap na bawsan ang pagkain ng kanin, half rice imbes na one cup of rice, mahirap kontrolin ang demand side, ang pede mo lang kontrolin ang supply side, ibig sabihin saan nanggagaling, magkano, maganda ba at abot kaya ba. Pangalawa magkakaroon ng rice summit sa April 4, mali yon dahil bakit tayo nagme-meeting kung nakaharap na at nandyan na ang problema, dapat hinahanapan ng solusyon ang prblema bago pa man pumutok at bago pa man mangyari. At pangatlo magandang ilabas at maging transparent ang pamahalaan kaugnay sa supply ng bigas at presyo ng bigas. Halimbawa magkano ba talaga ang ilan ba talaga ang kailangan nating supply kada buwan at kada taon, magkano ba at ilan ba ang buffer stock natin, kada buwan at kada taon, pang-isang buwan ba, pangdalawa o tatlong buwan, 30, 60 o 90 days ba, magkano an gang bili nating bigas sa labas at magkano ba ang benta natin sa loob. Ayon sa datos na nakuha namin, binibili nating ang bigas sa labas sa halagang P29 kada kilo at binebenta ng NFA yan sa halagang P18 kada kilo, P11 ang subsidize ng pamhalaan na kung magpapatuloy ngayong taong ito, aabot ng P38 billion in subsidy sa kanin pa lamang.

Sa palagay ko naman po ay talagang walang shortage, ang talagang sitwasyon ay ito, kulang ang pinoproduce nating bigas para sa pangangailangan n gating bansa kaya nag-i-import tayo, ngayon ang presyo ng imported na bigas tumataan, yan ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo, ang solusyon dyan una dapat maging self0sufficient tayo sa pagproduce ng pangangailangan natin sa bigas, pangalawa maghanap tayo ng murang mabibilhan ng bigas, pangatlo tiyakin natin na kung mataas man ang presyo ay may pambayad tayo para makabili para naman may makain at makabili an gating mga kababayan.

On Spratlys issue

Hindi pa kumpleto ang mga dokumento kaugnay sa Spratlys, hindi pa sina-submit ng Malacanang ang mag dokumento sa senado, puro haka-haka at tsismis lamang ang lumalabas sa media at mahirap pong magsalita tungkol doon at aantabayanan at hihintayin natin ang mga dokumento na ito bago po kami, bago po ako mag-react.

On ODA oversight committee

Hindi pa ho ibinibigay sa amin, hinihintay po lamang namin na maisapormal ang pagbuo ng komite ng ODA oversight committee para makapag-adopt kami ng rules, para mapublish yan at upang magkaroon na ng kapangyarihan ang komite na mag-siyu ng subpoena. Inaasahan namin yan na mangyayari yan bandang mga Mayo para ma-comply namin lahat ang proseso bago kami makapag-issue ng subpoena.

Sa pamamagitan ng subpoena hindi sila pedeng tumanggi at kung sila man ay tatanggi ang may rekurso dyan ay ang Malacanang sa pamamagita ng pag-akyat sa Korte Suprema kugn saka-sakali tulad ng ginawa ni Neri doon sa pagsubpoena at pag-aresto sa kanya ng Senado.

On former President Aquino's health

Una sa lahat nakikiisa ako sa pamilya ni Pangulong Corazon Aquino sa hamon na kinakaharap niya tungkol sa kanyang kalusugan. Malapit na kaibigan ko si Senator Noynoy Aquino at nandoon ang aking puso at pagsuporta at anumang tulong na aking pedeng maibigay ay handing kong ibigay sa kanila. Pangalawa hindi maikakaila na hihina talaga ang oposiyon pero dapat intindihin ng oposisyon, ng kilusan at ng sambayanan ang kalagayan ng dating Pangulong Aquino at sana ay huwag na siyang mahiling pa na siya ay makita at maging presente sa mga pagkilos na isasagawa sa mga darating na mga araw. Pangatlo nandoroon man siya o wala habang hinaharap niya ang hamon tungkol sa kanyang kalusugan mananatili siyang simbolo ng oposisyon at hindi pedeng maikakaila yon, simbolo ng malinis na pamamahala, simbolo kung ano ang dapat ginagawa ng president at kung ano ang dapat na iwasang mga bagay-bagay. At panghuli siguro hindi naman iisang tao lamang ang bumubuo ng oposisyon, bagaman malaking bahagi si Pangulong Aquino hindi maikakaila na napakaraming tao ang bumubuo sa oposisyon, marahil ito na yong pagkakataon para yung mga walang pangalan, walang kilalang mukha ang siyang manguna, maging bahagi at mag-udyok kaugnay sa mga pagkilos na gagawin para sa kapakanan ng ating bansa at para sa malinis na pamamahala.

Magapapatuloy po palagi, utang namin, utang natin at siguro yon din ang gustong mangyari ni Pangulong Aquino kung mabibigyan siya ng pagkakataong magsalita.

News Latest News Feed