Press Release
April 22, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZXL with Erwin & Doris

Q: Ang amin pong mainit na pagbati dahil no. 1 na naman po pala kayo sa net satisfaction rating sa SWS survey. Nangunguna kayo sa lahat with +53 rating.

SPMBV: Maraming salamat. Ako ay natutuwa kapag ang ating mga kababayan ay nasisiyahan sa ating performance sa Senado. Umasa kayo na lalo ko pang pagbubutihin ang aking trabaho lalo na sa pagtugon sa krisis sa pagkain at pagtulong sa mga mahihirap.

Q: Si Senator Villar po ay hindi lang pang-mahirap, pang-OFW pa. Hindi lang kumikibo itong mamang ito, pero matagal na niyang ginagawa ang pagtulong sa mga OFW kaya hindi na nakapagtataka na iyong kanyang rating ay patuloy na namamayagpag. Sinagot po ni Senate President Villar ng sarili niyang pera ang pamasahe sa mga OFWs na biktima ng human smuggling sa Jordan.

SPMBV: Dati ko nang ginagawa na kapag ako ay nagpupunta sa abroad, bumibisita ako sa ating mga kababayan na may mga problema at sa abot ng aking makakaya, ay iniuuwi ko sa Pilipinas ang iba sa kanila lalo na ang mga menor de edad. Sa pagdaan ng mga taon, napupuna ko na dumadami ang mga may problema nating kababayan. Kaya nitong huling pagtulong ko na mapauwi sa bansa ang ilan sa kanila, minarapat ko na ibahagi ito sa media para mabigyan ng atensyon ng ating mga kababayan at mga opisyal ng gobyerno ang problema ng mga OFWs sa ibang bansa. Marami pa rin ang mga naiiwan na mga kababaihan sa mga embahada natin sa ibang bansa lalo na sa Jordan. Sa katunayan, may anim pang uuwi mula sa Abu Dhabi bago matapos ang linggong ito. Kahapon, isa sa mga umuwi ay 13 anyos lang. Bawal lumabas sa Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa ang sinuman na ang edad ay hindi pa tumutuntong sa 18. Maliwanag na may sabwatan ditto at yun ang gusto kong tingnan. Paano ba nakalabas at bakit pinayagang makalabas ang mga menor de edad nating mga kababaihan. Tatawagin ko ang atensyon ng DOLE, POEA, Immigration sa bagay na ito. Kawawa ang mga menor de edad na nae-expose sa ganitong uri ng kalagayan.

Q: Hindi po ba kayo rin ang naglalaan ng budget para sa DFA? Di po ba kasama sa budget nila ang emergency funding katulad ng pamasahe nung mga kinakailangan nang umuwi sa bansa? Ano po ba kaya ang nangyayari sa budget nila na iyon?

SPMBV: Hindi natin alam kung saan dinadala yun. Ganunpaman, gusto kong dagdagan pa ang kanilang budget. Ang naglalatag naman ng budget ay ang executive, ang kongreso lang ang nag-aapruba. Kaya gusto kong humiling sa DBM na dagdagan ang pondo para sa mga OFWS. Doon sa mga tinulungan kong makauwi, mayroon sa kanila na walong buwan nang nasa embahada. Mayroon pang nakakulong. Labing-isa kasi dapat ang uuwi kaya lang yung isa ay pinigil sa airport sa Jordan at ikinulong muli. Tinawagan ko na ang ating consul doon para asikasuhin ang problema.

Q: Baka po pwede niyo ring silipin diyan sa Senado itong OWWA dahil lahat ng mga OFWS na lumalabas ng bansa ay kinakaltasan nila. Automatic na kaltas iyan. Pero ang dami nang insidente na namamatay sa abroad, hindi man lang matulungan ng OWWA na maiuwi sa bansa.

SPMBV: Gusto ko talagang malaman ang sagot ng OWWA sa katanungan ng mga OFW kung ano ang ginagawa ng ahensiya. Isa pang problema, ang OWWA kasi ay pwede lamang magbigay ng pamasahe na medyo delayed pa, doon lamang sa mga properly-documented OFWs. Para sa akin, maski properly dodumented iyan o hindi, dapat tulungan sila dahil mga Pilipino iyan.

Q: Dapat nga ipabuwag na iyang OWWA at DFA na iyan. Bakit kailangang Senate President pa ang kailangang sumilip sa mga bagay na iyan? Trabaho pa ba iyan ng Senate President? Kaya nga sila itinatag dahil iyan ang kanilang mandato na tulungan ang ating mga kababayang OFWs.

SPMBV: Sana naman magising na ang OWWA at ilabas na ang pondo nila kung may natitira pa para matulungan ang ating mga kababayan.

Q: May LEDAC meeting po kayo ngayon. Ano po ba ang tatalakayin sa pulong?

SPMBV: May sarili kaming programa sa Senado pero mahalaga din na marinig namin ang panig ng Pangulo. Kung pareho naman yung aming pinupunto ay pag-usapan na agad at pagtibayin sa madaling panahon gaya ng problema sa bigas, langis at sa pag-define ng ating baseline o boundary. Ang mga bagay na ito ang dapat bigyang prayoridad. Halimbawa sa baseline issue, dapat ay maliwanagan natin kung hanggang saan ang sakop natin para maiwasan ang mga problema sa hinaharap.

Q: Baka naman po pwede niyong i-inject sa pulong ninyo kung bakit di pwedeng payagan ang mga negosyante na magpasok ng magpasok ng bigas, asukal at iba pang produkto at bawasan na lang ang taripa para naman kahit paano, hindi magutom ang taumbayan.

SPMBV: Marami talagang dapat palitan sa ating sistema, gaya halimbawa sa patakaran ng NFA.. Maraming nagsasabi na matindi ang anomalya sa rice importation kapag binibigyan natin ng exclusive rights ang NFA na mag-angkat ng bigas. Dapat magkaroon ng reporma sa NFA para mabawasan ang kanilang kapangyarihan. Hayaan na lamang nila ang ibang importers na mag-angkat ng bigas.

Q: Pabor ba kayo sa panukala ni Sen. Angara na bawasan ang kapangyarihan ng NFA?

SPMBV: Payag ako doon. Marami na ngang pagkakataon na inisip na ipabuwag na iyan. Lahat naman kasi ng magsasakang nakakausap ko ay nagrereklamo laban sa NFA.. Pero ngayon, nasu-supervise sila ng Pangulo dahil siguro nasa diyaryo sila araw-araw. Pero noong nakaraan, puro anomalya ang naririnig ko diyan sa NFA.

News Latest News Feed