Press Release
May 23, 2008

ROXAS: KAGYAT NA GINHAWA, HINDI LIMOS

Iginiit ni Senator Mar Roxas na hindi limos kundi makatotohanan at agarang solusyon ang kailangan ng mamamayan upang makaagapay sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Aniya, ang nakatakdang pag-aalis ng buwis sa imported crude oil at refined products sa June 1--na inaasahan ng DOE na magpapababa sa pump prices ng singkwenta sentimos (P.50)--ay hindi naman talaga mararamdaman ng publiko lalo't patuloy pang tumataas ang presyo ng langis sa world market.

"Paano mararamdaman ng ating mga tsuper at konsyumer na kakampi nila ang pamahalaan kung pampalubag-loob lamang ang binibigay sa kanila at hindi kagyat na ginhawa?" he said.

"Para silang nasagasaan nitong rumaragasang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at iba pang bilihin. Pero imbes na itakbo sila sa ospital ay binigyan lamang ng band-aid," he added.

Ani Roxas, Pangulo ng Partido Liberal, kung seryoso umano ang pamahalaan na tulungan ang mga hirap na hirap na tsuper at konsyumer, dapat ay dinggin na nito at kagyat na aksyunan ang mga panawagang suspindihin na ang VAT sa langis.

"Sa sobrang hirap ng pamumuhay dahil sa napakataas na presyo ng mga pagkain, langis, kuryente, at iba pang bilihin--isama pa ang taas sa pasahe--hindi lang zero tariff ang kailangan ng mamamayan kundi zero oil VAT," ayon sa chairman ng Senate Committee on Trade and Commerce.

Binigyang-diin ni Roxas na hindi dapat katakutan ng pamahalaan ang pagkawala ng kita nito mula sa VAT sa langis dahil mababawi rin naman ito mula sa iba pang produktong may VAT din. Kaya hindi dapat ipagdamot ng pamahalaan ang pagtanggal ng VAT sa langis sa taumbayan dahil hindi nila ito pera.

"Hindi nila nauunawaan na kapag natanggal yung VAT sa produktong petrolyo, hindi naman ito mawawala sa gobyerno. Bakit? Gagastusin din naman ni Juan de la Cruz ito. Sa kanilang paggastos, makokolekta muli yung VAT. Halimbawa, sa isang tangke ng LPG na 11 kilos, kapag wala itong VAT, ang savings ni misis ay mga P65. Yung P65 na 'yon, gagastusin din sa pagpunta niya sa grocery o sa department store para pambili ng iba pa nilang pangangailangan, na may VAT din," paliwanag niya.

"Pera natin ito. Hindi nila ito pera. At kung ginagastos lang naman nila ang ating pera sa mga bagay na hindi naman nakakabuti sa atin, mas mabuti na tayong gumastos ng ating pera," diin niya.

News Latest News Feed