Press Release
July 23, 2008

Transcript of interview with Senator Mar Roxas' interview on DZBB with Mike Enriquez

On the rising prices of goods:

Q: Ayon sa huling SWS survey, mas maraming nagsabi na nakaramdam sila ng gutom.

MAR: Nakakalungkot nga. Sa aking pag-iikot sa mga palengke, talaga namang nagtaasan ng presyo ng bilihin, lalo na sa bigas. Naalala ko noong nasa DTI ako, P20 per kilo iyan. Ngayon pumapatak na ng P35 per kilo iyan. Hindi naman tumataas ang kita ng ating mga kababayan, kaya hirap na hirap sila.

Q: Tumaas naman ang minimum wage, a.

MAR: Oo, pero kulang naman iyan. Nakadagdag din, nakatulong, pero kulang pa rin iyan. Yung ating pinanukala na naisabatas na, yung exemption sa income tax ng mga minimum wage earners ay nakatulong, pero kulang pa rin talaga ito. Kaya pinapanukala natin na magkaroon tayo ng todo-bigay na fertilizer sa ating mga magsasaka. Bilangin lang natin. Yung inangkat natin na bigas magmula sa Thailand at sa Vietnam ay ginastos namin, at ito ay official figure ng NFA, $1.5 billion. That's about P70 billion. Ibig sabihin, itong pera na ito ay napunta sa magsasaka ng Thailand at Vietnam, hindi sa ating magsasaka.

Ang inangkat natin is about 2 million metric tons. Alam ko dito sa atin, ayon sa NIA, yung irigado is 1.4 million hectares. Kung madadagdagan lang iyan ng 1 ton of rice per hectare, at dalawang cropping sa isang taon, di lahat ng inangkat natin ay dito na manggagaling sa atin. Hindi na kailangang mag-import pa. Yung 1 ton per hectare na dagdag sa dalawang cropping sa isang taon ay katumbas ng dadagdagan natin sa fertilizer support para sa magsasaka.

Q: Fertilizer lang ba talaga ang kailangan?

MAR: Marami talaga ang problema ng ating agriculture sector. Kung nasa emergency room tayo, iyan ang pinakakinakailangan sa ngayon. Ngayon, 'pag nakalabas na tayo sa emergency room, nasa patient room na tayo, iba na ang ating pangangailangan: irigasyon, farm management at iba pa. Pero sa ngayon, yung talagang kinakailangan natin na dagdag sa bigas. Bigyan ng fertilizer support ang ating mga magsasaka, at sila'y makaka-produce ng lahat ng kinakailangan natin para sa bigas na kakainin natin.

Q: Wala raw magagawa sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

MAR: Mayroon tayong magagawa diyan, na ang gobyerno ay hindi na dagdag na pabigat. Habang tumataas ang presyo ng langis, ang gobyerno ay naka-angkas, sa 12% VAT. Dati, noong $30 lamang ang langis, ang inaasahang makolekta ng gobyerno ay $3.60 bawat bariles. Ngayon nasa $130 na. So ang kinokolekta ng gobyerno ay $16 bawat bariles. Sobrang-sobra na ang nakokolekta ng gobyerno, kaya ako, last year ko pa sinasabi na tanggalin natin ng VAT ang produktong petrolyo. Iyan ay automatic na P6 per liter of savings, at P66 para sa LPG tank ang savings ng ating mga misis.

Q: Sinasabi ng gobyerno na dahil sa 'Katas ng VAT,' may pera ang gobyerno para saluhin ang mga problema na dulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

MAR: Saan ba nakokolekta ang VAT? Diba sa mga kababayan natin? Tapos gusto nila isasauli nila sa mga kababayan natin. Bakit pa kokolektahin? E di iwan na lang sa kamay at bulsa ng ating mga kababayan. Ang sinasabi natin na ang P20 bilyon o P30 bilyon na mawawala sa VAT sa langis, iyan ay mapupunta sa ating mga magsasaka, sa ating mga jeepney driver, tricycle driver, lahat iyon mahihirap a. Bakit pa kokolektahin, alam naman natin na pag kinolekta ng gobyerno iyan, may leakage iyan. E di iwan na lang natin sa bulsa ng ating mga kababayan. Iyan ang aking posisyon.

Ngayon, hindi ko naman sinasabi na lahat ng VAT alisin, dito lang sa pinakamahalagang commodity, sa langis, na lahat naman hindi makaiwas, dahil lahat ng transportasyon ng ating mga kababayan, transportasyon ng mga bilihin, tanggalin na ang VAT. Unang-una, sobra-sobra, apaw-apaw na ang nakokolekta ng gobyerno diyan na hindi naman niya inaasahan. Wala naman sa projection ng gobyerno na pumatak dito yung presyo ng langis. Noong ipinasa itong VAT, $30 per barrel. $130 per barrel na ngayon. Wala sa plano ng gobyerno na makakolekta sila ng ganitong kalaki mula sa produktong petrolyo. Kaya sinasabi ko tanggalin natin na iyan. Savings iyan sa ating mga misis, sa ating mga jeepney driver, tricycle driver, mga mangingisda na may motorized bangka, lahat iyan makikinabang. Huwag lang pakolektahin sa gobyerno, iwan na lang sa kamay at bulsa ng ating mga kababayan.

Q: Hindi na raw po gaanong kaganda ang katayuan ng pananalapi ng gobyerno.

MAR: Paulit-ulit nilang niloloko ang ating mga kababayan. Sinasabi natin na tanggalin ang VAT sa produktong petrolyo lang. Hindi naman buong VAT ang pinapaalis natin. Sang-ayon sa hearing, sinabi ng Department of Finance na yung mawawala na income nila sa pag-suspend ng VAT sa produktong petrolyo ay P30 bilyon. Ang buong budget ng gobyerno ay P1.3 trillion. So saan masasabi na mawawalan o mababawasan ng serbisyo? At sinasabi natin na itong P30 bilyon na mananatili sa ating mga kababayan, hindi naman mawawala iyan. Ang sinasabi natin ay hindi na kokolektahin ng gobyerno ito, kasi maiiwan sa kamay at bulsa ni Juan de la Cruz. Hindi naman mawawala iyan o masusunog lang. Nasa sa kamay ng kababayan natin. Gagastusin nila iyan, at paggastos nila niyan, may bagong VAT na makokolekta ng gobyerno. Propaganda yung sinasabi ng gobyerno, kasi gusto nila na sila'y namimigay ng pera, kasi may pogi points iyan. Para sa akin, hindi na bale na pogi ang gobyerno. Iwan lang natin ang pera kay Juan de la Cruz. Ganoon din iyon, wala pang leakage.

Q: A-attend kayo sa SONA?

MAR: Oo naman. Kasama iyon sa trabaho namin. Wala namang pulitika iyan e. Kasama iyan sa demokrasya natin. Makikinig tayo, bagamat makakakuha tayo ng impormasyon sa TV, sa internet, o kaya babasahin sa talumpati, kasama sa ritual ng demokrasya natin, okey rin lang.

News Latest News Feed