Press Release
August 13, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: Mananatili po ba ang pirma ninyo sa resolution on federalism?

Villar: Meron tayong proposed resolution, ibig sabihin niyan, sisimulan ang diskusyon. Nagugulat nga ako dahil iyong iba ang akala ay tapos na ang resolution sa Senado. Ang proseso dito sa Senado ay matagal pa. Itong proposal na inihain ni Sen. Pimentel na pinirmahan naman ng mahigit 12 na mga senador, ay para talakayin ang isyu ng federal system of government. Mahaba pa iyan. Nais rin nating ipakita na dito sa Senado ay talagang transparent tayo. Lahat ay iimbitahin, lahat ay pakikinggan. Kung hindi maganda ang lumabas, hindi mananalo iyan sa voting. Kaya ang resolusyon na iyan ni Sen. Nene ay matagal pa. Hindi pa nga sinisimulang talakayin sa committee kaya nagtataka ako na parang advance na advance na.

Q: Mas lalong hindi acceptable sa mga presidentiables?

Villar: Nais ko lang liwanagin na ang pagpirma doon ay para simulang pag-usapan ang panukala. Hindi nangangahulugang ang panukala ay naaprubahan na ng Senado. Ito po ay isang proposed resolution. Wala namang masama na pag-usapan, basta transparent lang. Hindi kamukha ng GRP-MILF agreement, ito ay magiging transparent. Naniniwala ako na lahat ay iimbitahin ng committee sa pagtalakay nila nito.

Q: Mangyayari po ba ito before 2010?

Villar: Ang totoo niyan, depende sa chairman ng committee at depende sa Senado. Hindi naman tayo nagdidikta kung kailan sisimulan ang diskusyon nito. Kanina nga sa diyaryo nakita ko na ito ay proposal daw ni Sen. Villar at Sen. Pimentel. Ayaw ko namang agawan si Sen. Nene sa kanyang resolution. Hindi naman natin ugali ang nang-aagaw ng authorship.

Q: Sabi ni Dureza, senators daw ang sisisihin kapag hindi natuloy ang federalism?

Villar: Kapag hindi umusad siguro, ayaw ng tao. Kaya dapat ang tao ang sisihin niya. Pero ipapakita namin kay Secretary Dureza kung paano siguro mag-hearing. Ito ay magiging iba dahil lahat ng tao ay makakaalam, transparent talaga.

Q: Susulong ang debate?

Villar: Hindi ko alam. Actually, hindi pa ini-schedule ng committee. Kaya nga nagulat ako na pinag-uusapan na. Matagal na iyan na nakahain dito at hindi naman natatalakay.

Q: Ang 2010 elections dapat matuloy?

Villar: Dapat matuloy ang eleksyon sa 2010. Sa palagay ko naman lahat dito sa Senado ay iniisip na may eleksyon sa 2010.

News Latest News Feed