Press Release
October 25, 2008

Transcript of Sen. Mar Roxas' interview in DZMM's Magandang Morning with Julius and Tintin

On the Euro Generals

MAR: Ibig sabihin kasama talaga ito sa propaganda. Pangalawa, dito sa mga nakalagay sa sulat, sinasabi na ipamimili ito ng equipment. Ano na ang nangyari dun sa bidding? Ganito ba ang sikreto ng pamimili ng gamit ng PNP? At saka cash? Nasaan ang resibo nito? Bakit bitbit ng heneral na retirado na? Ano ang kapangyarihan niyang mamili sa ngalan ng PNP? Para sa akin habang pinag-iisipan ko ito lalong marami pang tanong ang lumalabas dito kesa sa sagot.

Inuulit ko ang payo ko kay Gen. Versoza: huwag siyang magpagamit. Baguhan pa lang siya diyan. Maganda ang kanyang track record at reputasyon, huwag siyang magpadamay, huwag siyang magpapahamak diyan sa mga gumagawa-gawa ng istorya para pagtakpan itong anomalyang ito.

Q: Kelangan ng executive session dahil may security implications dito?

MAR: Ang security lang dito ay ang tinatago nila na ganito kaluwag ang paggastos o paghawak ng pera ng sambayanan ng PNP: walang resibo, walang otorisasyon. Yung supposed to be na nag-o-authorize hindi alam na nangyari ito. Yung isang retirado ganito kalaking pera ang hawak niya. Eh wala naman na siyang kapangyarihan, wala na siyang katungkulan para humawak ng ganito kalaking pera. Sabi mo nga, may pupuntahan pa siyang iba. Eh pribadong citizen na siya eh. Bakit pa niya hawak itong pera ng taong bayan?

Q: Ayon sa batas, bawal nang magbiyahe ang isang taong retirado na?

MAR: Tama. Hindi lamang retirado. Iyong isang taon bago mag-retiro, hindi na pinahihintulutan na gastusan pa sila ng gobyerno para bumiyahe. Kasi hindi na makikinabang ang sambayanan sa kanilang pag-biyahe.. Kasi 'di ba, supposed to be mga conferences ito, gagastusan ng budget ng gobyerno ang kanilang pag-biyahe. P2 million plus ang ginastos dito.. E mag-reretire na sila e, ano pang pakinabang ng sambayanan diyan? Kaya iyan ang batas diyan. Pero bukod pa dun, itong dinadahilan sa pamamagitan ng sulat ay mas lumalalim at lumalawak ang misteryo dito.

Q: Matutuloy ba ang pagsampa ninyo ng reklamo?

MAR: Oo. Nakausap ko ang aking mga abogado at ayon sa kanilang mga preliminary findings merong una, paglabag sa budget law. Malinaw na malinaw diyan sa budget na hindi pwedeng gastusin ang budget ng gobyerno, ni isang pera ng gobyerno hindi puwedeng gastusin kung magreretiro na ang isang opisyal at ang paggastos niya ay para sa biyahe. Iyan ay malinaw na malinaw, within one year whether civilian or uniformed.

Q: Kung hindi mapagbibigyan ang hiling nila ng executive session, ano nang mangyayari?

MAR: Ang hearing ay bukas (open), hayag sa sambayanan. Wala akong nakikitang dahilan kung bakit kailangan isikreto ito. Malinaw na malinaw na itong pera na ito ay lumabas at hanggang sa ngayon hindi pa malinaw kung sino ang nag-authorize nito. Sabi nga sa sulat, ito ang mga opisyal na nag-withdraw nito o nag-authorize nito at mas dapat iyan ay masabi sa open hearing.

Q: Anong nangyari sa warrant of arrest kay Gen. Dela Paz?

MAR: Hindi pa ata napipirmahan ng Senate President eh. So kami sa komite bumoto na kami na dapat ipa-aresto itong si Dela Paz. Nasa sa Sergeant at Arms na yan.

Q: Ano po ang implications sakaling hindi sila sumipot sa mga susunod na pagdinig?

MAR: Ako, bilang isang senador at bilang miyembro ng komite, tuloy ang aking boto na ipa-aresto ang mga ito. Pera ng taong bayan ito. Di ba lahat ng ating mga kababayan nagbabayad ng buwis? Ngayong tag-hirap, nakikita natin na ganito na lang ang paggastos ng pera natin. Tapos kung mahuli na ganito pala ang sistema dun, sasabihin executive session, sikreto na lang. Hindi naman pwede iyon.

Q: So maaaring tumagal pa ang paghain ng warrant of arrest kay Gen. Dela Paz?

MAR: Oo. O kaya ay political will lang iyan e. Gagawin ba kung ano ang dapat? Para kay Senador Miriam Defender Santiago, ang aming chairman, at ako, bilang vice chairman, ay sapat na po ang proseso na ginawa para arestuhin itong si Dela Paz.

On Joc Joc Bolante's Deportation

Q: Idedeport na daw si Joc-Joc Bolante. Ipapa-aresto ba siya ng Senado?

MAR: Iyan din po ang boto ko. Depende po sa pamunuan ng Senado kung gagawin nila ito, kung ano ang karapat-dapat. Ako malinaw ang posisyon ko, Senate is a continuing body. If there is an existing arrest order for Joc-Joc Bolante, dapat igalang natin ito. Dapat humarap si Joc-Joc Bolante sa sambayanan at ipaliwanag ano nangyari dito. P728 million na fertilizer scam, ang laking pera nito. At ngayong nag-import tayo ng bigas, masasabi natin na iyong ginastos para sa pag-import ng bigas, ang lahat ng ginastos ng mga misis, ng ating mga mamimimili sa pagbayad ng P40 per kilo na bigas, lahat iyan ay sanhi ng anomalya dito sa fertilizer. Kung tama ang biniling fertilizer, kung tama ang paggamit ng fertilizer na ito, aba'y masagana sana ang ani natin dito sa bansa natin.

Q: Ano ang prosesong pagdaraanan ng warrant of arrest niya?

MAR: May warrant of arrest na iyang si Joc-Joc Bolante dati pa, noong nakaraang Kongreso pa. At bilang continuing body, ang aking pananaw diyan effective pa din ito. Ang sergeant at arms, understandably, nag-aalangan kung tuloy pa ba ito o hindi. Naghihintay siya ng hudyat mula sa pamahalaan pamunuan ng Senado. Para sa akin, kailangang panindigan ng Senado ito, panindigan natin iyong katotohanan. Alamin natin kung ano ang nangyari dito, ipa-aresto natin sa Senado para humarap sa taong bayan si Joc-Joc Bolante.

Q: Pagbobotohan ng mga senador kung dapat ituloy ang pag-aresto?

MAR: Dapat pagbotohan iyan. Bago pa kami nag-adjourn nag-file na ako ng resolution na dapat i-renew para malinaw na malinaw. E hindi inaksyunan e. Kaya nandito tayo ngayon.

News Latest News Feed