Press Release
October 31, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

(NAIA)

Q: Ano na ang plano sa all senators' caucus?

Villar: Alam naman natin ngayon na lahat ng tao ay nangingilin. Ako pa nga mismo ay papunta rin doon, All Saints' Day kasi ngayon.Nag-canvass ako sa mga senador at halos karamihan ay nasa labas pa ng bansa o ayaw umattend ng kahit na ano pang meeting itong linggong ito. Kaya titingnan ko muna kung ilan ang pwedeng umattend kung tatawag ako next week. Ang mahalaga dito ay marinig ko ang opinion ng lahat ng chairman na posible. Sa ngayon kasi alam na natin ang posisyon ng chairman ng Agri. Ang gusto ko namang malaman ay ang posisyon ng chairman ng Blue Ribbon. Mag-uusap nga kami either mamayang gabi o bukas ng hapon. Maski na fiesta official ay mag-uusap kami this weekend kung ano ang magiging posisyon ng Blue Ribbon dito. Bilang Pangulo ng Senado, sumusunod kasi ako sa sistema natin. Alam naman natin na ang Senado ay isang deliberative body, 22 kami dito. Pinapahalagahan ko ang opinion ng nakararami sa atin pong institusyon. Hindi pwedeng isa o dalawa lamang. Mahalaga na malaman ko rin ang nasa isipan ng iba pa nating kasamahan.

Q: Magtatagal ba talaga si Jocjoc sa ospital?

Villar: Ito nga ang sinabi ko, itong Senado ay may 22 senador at gusto nating malaman ang opinion ng nakararami. Alam naman natin na ang Agri ay maliwanag na ang posisyon ay iba at ayaw nilang mag-imbestiga dito kaya ang hinihintay ko naman ngayon ay ang opinyon ng Blue Ribbon at siguro itong weekend na ito ay malalaman ko kung ano ang kanilang posisyon. Kung iimbestigahan ng Blue Ribbon ito, nasa kanilang bola na iyan. Kung hindi nila iimbestigahan, then we can take over.

Q: Palalayain n'yo na si Jocjoc?

Villar: Hindi namin palalayain, magdedesisyon muna kami kung sino ang mag-iimbestiga kapag tinanggihan ng Blue Ribbon.

Q: Meron kayong mga kasamahan na naniniwala na hindi na kailangan ng caucus at pwede nang mag-imbestiga motu propio ang Blue Ribbon katulad ng ginawa ng Foreign Relations committee?

Villar: Magandang sabihin natin iyan sa chairman ng Blue Ribbon. Palagay ko naman sa darating na mga araw siya ay nahahandang magsalita sa issue na ito. Sa palagay ko tinatanong din niya ang iba niyang miyembro. Ang sistema sa Senado ay committee system. Hindi pwedeng ikaw lamang ang magdedesisyon. Mahalaga na kung may gagawin ka sa committee mo ay tatanungin mo muna ang sentimyento ng iyong mga miyembro din. Kaya minsan hindi ko rin masisi ang ating iba't ibang chairman na magku-kunsulta sila sa kanilang mga miyembro. Ako naman bilang pangulo ng Senado ay pinapahalagahan ko ang committee system sa ating Senado.

Q: Parang naghihintay daw kayo ng go signal sa Malacañang?

Villar: Nakakatawa naman iyon. Sa palagay ko hindi natutuwa ang Malacañang sa pagkakaaresto kay Jocjoc Bolante. Palagay ko iyan ang maliwanag ngayon. Nakita n'yo naman na bagaman iba ang posisyon n g ating committee ay denisisyunan ko na iimplementa ang warrant of arrest ni Mr. Bolante.

Q: Personally you want the probe to continue?

Villar: Sa tingin ko dapat na ituloy kaya nga lamang ayokong pangunahan talaga ang mga committee. Iyon nga ang gusto kong sabihin ngayon, na ang Senado po ay composed ng maraming mga senador. Lahat po ng opinion nila ay mahalaga sa akin bilang pangulo ng Senado. Bagamat ako ay may personal na kagustuhan at mas gusto ko sana ay magkaroon ng imbestigasyon, mahalaga na malaman muna natin ang sentimyento ng chairman ng ibang committee na involved dito at pagkatapos nila ay iyong iba nating kasamahan. Dapat din nating isipin na nangingilin po ang ating bansa ngayon. Karamihan po ay wala na nga ngayon, half day ngayon dahil bukas ay All Saints' Day. Kaya mahirap din naman na maghanap ng mga kasamahan na makukunsulta natin. Tumatawag nga ako sa iba nating kasamahan subalit halos lahat sila ay either nasa labas ng bansa o hindi available at nagbabalak na mag-spend ng kanilang weekend sa pag-alala sa kanilang mahal sa buhay na namatay.

Q: Tapos na po ang Forum on Global Migration, ano po ang na-accomplish natin?

Villar: Ito ay napakahalaga na convention sapagkat ang Pilipinas ay kinikilalang isa sa mga pinakaimportanteng bansa sa larangan ng migration. Meron tayong walo hanggang sampung milyon na mga kababayan na nasa labas ng bansa. Mahalaga na manguna tayo sa pag-uusap kung paano matutulungan at masisiguro na ang ating mga kababayan ay hindi mapapabayaan. Mahalaga na ang problema ng migration ay harapin natin. Bagaman alam ko na nagkakaroon ng diperensya sa opinion, may mga opinion na hindi tayo dapat mag-encourage ng migration, meron ding opinion na kailangang i-encourage natin iyan. Iyan nga ang kadahilanan kung bakit dapat pag-usapan. Basta ang mahalaga rito ay napakaraming umaasa sa ating policy on migration at dapat lamang na bigyan ng atensyon ng ating gobyerno.

Q: Sa tingin ninyo kaya pang humarap ni Jocjoc sa imbestigasyon?

Villar: Tatanungin na lang natin ang duktor.

News Latest News Feed