Press Release
November 21, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' press conference at PIMRO

On the administration's push for Charter Change:

MAR: Hindi lang natin alam kung sinong diyos ang sumagot sa panalangin ni Secretary Dureza. Itong Cha-Cha, nagpapakita na manhid, out of touch itong gobyerno at mga kaalyado ng Pangulo. Sa kabila ng kahirapan, sa kabila ng gutom, sa kabila ng napipintong economic crisis na nakikita na natin, na may epekto na dito, ang inatupag nila ay ang pulitika, ang pangsarili, at panantili sa pwesto.

Itong Cha-Cha ay hindi sagot sa ating mga problema. Sinusugal nito, nilalaro nito, binabalewala nito ang kaayusan, ang kinabukasan ng ating bansa. Ang mga trabaho, ang mga hanapbuhay, ang pagkakakitaan na siyang pinakakinakailangan ngayon. Hindi masasagot nitong Cha-Cha. In fact, kabaligtaran ang mangyayari. Itong Cha-Cha ay magdadala ng gulo, ng ingay, ng destruction. Wawasakin nito ang ekonomiyang naghihingalo na, at yung katahimikan na kinakailangan natin para sa ating progreso.

Ang Cha-Cha ay ang last card ni PGMA. Ito na ang panghuling pagsisikap para manatili sa pwesto. Sa ating mga kababayan, kapag napigil natin ito, panalo na tayo, talo na sila, at magiging question of time na lang bago makakapagsimula ng reporma at tuwid at tapat na pamamahala sa ating bansa. Kaya sa ating Pangulo, nanawagan ako, na itigil na niya itong Cha-Cha na hindi naman makakatulong sa atin. Utusan niya ang kanyang mga alyado, ang kanyang mga anak, na itigil na itong signature drive para sa Cha-Cha.

Sa ating mga kababayan, magmasid tayo, maging alerto tayo para hindi magtagumpay itong Cha-Cha na siyang magiging sanhi ng pagkawala ng demokrasya dito sa ating bansa at pagkawasak ng ating ekonomiya.

Q: Anong klaseng gulo ang maaaring mangyari?

MAR: Ang ating kababayan ay sawang-sawa na dito sa gobyerno. Survey after survey nagpapakita na nawalan na sila ng tiwala sa gobyerno. Mababa ang pagtingin nila sa liderato, at inaantay na lang nila ang pagkakataon na makapagsimula ng pagbabago sa pamamagitan ng halalan. Itong Cha-Cha, magsisilbing hadlang sa pagbabagong ito. Ang Cha-Cha ay pamamaraan para mga nasa poder ay mananatili sa poder, at iyan ang dahilan kung bakit magkakaroon ng gulo rito sa atin. Palagay ko, ang ating mga kababayan, nagpapasensya pa rin dahil alam nila may halalan, may pagkakataon sa pagbabago sa 2010. Pero kung yung pagkakataong iyan ay tatanggalin pa sa kanila, hindi sila papayag diyan.

Q: What is the Senate's stand on this?

MAR: Ang mga senador, alam ko maninindigan bilang indibidwal na senator at bilang institusyon, na hindi natin papayagan isang maanomalyang pagbabago sa ating Saligang Batas. May resolution na nilagdaan na halos unanimous ng mga senador, at hanggang sa ngayon, 16 na lumagda sa resolution ay kasalukuyang senador pa. At sinasabi na ang Senado at lahat ng mga lumagda doon, hindi papayag na magkakaroon ng con-ass na hindi kasama ang Senado at kung voting jointly. Lalabanan ito ng mga senador, lalabanan ito ng institusyon, dahilan sa ito talaga ang check and balance kontra sa pang-aabuso ng isang branch ng executive, o ng House of Representatives.

Sabihin natin na hawak ng House ang three-fourths. Magco-convene sila as a constituent assembly. Sasabihin nila na ang kanilang reading ng Saligang Batas ay hindi kailangan ng dalawang separate acts, dahilan sa joint ang pagtingin nila sa constituent assembly. Nasa sa senador kung sisipot sila o hindi. Kapag nag-convene na sila at ipinasa nila ang mga pagbabago sa Saligang Batas, dadalhin nila ito sa Comelec na magkaroon ng plebisito batay doon sa mga probisyon na pinagbotohan nila.

Ngayon, kami naman, bilang Senador, at bilang institusyon ng Senado, of course aangal kami diyan. At dadating ito sa Korte Suprema. Magfa-file kami ng petition sa Comelec at sa Korte Suprema, na nagsasabing 'Iligal ang ginagawa niyo, at huwag niyong ituloy iyan.' Huwag kayong magpatawag ng plebisito dito sa produkto na isinagawa ng Kamara de Representante, at diyan ngayon papasok ang hatol ng Korte Suprema. Alam natin na dominated ito ng mga na-appoint ng Pangulong Arroyo at mayroon pa siyang halos pito na bagong maa-appoint diyan sa Korte Suprema. Naniniwala ako na magdedesisyon ang mga mahistrado ng Supreme Court batay sa kanilang konsensya at hindi nila pagbibigyan ang mga political favors o mga political back-scratching. Nakasalalay dito ang kinabukasan ng ating bansa. Parang nalimot na natin ang karanasan natin sa Martial Law, kung saan iisang grupo, iisang panig lang ang nadidinig dito at iisa lamang ang nagdedesisyon sa lahat. Huwag nating pabalikin iyan sa bansa natin.

Q: What does the new Senate Presidency have to do with this?

MAR: Naniniwala ako na si Senate President Juan Ponce Enrile ay hahakbang sang-ayon at para sa demokrasya. Hindi siya nakakalimot sa kanyang karanasan doon sa EDSA, na kung saan nakita niya na dapat mangibabaw ang interes ng sambayanan, ang demokrasya, ang pagbabago, ang reporma. Alam ko pinapahalagahan niya. Pangalawa, si Senate President Enrile mismo, isa sa mga lumagda sa resolution na nagsasabi na dapat voting separately ang con-ass. Sinabi ni Senate President Enrile sa amin na hindi siya nangingibabaw sa amin, siya lamang ang pinili natin bilang presiding officer ng Senado, at lahat ng pananaw ay bibigyan niya ng pantay-pantay na timbang.

News Latest News Feed