Press Release
December 13, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' interview in DWIZ with Cely Bueno

On yesterday's Anti-Chacha rally in Makati

MAR: Hininga ko lang ang saloobin ko at ng mga tao na ayaw na ayaw nating mawala ang kapangyarihan sa atin na mamili ng ating mga lider. Pag natuloy ang cha-cha na ito, itong Forever Gloria cha-cha, mawawala na sa atin ito at babalik tayo sa panahon ng Marcos na siya at siya na lang maghahari sa atin.

Q: At sir, dahil nadala kayo ng inyong emosyon, mukhang napamura na kayo doon sa inyong talumpati.

MAR: Ganoon lang talaga iyon. At sa palagay ko, yun naman talaga ang saloobin at damdamin ng taumbayan. Tama na, sobra na, at hindi naman siguro bagay yung mga "oh my gosh" o "oh my golly". Sadya kong sinabi ito talaga, na ito ang saloobin ko.

Q: Ang sabi ng iba, gusto niyong kumuha ng atensyon dahil ibang Senator Roxas ang nakita ng bayan kahapon?

MAR: Ay nako, hindi naman talaga matutuwa ang lahat, lalong-lalo na ang mga gustong ituloy itong Gloria Forever cha-cha na ito. Para sa akin, ginawa ko ito, mahaharap ko ang aking mga ninuno, ang aking lolo, ang aking ama, na ang sinabi ko ay ang damdamin natin. Iyon lang naman ang aking ginawa, at para sa akin, tama naman lang.

Q: Madami ang pumunta kahapon sa rally. Sa tingin ninyo, sapat na po ito para ma-pressure ang Malakanyang at mga kakampi nila na ihinto ito?

MAR: Dapat ipagpatuloy natin ang ating pag-iingay, ang ating paglalaban, na hindi mawala sa atin ang kapangyarihang ito. Itong administrasyong ito, manhid naman ito e. Ilang rally na, ilang pagsasabi na, ilang paglalahad na ng ating taumbayan, hindi naman nila pinapansin. Pursigido sila na ituloy ito. Sa kanilang pananaw, ito lamang ang makakapagpatuloy ng kanilang paghahari rito sa ating bansa. Wala na kasi silang ikakampanya pang plataporma, wala silang ikakampanya na performance. Kaya pipilitin talaga nila na mananatili sila sa kapangyarihan sa pamamagitan nitong baluktot na cha-cha na ito. Kaya dapat ipaglaban natin ito, ituloy natin ang ating pagtutol dito sa cha-cha.

Q: Sabi ninyo nga manhid na ang administrasyong ito. Kung patuloy silang magbibingi-bingihan sa tinig ng taumbayan, ano ang nakikita ninyong scenario? Mapapagod na lang ba ang taumbayan, o maaari itong maging tipping point para sa isang upheaval?

MAR: Wala namang iisang event o iisang bagay na siyang magde-decide nito. Sigurado, aabot ito sa Korte Suprema. Sigurado ang ating mga kababayan na bagama't ang kanilang mga damdamin ay kasama sa pagtutol sa cha-cha, ang atensyon nila ay sa kanilang paghahanap-buhay. Lahat iyan ay nagmamasid, lahat iyan ay nag-oobserba. At sa pagdating ng tamang panahon ay lalabas at lalabas din ang lahat ng iyan.

Talaga namang aabot ito sa Korte Suprema. Ang Kamara de Representantes ay pursigido na itutulak nila ang "solo-flight" cha-cha na ito, na sila na lang--di na bale ang Senado--ang mag-aamiyenda ng Saligang Batas. Kami naman sa Senado, buong-buo kami na tututulan namin ito. 23 out of 23 ang lumagda sa resolusyon na iyan, na hindi kami papayag na mababalewala, na mae-etsa-puwera ang Senado. Mawawala itong check-and-balance sa pag-aamiyenda ng ating Saligang Batas. Eh kung sa pangalan lang ng kalye: bicameral. Papaano pa kaya dito sa pag-amiyenda ng Saligang Batas? Sigurado ako na ang tinig ng taumbayan, papakinggan din ng mga mahistrado.

Q: Habang wala pa itong kaso sa Korte Suprema, may nakikita pa ba kayong serye ng mga kilos protesta?

MAR: Tama ka doon. Dahil sa imbes na atupagin natin itong parating na delubyo mula sa global financial crisis, ang ating mga lider ay nakatutok doon sa cha-cha. Sa pagpapahaba ng termino, sa pansariling interes. Dapat atupagin natin itong kawalan ng trabaho, itong paghigpit ng pautang sa internasyonal, itong pagbagsak ng benta ng ating mga export, at ang kahinaan ng ating ekonomiya. Diyan dapat tayo nakatutok. Pero ang ating mga lider, nakatutok sa kanilang pansariling interes lamang.

Q: Ang concern ng ilan, kapag umabot na sa Supreme Court at ang desisyon ay hindi katanggap-tanggap sa taumbayan, ay baka maging 'volcanic eruption' ang bunga nito?

MAR: Malaking tiwala ko sa mga mahistrado ng Korte Suprema na sila ay huhusga nang tama. Ayon sa ating Saligang Batas, lahat tayo sa oath na sinumpaan naming: "we will protect and defend this Constitution." Hindi ibig sabihin na babaluktutin natin ito o mamaneobrahin natin ito. Huwag nating papayagan na kahit sino na bumaluktot o bumaboy sa ating Saligang Batas. Ito lamang ang panangga natin laban sa anarkiya, kaya dapat lahat tayo manalig sa Saligang Batas natin.

Q: Bago ang rally,, may kumalat na mga text messages na tinatakot ang mga presidentiable na dadalo. Ano sa tingin ninyo ang objective nitong balitang ito?

MAR: Di ko na pinansin na iyon. Ano ba naman ang ikatatakot ko? Kasama ko ang ating mga kababayan, at sinasabi ko lang, ginagawa ko, ang saloobin nating lahat. Yun naman ay isang marangal na layunin at kahit anong mangyari, tama lang na nandoon tayong lahat. Yung bullet proof vest ko, sando lang na pang-ilalim.

Q: May ilang pumuna, pangunahing sumama doon ay mga senador na nag-aambisyon sa 2010 presidential elections?

MAR: Lahat po kami imbitado. Ang nag-organize nito ay isang multi-faith na aggropation, sectoral, civil society. Lahat naman po ay inimbita, at tinanggap naman namin po ang kanilang imbitasyon.

Ganoon pa man, itong 2010 na ito--kahit sino man ang piliin--ito ang pagkakataon ng ating taumbayan na mamili ng bagong liderato matapos ang walo o siyam na taon kay Gloria, na nakita natin na walang performance, kulang na kulang, at nakita nating lalo tayong naghirap. Kaya dapat hindi ito dapat mawala sa kamay at kapangyarihan ng taumbayan.

News Latest News Feed