Press Release
January 6, 2009

Transcript of Senator Mar Roxas' DZRH interview
with Deo Macalma and Ruth Abao

On the financial crisis:

MAR: Masama po ang ekonomiya. Ang aking forecast, ngayon talaga mararamdaman yung epekto sa ibang bansa. Hindi natin made-deny na yung ekonomiya natin at maraming trabaho ay konektado sa pangyayari sa ibang bansa. At kung sadsad sila, aba'y apektado tayo. Lalung-lalo na sa exports natin, sa semiconductors, garments, gifts and housewares, furniture, nagsimula na ang pagbawas ng trabaho, at iyon ang aming pinapangambahan ngayon. Iyon din ang dahilan kung bakit natin sinisikap na ang budget ay magkaroon ng safety net, ng pangsalo sa mga nawalan ng trabaho.

Q: Magagamit ba itong pera nang tama?

MAR: Iyan ang dahilan kung bakit, para sa akin, magandang stimulus package ay tax rebate. Ibig sabihin, ang buwis, ibabalik sa tao, at tayo na mismo ang gagastos ng ating pera, pambayad ng tuition, pambayad ng pag-ayos sa bahay, pagbili ng gamot at iba pang mga pangangailangan, imbes na gobyerno ang gagastos, na alam natin may napakaraming leakage.. Mas mabuti na ibalik ang pera sa taumbayan.

Q: Hindi kaya magkakaproblema sa fiscal deficit?

MAR: Sa aking kalkulasyon, kung mayroong epekto, maliit lang ito at kakayanin ito. Pero para sa akin, mas mabuti na imbes na mapupunta ito sa pangungurakot - nakita na natin sa pagbibiyahe ng mga heneral, sa pagbili nitong overpriced at maling fertilizer, mas mabuti na ang nagbabayad ng buwis ay mabigyan ng relief o tulong sa pamamagitan ng pagbalik ng kanilang buwis.

Q: Ano ang inyong advice sa administrasyon tungkol sa mga nawalan ng trabaho?

MAR: Kalimutan na muna itong mga Cha-Cha, kalimutan na muna itong mga pampulitika, pampahaba ng termino, dahilan sa, yung trabaho ay hindi makapag-antay. Nawawalan ng trabaho ang ating mga kababayan, at iyan ang dahilan kung bakit dapat mag-focus tayo sa ekonomiya at hindi sa pulitika.

Q: Gaanong kalaki itong tax rebate?

MAR: Yung tax rebate, dalawang pamamaraan iyan. Una, sabihin natin, yung 12% VAT, gawin nating 10% VAT, ng dalawang taon. So mababawasan ang buwis, madadagdagan ang purchasing power ng ating mga kababayan. Yung pangalawang pamamaraan na tinutulak ko rin, ay tax rebate para sa lahat ng mga fixed income workers. P5,000, one-time ito. There are about 2 million fixed-income earners, mga gumagamit ng W-2 form. Kung binigyan natin silang lahat ng P5,000 tax rebate, that's P10 billion only. Parang malaki iyan, pero sa kabuuan ng P1-trillion budget, maliit na bagay iyan. Pero itong P5,000 sa bawat pamilya, sa bawat taxpayer, malaking bagay ito. Maaaring mababayad niya yung 5-6 na inutang niya. Maaari na pantawid ito, kasi hindi pumasok yung remittance ng kanilang kamag-anak na nawalan ng trabaho. Maaari na pambayad ito ng tuition, para makapag-graduate sa Marso yung kanilang panganay o kung sinong mag-aaral sa kanilang pamilya. Iikot ito sa ating ekonomiya, kasi gagamitin ito sa pinaka-basic na binibili. Hindi ito gagamitin sa iba pang mga bagay na hindi naman priority.

Q: Dapat bang gumastos ngayon o hindi?

MAR: Ang tanong ay hindi naman kung gagastos o hindi, ang tanong ay ano ang gagastusin? Kasi lahat naman tayo may pangangailangan. Lahat tayo gutom, lahat tayo, gustong makabili ng damit para sa anak natin. E kung wala naman tayong panggagastos, ano ang gagastusin natin, wala nga tayong choice. Ang pinakamalaking bahagi ng ekonomiya ay yung gobyerno. P1.4 trilyon ang kanyang gagastusin. Ang tanong, sa tama ba gagastusin ito, o sa kurakot?

Q: Pero yung P5,000 tax rebate, hindi ba maliit lang iyan e..

MAR: Ang aking estimate kasi, magtatagal ito ng one year hanggang eighteen months. Sa ngayon, gawin nating one-time, at kung kinakailangan, i-extend sa susunod na taon, sa 2010. Ang importante ay may pantawid tayo, kasi aanuhin mo pa yung kabayo sa 2010, 2011, kung patay na. Ang kinakailangan sa kabayo ay damo, may kakainin sa ngayon.

On the 'Alabang Boys':

MAR: Talagang dapat magkaroon ng malawak na imbestigasyon. Sa totoo lang, hindi ko alam ang mga detalye, pero hindi dapat pakialaman ng mga matataas na opisyal yung justice process dito sa ating bansa. Kung mayroon mang may nakialam diyan ay dapat maparusahan iyan. So dapat alamin ang detalye, anong mga memo, anong mga telephone calls at pagsusuyo na ginawa, nang sa ganoon malaman, nagkaroon ba ng interference? Nagkaroon ba ng pagsusuyo para malibre ang mga akusadong ito?

On the fertilizer fund probe:

Q: Marami pa ba kayong ipapatawag?

MAR: Oo, at mag-a-attend po tayo. Makikita natin ngayon.. Inamin ng Feshan, yung supplier ng fertilizer, na yung halaga ng kanyang mga fertilizer - may kita na siya roon - ay P50 million. Pero inamin niya na pina-invoice sa kanya, P105 million. Malinaw na nagkaroon ng at least 100% overpricing dito sa supplier na ito lang. Aminado yung may ari ng Feshan na yung halaga ng kanyang idineliver at ibinenta sa gobyerno ay P50 million lamang. Iyon talaga ang pinakahalaga n'on. May kita na siya, kumpleto na. Pero sinabihan siya na magbukas siya ng bagong account, pero yung invoice sa gobyerno ay P105 million. Ano pa ba ang kailangan? Hindi ko nga alam bakit si Merceditas pa rin ang Ombudsman. Siya dapat nagfa-file nitong mga kaso. Hanggang ngayon, wala pang aksyon.

Q: Kailan tatapusin ang imbestigasyon at ano ang mga rekomendasyon?

MAR: May mga rekomendasyon na. Ang punto dito, napipilitan ang Senado na gawin ang lahat na ito dahilan sa hindi umaaksyon ang mga ahensya, lalung-lalo na ang Ombudsman at Department of Justice. Kailangang umaksyon kontra dito sa mga anomalyang ito. Halos imbestigador na ang Senado rito. Yung detalye ng mga transaction, sino, kailan, saan ang invoice, Senado na lang ang gumagawa. Bakit? Kami na lang yung takbuhan ng tao e. May budget naman itong mga ahensya. May tao, attorney, imbestigador naman sila. Sa kalagayan natin ngayon, ang media, at ang Senado, iyon na lang ang pinupuntahan ng mga tao. Wala na kasing kredibilidad ang gobyerno.

Q: Tapos may CA ruling na pwede na mag-withdraw sa bank accounts ni Joc-Joc.

MAR: Bakit hindi pinaglaban ng gobyerno ang interes ng mga tao? Yung Ombudsman, Department of Justice, lahat itong mga ahensya na supposed to be, inaalagaan ang interes natin, hindi nila ginagawa trabaho nila. In fact, ayaw nilang gawin ang trabaho nila, kasi ayaw nilang mabuksan ang impormasyon o anomalyang ito.

News Latest News Feed