Press Release
January 8, 2009

Transcript of Senator Mar Roxas' interview on DZXL

On the Cheaper Medicines Act:

MAR: Dapat kulitin na ang gobyerno na imbes na sa Cha-Cha, imbes na sa pulitika at pampahaba ng termino, mapunta dito sa pangangailangan natin na tunay. Murang gamot, quality medicines, na inaantay ng lahat, matagal na nating pinaglaban ito. Kung yung katarayan ni GMA ay gamitin niya rito, baka gumalaw ito.

Hindi pa tapos ang ating laban. Halimbawa, kulang na kulang pa rin itong Botika ng Bayan, at kami nga sa Senado, nilagyan natin ng pondo itong PITC at Department of Health para mas marami silang mabiling gamot na ito. Matagal nang nasa DoH ang batas na ito. Humingi ng apat na buwan ang DoH para ayusin ang IRR at sistema. Sinabi natin, okey, sige kaunting pasensya. Ngayon, Enero na. Kailangan talagang kalampagin, pukpukin natin, para matuloy na ito.

Ang importante rito ang pangangailangan ng ating kababayan. Yung sa ating senior citizens, yung may high blood, diabetes. Lahat itong nangangailangan ng maintenance drugs na hanggang sa ngayon sobra ang kanilang binabayad. Hindi nila nabibili ang sapat na gamot. Maaasahan na sa personal na ginagawa ko, kausap natin yung mga importer, yung Drug Store Association of the Philippines. Pero yung kapangyarihan, yung pondo, yung desisyon, ay nasa sa gobyerno, nasa Department of Health.

Q: Sinabi ni DoH Usec Alex Padilla na mayroon naman ito sa mga government hospitals.

MAR: Maaari na mayroong ganoon, at okey din iyon. Hindi natin minamaliit ang ginagawa nila. Pero kulang na kulang. In fact, ang kapangyarihan, binigay natin sa DoH sa pamamagitan nitong batas, at inaantay natin yung masigasig na aksyon. Yung total na pharmaceutical na pamilihan sa isang taon dito ay P85 billion. Ang laking pera talaga iyan.

Halimbawa, sabihin ng Department of Health na ang target nila, simulan sa P3 billion na binibili ng Department of Health taun-taon. Sila mismo pwede nilang pababaan presyo nila. Pangalawa, sabihin nila dito sa Philhealth, hindi kami magbabayad sa Philhealth para sa pagbili ng gamot na mahal. Dapat yung mga murang gamot ang binibili ng Philhealth.

Talagang babrasuhin natin ang pharmaceutical industry na ito na ang tagal-tagal nang pinagsasamantalahan tayo. Huwag tayo masyadong naiilang sa kanila. Sampung taon nating pinaglaban iyan, sampung taon tayong binugbog ng pharmaceutical industry, kung anu-anong putik ang tinapon sa atin, kasi gusto nating babaan nila presyo.

On the 'euro generals':

Q: Ia-absolve na raw ang mga euro generals.

MAR: Naku, kataka-taka, kahiya-hiya, ano ba ito? Yung korapsyon, yung pagtakip sa katiwalian, yung pagkontsaba ng mga nakaupo ay talagang talamak na talamak. Kitang-kita, hindi ba sila nahihiya? Inamin na nga ng heneral na siya yung gumawa nito, na labag sa mga reglamento nila, hanggang sa ngayon wala pang kaso. E ano pa yung mangyayari sa ilalim ng Merceditas na ito. In fact, yung itong $21 million na dapat dalhin rito para makatulong sa ating anti-corruption, binawi nila ito. Sabi nila, sayang naman kung pinadala ang tulong sa Pilipinas, kinukurakot lang. Isang bilyong piso din iyan. Ginamit lang ito sa pampapogi, pero wala namang nangyari sa anti-corruption drive natin. Nakakainis!

Ako naman, natutuwa na nakipag-swimming si Gloria diyan sa mga dolphin. Pero ang layo naman ng iyon sa bituka, sa pangangailangan natin. Sa totoo lang, napakarami ang problema natin. Nawawalan ng trabaho ang mga OFW natin. Ayaw ko namang magbigay ng masaklap na larawan, bagong taon naman, pero dapat ang ating lider ay atupagin yung pangangailangan talaga.

On the 'Alabang Boys':

MAR: Yung kinabukasan ng kabataan ang tinatamaan nito. Kaya nababahala ako sa, nahuli na ng PDEA, aba'y isang mataas na opiysal sa kabilang ahensya, Undersecretary ng DoJ ang naglalakad. Kung ang katarayan ni Gloria ay gamitin, tatawag niya lahat iyan, sabunin niya, sabihin niya 'mag-resign kayo.' Halimbawa doon sa Amerika, si Obama, binubuo ang kanyang gabinete. Mayroon siyang ni-nominate, hindi pa nakaupo. Sinabi lang niya na iniisip niyang gawing secretary ng commerce. Lumitaw na iniimbestiga siya sa isang maliit na anomalya sa New Mexico. Siya mismo nagsabi, huwag niyo na akong isama sa konsiderasyon, kasi malalagay sa alanganin ang gobyerno. Dito sa atin, nakaupo na, mayroon nang anomalya, mayroon nang akusasyon, ayaw pa rin magbitiw.

News Latest News Feed