Press Release
February 3, 2009

Transcript of interview in DZMM Dos Por Dos with Anthony Taberna & Gerry Baja with Nacionalista Party President Sen. Manny Villar

Q: Totoo ho ba na kayo ay nag-aagawan sa pagka-Ilonggo ni Sen.Mar Roxas?

Villar: Hindi naman, ang tatay ko naman talaga ay taga-Iloilo at very proud naman ako na masabing mga kababayan ko ay mga taga-Iloilo,mga kasimanwa. Alam mo kasi yung tatay ko medyo mahirap lang, napilitang pumunta sa Tondo para makipagsapalaran. Pero lahat ng aming mga kamag-anak at ninuno taga-diyan sa Iloilo. Kaya napagkakamalan na nag-aagawan pero pareho naman kaming nagmamalaki na mga Ilonggo kami.

Q : Yung tatay nyo ho pala ang taga-Iloilo...

Villar: Alam mo kasi noong panahon ng kahirapan sa Iloilo City, napilitan siyang pumunta rito sa Maynila. Doon niya nga nakilala ang nanay ko, kaya ako'y pinanganak sa Tondo. Pero ako naman bagamat very proud ako na pinanganak sa Tondo ay hindi ko nakakalimutan ang aking bayan talaga, dito sa Cabatuan sa Iloilo.

Q : Pinatutsadahan pa raw kayo na hindi kayo marunong mag-Ilonggo?

Villar: Hindi naman ako ano roon, inaamin ko na dala ng kahirapan ay hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makapag-lipat-lipat at yan naman ay alam ng buong bayan. Alam mo kasi pag mahirap ka ni pambayad nga sa eroplano ay wala ka. Kaya kahit gustong gusto ko sana na iyang dalawang bayan ay aking mapuntahan ng madalas noong ako'y bata, pero dala ng kahirapan ay hindi ko nagawa.

Q: So anong pagkakaiba nyo ho, Ilonggo kayong dalawa?

Villar: Wala naman siguro, mayaman lang ang kanyang ama at mahirap lang ang akin.

Q : Yung isang mayaman at isang mahirap na Ilonggo. Yun lang pala.

Villar: Iyon naman ay aking ipinagmamalaki. Iyong mga kamag-anak ko doon ay hanggang ngayon ay tinutulungan ko pa lahat. Medyo marami rin naman at medyo hindi nga nakakaahon pa,sinasabi ko nga sa kanila na balang araw ay makakaahon din kami lahat doon.

Q: So pareho palang Ilonggo, magkaiba lang ng kalagayan sa buhay. Walang agawan sa pagiging Ilonggo.

Villar: Si Sen. Mar naman ay taga-Capiz, tabi naman ng Iloilo.

Q: Senator yun ho namang pagiging Mr.Palengke ay hindi nyo ho naman pinag-aagawan?

Villar: Ako naman ay nagtinda sa palengke ng buong buhay ko, nagkataon lang naman na pinanganak ako sa Tondo, squatter tayo noong araw eh. Hanapbuhay ng aking nanay yung magtinda ng hipon sa palengke. Labing-isang taong gulang pa lamang ako ay sa palengke na kami nagtitinda araw-araw. Kapag alas-onse ng gabi ay nagpupunta kami sa Divisoria at bumibili kami ng dalawang banyerang hipon at iyon ay aming itinitinda, hanggang mapag-aral namin ang mga kapatid ko.

Q: Si Gerry ho kinukulit ako ano raw ang ho ang ipinagkaiba niyo bilang Mr. Palengke?

Villar: Hindi ko alam kung ano ang kuneksyon pero siguro yun ay nung siya ay nagtatrabaho sa Dept. of Trade. Yung akin namang pagka-palengke ay talaga kasing doon ako lumaki. In fact last week lang ay dinalaw ko ang aking mga kasamahan doon. Maganda pa rin naman bagamat hirap ang buhay. Dinala ko nga ang aking anak dun,si Camille para makita nya ang aking buhay doon sa palengke at natuwa naman siya na nagkaroon ako ng pagkakataon na maipasyal siya dun sa Divisoria na kinalakihan ng kanyang tatay.

Q: Ngayon po ay lumalawak ang pagtutol para gamitin ng pamahalaan ang pondo ng GSIS, ng Pag-ibig Fund dito sa stimulus package na iginayak ng administrasyon.

Villar: Palagay ko ay sapat naman ang pera ng gobyerno at hindi naman kailangang galawin pa iyan. Ito namang mga institusyon na ito ay may sariling programa, kagaya halimbawa ng Pag-Ibig, ituloy lang nila ang pagpapautang sa pabahay okay na iyan. Doon naman sa SSS, GSIS, kung may magagandang investment ay puwede naman nilang bilhin din iyan at puwede nilang bigyan ng pera ang mga industriya na nagbibigay ng maraming employment sa ating mga kababayan pero hindi iyong basta na lamang magpapasigla n gating ekonomiya. Sa ating budget naman ay merong pera para diyan at meron tayong sapat na gagastusin para pasiglahin ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng mga infrastructure projects at kung kinakailangan, ang mga kumpanya na iyan.

Q: Nag-aalala ang mga SMEs kung ano ang pwedeng gawin ng pamahalaan para magpatuloy ang kanilang existence.

Villar: Ito nga ang nais nating sabihin sana sa ating pamahalaan, kokonti lang talaga kasi sa kanila ang taus-pusong tumutulong sa maliliit na magtitinda at nagsasarili. Ang totoo niyan ay sa mga infrastructure na programa nila, parang wala akong nakikita na magkakaroon ng malakihang pagsuporta sa mga maliliit na negosyanteng Pinoy, iyong mga tindero at tindera sa palengke. Sila kasi ang nakikita kong magpapasigla ng ekonomiya ng ating bansa, iyong milyung-milyong Pilipino na nagsasarili ay mabigyan ng suporta sa pamamagitan ng pagpapautang at pagtuturo sa kanila ng dapat gawin. Magkaroon sana ng malakihang suporta para atin pong nagsasariling mga kababayan at iyong hindi makakahanap ng trabaho na gustong magsarili ay dapat suportahan. Iyong pondo na kakailanganin nila ay pwedeng manggaling sa stimulus fund at hindi naman ito masyadong malaki. Nakikita ko na sa ilang bilyong piso lamang ay malaking bagay na para pasiglahin ang ating maliliit na nagsasariling mga negosyanteng Pinoy.

Q: Ang nakikita po ninyo ay ang pagpapautang ng gobyerno sa mga maliliit na negosyante?

Villar: Para ang pondo ay dumaloy sa kanila at mapasigla ang kanilang maliliit na hanap-buhay. Marami kasing negosyong maliliit na nangangailangan ng tulong ng working capital, hindi lumalaki. Ito pa naman ang napakaganda dahil ito ay napakarami at diretso sa ating mga mamamayan at hindi parang masyadong malayo. Ito ay talagang makakarating agad sa bituka at magkakaroon ng tunay na pagsigla ang ating ekonomiya at diretso ang tulong sa mga mahihirap.

Q: Maraming OFWs na napapauwi, meron pa sigurong dalang konting pera iyan kung may naipon pa at iisipin nila ay saan kaya dadalhin ito?

Villar: Sa mga OFW, marami din sa kanila ang gustong magsarili. Kaya diyan pwedeng tulungan sila. Mangangailangan din ng working capital ang karamihan diyan. Diyan tayo pwedeng pumasok bagamat syempre kailangang ituloy natin ang pag-alalay sa mga OFW dahil sila naman talaga ang bumubuhay sa ating ekonomiya.

Q: Meron nang pagkilos ngayon ang mga partido pulitikal, ang Lakas at Kampi ay nakikipag-usap na daw po sa NPC at sinasabing ang magiging common candidate nila ay si Chiz Escudero. Ang Nacionalista saan po nakikipag-negosasyon?

Villar: Kami naman ay naniniwala na sa darating na halalan ay magkakaroon ng ekspresyon ang ating mga mamamayan ng kanilang tunay na nasa saloob. Dito ay hindi ko masyadong binibigyan ng halaga ang mga partido sapagkat bilang isang dating Speaker at Senate president, naiintindihan naman natin ang sentimyento ng mga local officials at sa tamang panahon ay mamimili sila kung sino ang gusto nilang maging pangulo at hindi kung sino ang dala ng kanilang partido.

Q: Totoo po ba na kayo ay nakikipag-negosasyon kay Kabayang Noli? Kukunin ninyo siyang VP candidate?

Villar: Wala namang negosasyon. Kami ni Kabayan ay matalik na magkaibigan at pareho kaming miyembro ng Wednesday Club. Kapag kami ay nagmi-meeting, nagkikita-kita ay nagsasaya lang. Ang totoo niyan, hindi namin pinag-uusapan iyan. Ang napapagkasunduan lang namin ay hindi kami mag-aaway. Ano man ang mangyari ay hindi kami mag-aaway. Hindi naman namin alam kung magpe-presidential election nga. Hindi namin alam kung may eleksyon. Subalit ang mahalaga, ang magkaibigan ay magkaibigan.

Q: Hindi n'yo ba niyayaya si Kabayan ng sumali sa NP?

Villar: Sa tamang panahon naman, ang magkaibigan ay mag-uusap. Nakikita lang namin na maaaring ang panahon ngayon ay hindi pa tamang panahon. Subalit syempre normally ang nag-uusap diyan ay ang magkakaibigan muna.

Q: Bilang isang negosyante, ano ang maaari ninyong gawin para mapabuti an gating ekonomiya kung nahalal na pangulo?

Villar: Ang pagpapalaki ng ekonomiya ay nasa isang tao na may karanasan sa pagpapalaki niyan. Maraming mga theory na nababasa natin sa libro subalit ang tunay na makakapagpalaki ng ekonomiya ay iyong talagang naging players sa ekonomiya natin. Kaya iyong natuto ka sa business halimbawa, alam mo ang pangangilangan ng business sector at alam mo kung paano palalakihin ang business sector na nagbibigay ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan... Para magawa mo iyan, hindi puwedeng parang ikaw ay nagbabasa lang ng libro. Kinakailangan din na ikaw ay nakagawa na rin ng ganyan.

News Latest News Feed