Press Release
March 4, 2009

Statement of Senator Loren Legarda on Presidential Election
(Kaugnay po ng naging paliwanag at pahayag kahapon ni Sen. Manny Villar na kailangan ang P1 billion para tumakbo sa presidential election)

"Nakakalungkot ung nabasa ko sa dyaryo noong Martes. Sabi ni Sen. Manny Villar na kung wala ka raw P1 billion, huwag mo ng ituloy ang balak mo bilang pangulo.

Talagang nakalulungkot at nakakatakot ang ganitong pahayag. Ang mensahe po kase ng sinasabi natin dito ay simple.

Ibig ba n'yang sabihin, kung wala kang pera ay huwag ka ng mangarap na makapaglingkod bilang pangulo sa ating bansa? Nakalulungkot pong isipin na paliliitin natin ang usapin ng paglilingkod sa bayan sa isyu ng pera. Pera-pera na lang ba ang eleksyon? Talaga bang ang tingin nya sa taong bayan ay mukhang pera? Pwera na ba ang pagmamahal sa bayan? Pwera na ba yung uri ng leadership na ibibigay mo? Pwera na ba yung vision para sa kinabukasan ng ating bansa? Basta may pera pwera na ba ang lahat?

Hindi naman po siguro ganoon dahil ang mahalaga ay compassion, ang mahalaga ay passion to serve, ang mahalaga ay may plataporma at vision para sa ating matagal nang naghihirap na mga kababayan.

Totoo, maraming mga gastusin kung ikaw ay mangangampanya. Katunayan dito makikita ang tunay na suporta ng mga taong naniniwala sa vision, sa iyong pangarap at plano sa ating bansa. Sila mismo ang magtitipon-tipon, magko-kontribusyon para tumulong sa iyo na maipamahagi ang iyong mensahe sa ating mga botante.

Sabi rin niya (Sen. Manny Villar), "they say there is one golden rule. He who has the gold rules." Kung tatagalugin po natin upang mas malinaw, "sabi nila isa lang ang golden rule o ginintuang batas. Kung sino ang may ginto, sya ang mamumuno." Kapag ganito ang sistema wala na tayong pinagkaiba sa isang gang. Kung sino ang may pera, sya ang magdidikta ng lahat. Walang pwedeng kumuwestyon sa kanyang lider dahil lahat ng mga kasapi ng kanyang gang ay hayok sa ipinamamahagi nya. Iniiwasan ko pong direktang pumuna sa mga kapwa nating politiko dahil tiyak na babalikan at sasabihing namumilitika lang. Pero ito ay hindi ko kayang palagpasin dahil ito ay insulto sa taong bayan na pera lang daw ang katapat ng desisyon ng bawat Pilipino, ng kanilang karapatang pumili ng kanilang pinuno.

Kung makikita natin ang uri ng mga reaksyon ng tao sa kanyang pahayag ay mararamdaman natin ang galit ng taumbayan sa isyung ito."

News Latest News Feed