Press Release
July 22, 2009

Transcript of interview in Dos for Dos with Anthony Taberna
and Gerry Baja with Sen. Manny Villar

Q: Bising-busy yata kayo senador, hindi namin kayo napagkikita nitong mga nakaraang araw?

Villar: Hindi naman, umiikot lamang tayo sa buong kapuluan para magtanong-tanong kung ano ang nangyayari doon. Syempre nakikibalita ka, mahalaga rin kasi na kahit paano ang mga advocacy mo ay ginagawa mo, iyong pagtulong sa OFW. Kapag umiikot ka kasi, nakikita mo ang mga problema. Sinasabi na rin nila sa iyo ang solusyon. Nakakatulong ka na, nalalaman mo pa kung ano ang gagawin mo kung saka-sakali na ikaw ay kakandidato sa pagkapangulo. Ang isang maganda sa pag-ikot ko rin, naihahatid ko yung mga OFW sabay dalaw na rin kapag meron akong sinasalubong.

Q: So tuhog iyon?

Villar: Oo, para multi-tasking, wika nga tuhog para sabay-sabay na.

Q: Sulit yung byahe?

Villar: Oo, mahal din ang pasahe.

Q: Interesado lang kasi ako doon sa Tondo, napapanood kasi sa TV. Naalala ko kasi iyong bahay ko tuwing uulan, laging may nakasahod na timba. Iyung bahay na iyon ay sa inyo pa rin hanggang ngayon?

Villar: Actually, kabibili ko lang. Dahil sa squatter nga kami noong araw, hindi sa amin ang lupa. Iyong bahay, sa amin. Yung lupa ay nabili ko lang last year. Iyon pa rin ang original na bahay. Doon kami tumira. May mga nabago na, medyo nabago na yung poste, pero iyon pa rin talaga. Sa bahay na iyon ay siyam kaming magkakapatid.

Q: Anong kalye po iyon?

Villar: Sa Moriones. Doon ako lumaki, doon ako nag-aral.

Q: Sino ho ang nakatira doon ngayon?

Villar: Wala na ngayon. Pero until last year ay mga pinsan ko.

Q: Hindi nyo ba pinaplanong ipa-demolish na at palitan?

Villar: Actually kaya ko binili yung lupa dahil idedemolish na nga. Dahil sa medyo eye sore na raw. Nanghihinyang naman ako dahil doon ako pinanganak kaya nung inoffer sa akin ay binili ko na lang bagamat may mga kapit-bahay din ako doon na ganoon din ang problema.

Q: Puntahan po natin ang isang laging itinatanong ng media sa inyo, sa mga forum po ng presidentiables, parang hindi daw kayo napagkikita. Kayo po ba ay umiiwas talaga dito?

Villar: Alam mo, siguro isa sa mga kadahilanan kung bakit ako naririto ngayon, dahil ako ay umiikot lang sa buong bansa at doon ko nilalahad ang aking mga plataporma, iyong aking mga gagawin. Pero inuulit ko na hindi pa naman kami lahat nagpa-file ng candidacy at napakadami pa nga. At sabi hindi pa sigurado kung sila nga ay tatakbo. Sa palagay ko kasi, premature itong mga forum natin. Hindi ba mas maganda kung ang mga debates na ganyan ay kapag nag-file na ng candidacy para alam mo na kung kandidato. Sa ngayon kasi, yung mga kasabayan mo karamihan naman ay hindi tatakbo din. Kaya ako ay naniniwala na darating ang oras na talagang kailangan kong ipaliwanag at sa buong kapuluan ako ay nagpapaliwanag. Marami nga akong primer at dini-distribute ko na kung ano ang aking mga gagawin. Kaya lang iyang mga ganyan kasi, ito naman ay opinyon ko lang, sa tingin ko ay napakaaga. Ang totoo niyan sa ngayon halos lahat ay may kanya-kanya nang forum. Siyam na buwan pa kasi ang halalan at hindi pa natin alam talaga kung sino ang mga kakandidato.

Q: Ang gusto nyo po kapag nakapag-file na ng certificate of candidacy?

Villar: Ngayon sa dami ng pressure, baka sumali na rin ako. Dangan nga lamang at sa una iyon ang aking tingin, baka kasi maubos ang oras namin sa ganun at iyong aming problema sa pag-ikot sa buong kapuluan ay baka maapekto. Subalit may mga kaibigan din tayong tumatawag, okay lang naman. Sabi ko, kung talagang demand or pressure, okay din. Sapagkat mahalaga din naman iyan, talaga lamang naniniwala ako noong una na masyadong maaga.

Q: Sa bagay, may mga naririnig tayo na karamihan sa mga pumuporma diyan ngayon na mag-presidente, ilan na bilang ninyo, senador?

Villar: Magda-dalawangpu na kami. Napakarami na namin at marami pang dumadating. Kaya sabi ko parang premature dahil madami pang nagbabalak na tumakbo. Hindi ko nga alam kung ilan pa ang sasabihin na baka sila ay nabulungan din ng Diyos o kung ano man ang kadahilanan. Hindi natin alam until November. Sa paniniwala ko ay marami diyan sa mga nagsasabing kakandidato sa kanila ang hindi tutuloy.

Q: Ano po ang gagawin nila?

Villar: Hindi ko alam. Kasi ganito iyon, kapag gusto mong kumandidato pagkapangulo, ipo-float mo muna ang name mo. Titingnan mo kung lilipad. Ngayon kapag hindi naman tumaas, magwi-withdraw ka na. Pero normal naman iyan maski sa mga mayor, governor, congressman, minsan ipo-float mo muna ang name mo pagkatapos magwi-withdraw ka na. Pero bago iyan, isang malaking bagay din na naobserbahan ko habang nanonood ako ng mga forums, maganda rin siguro itanong natin kung ano ang nagawa na para mapatunayan naman na iyong kanyang sinasabing plataporma ay kaya niyang gawin. Sapagkat kapag hindi mo tinanong iyan, maski sino pwedeng gumawa ng plataporma. Magpapagawa ka lamang sa isang kaibigan mo na magaling sumulat. Pero ang importante ay anon a ba ang nagawa mo kapag sinabi mo halimbawa na kailangan natin ang liderato ditto sa ating bansa. Ikaw ba ay may napangunahan na? May na-lead ka na? Ikaw ba ay nahalal ng mga kasamahan mo noong nakaraang panahon para masabi mo na ikaw ay karapat-dapat na maging lider. Kung sasabihin mong pamamahalaan mo ang ekonomiya natin dahil marami ang naghihirap, meron ka na bang napamahalaan noong nakakaraang panahon na masasabi mong karanasan mo, na ikaw ay pwede nang mamahala ng ating ekonomiya? Kapag sinabi mo naman na babaguhin ko ang lipunan, babaguhin mo ang ating gobyerno, meron ka na bang nagawang radikal sa buong buhay mo para masabi namin na kaya mong gumawa ng isang radikal na desisyon? Mahalaga ang mga bagay na iyan dahil hindi lamang ang gagawin mo ang dapat ilahad mo, kung hindi kailangang kumbinsihin mo rin ang ating mga kababayan na kaya mo itong gawin.

Q: Meron po bang ganung presidentiable na parang ngayon lang naisipan ang mga bagay na iyon? Nagpagawa ng plataporma?

Villar: Hawig eh. Ang totoo naman niyan, lahat kami halos pare-pareho ang sasabihin. Lahat naman magsasabi na ang edukasyon ay dapat gawin, ang kalusugan ay dapat i-improve, ang corruption ay tapusin o labanan, pare-paeho iyan. Mas mahalaga iyong paano mo gagawin. Kasi madali mong sabihin na itataas mo ang lebel ng edukasyon, itataas mo ang lebel ng ating kalusugan, subalit mahalaga rin na ipaliwanag natin sa tao na nagsasawa na rin ang mga tao sa pangako at mga plataporma na ganyan.

Q: Tuwing mag-eeleksyon puro iyan ang mga isyu na inilalabas ng mga presidentiables. Pero tama ho kayo, ang kailangan natin paano mo gagawin. Nabanggit ninyo kanina na may mga kandidato na ipino-float lang ang kanilang pangalan para susubukan lang, siguro para lumutang sa survey. Kayo ho ba ay naniniwala sa survey?

Villar: Oo naman. Kasi ano mang organisasyon, maski na business, syempre kapag gusto mong malaman halimbawa itong DZMM, gusto mong malaman kung ilan ang nakikinig dito, nagpapa-survey din kayo. O ilan ang gumagamit ng shampoo mo o sabon o toothpaste, ikaw ay nagsu-survey din. Kasi wala ka namang basis kung hindi doon. Syempre may mga nagsu-survey na iba, babasahin mo naman lahat. Syempre hahaluan mo iyan ng pakiramdam mo rin. Bagamat matagal pa naman, hindi naman nangangahulugan na porke mababa ka ngayon ay hindi ka na tataas at kung mataas ka ngayon ay hindi ka na bababa. Parang iyan din ay nagsisilbing score, kung baga sa basketball, parang iyan ang scoreboard mo.

Q: Kapag lamang ang kalaban sa third quarter, baka makahabol ka.

Villar: Hahabol ka at titingnan mo. Para maunawaan mo rin kung ano ang gusto ng tao kasi minsan nagbabago din iyan.

Q: Ito ay survey na ang una pong naglabas ay ang Business World. Ang gumawa po nito ay Social Weather Stations, ito po ay 2nd Quarter Survey, ibig sabihin hanggang sa katapusan na ng June ito. Ito po ang resulta: Villar, 33%, tumaas na po ito, noong February 26%, noong may 29%,. Ang pangalawa po dating Pang. Joseph Estrada, 25%, pero maganda ho ang itinalon niya, dati po ay 13% lang siya. Ang number 3 po ay si SEn. Chiz Escudero at si Sen. Mar Roxas, nag-tie sila sa 20%. Mataas din ang ibinagsak ni Kabayan, kasi kasunod lang ng dalawa, saka lang dumating si VP de Castro, 19%. Ang sabi po nitong description ng SWS, his lowest rating since September 2007... Naniniwala ba kayo sa survey na ito?

Villar: Maging noong wala pa ako sa pulitika, nasa negosyo pa tayo, ay sumusunod na tayo diyan at talagang nagpapa-survey tayo. Iyan naman ay ginagamit ng lahat, hindi lamang sa pulitika, kung hindi pati sa business sector din kapag gusto mong malaman ang pulso ng ating mga kababayan, ang kanilang damdamin. Iyon namang kay Noli, hindi naman siguro, kailangan i-compare mo rin iyan kung consistent kaya titingnan mo rin ang nakaraan at ang susunod. Kailangan kasi consistent iyan at ikukumpara mo rin sa ibang survey para maging basehan. Baka naman nagkataon lang iyang kay Noli.

Q: Hindi ho nawawala ang usap-usapan na si VP Noli De Castro at kayo ay meron nang lihim na kasunduan at si Kabayan daw ang magiging VP mo?

Villar: Kaibigan ko si Noli talaga at hindi naman iyan fair sa kanya. Maari namang siya ay tumatakbo pagkapangulo. Kami ni Noli ay parehong miyembro ng Wednesday Club at paminsan-minsan ay nagkikita kami, nagdi-dinner at kung minsan ay umiinom ng konti. Pero hindi kami nag-uusap nang ganyang arrangement. To be fair kay Kabayan, wala namang ganyan kaming pinag-uusapan. Bagamat inaamin naman namin na magkaibigan kami.

Q: Ang tanong po diyan, ni-rule out nyo na po ba ang posibilidad na kayo po ang kakandidatong pangulo at siya ang vice president?

Villar: Wala naman akong niru-rule out. Mahirap kang mag-rule out ngayon dahil ang pulitika minsan ay mahiwaga, hindi mo inaasahan na may mangyayari sa mga darating na panahon. Hindi ko naman alam kung sino ang tutuloy, hindi ko alam kung sino ang aatras, maaring lahat kami ay tatakbo, hindi naman tayo magugulat, baka 20 kami o baka 2 lang. Kaya syempre hihintayin nating lahat iyan. Ang ating grupo naman sa partido, titingnan mo rin ang pulso ng bayan kung ano ang magandang pairings sa darating na panahon. Ngayon meron pa tayong 4 na buwan na nalalabi, sa aking palagay mga bandang Setyembre iyan o Oktubre, magsisimulang magbuo iyang mga linyahan. Sa ngayon kasi nagbakasyon ang ating mga congressman, senador, magre-resume na uli tayo next week. Itong 2 buwan na bakasyon na ito, lalo at matagal ang break, ito normally ang panahon na kung saan ang mga nahalal na officials ay nag-iisip kung ano ang kanilang gagawin, kung tatakbo sila, magwi-withdraw sila, ilalagay nila ang anak nila, o kanino sila makikilinya. Pagbalik sa Kongreso niyan, magu-usap-usap na iyan sa lounge at magko-compare notes na iyan. Kaya sa pulitika, ang mga linyahan ay mabubuo lamang siguro sa katapusan ng Agosto, Setyembre.

Q: Kung nasa 20 po ngayon ang pumupormang president, personally sa inyong pagtaya sa lakas at hina ng bawat isa at tatag ng loob siguro, mga ilan na lang po kaya ang matitira?

Villar: Pwedeng 2 hanggang 4.

Q: Kayo ho ba ay tutuloy na?

Villar: Okay naman. Tutuloy naman tayo diyan, maganda rin naman na ilagay natin ang ating pangalan kung ikaw ang gustuhin ng ating mga kababayan. Meron tayong mga hangarin sa bayan at iyan naman ay matagal ko nang sinasabi. Palagay, oras na rin naman para ipahiwatig sa ating mga kababayan na gusto nating maging isa sa pagpilian o hindi. Maaring iyong iba ay hindi pa nagsasabi subalit ako naman kahit kalian ay sinabi ko na ilalagay ko ang aking pangalan sa mga pagpipilian ng ating mga kababayan.

Q: Hindi ba kayo ay champion of OFWs, iyan ang imahe ninyo ngayon. Willing ho ba kayong ihanap na lang ng trabaho dito sa Pilipinas ang mga OFW para magsiuwi na imbes na hikayatin silang magsialis at sa ibang bansa magtrabaho?

Villar: Iyan ang dapat na adhikain ng sino man sa pamahalaan na balang-araw ay makabalik lahat ng ating mga kababayan dito sa atin. Siyam na milyon iyan, pero hindi naman lahat ay gustong bumalik. Kaya iyong gustong bumalik ay dapat magkaroon ng pagkakataon na makabalik, magtrabaho,

magkaroon ng pagkakataon na magsarili. Iyan naman talaga ang pangarap nating lahat at iyan naman ay matutugunan lang kapag tayo ay magkakaroon ng talagang pagsigla ng ating ekonomiya na magbubunga ng maraming mga trabaho at iyan ay magagawa lamang kapag magkakaroon tayo ng pangmatagalan, siguro mga 6 to 10 years na dire-diretsong masiglang ekonomiya. Iyan nga ang nakakalungkot dito dahil sa trend ngayon, hindi pababa ang dami nila, padami sila dahil sa lumalaki ang unemployment sa bansa. Ito ang dapat nating ma-reverse at ito ang dapat na maging objective ng sino mang mamumuno ng ating pamahalaan.

Q: Nakikita nyo ba ang inyong sarili na nagpupunta sa iba't ibang bansa, sa Middle East, naghahanap ng trabaho para sa mga Filipino?

Villar: Naniniwala ako na kapag talagang tinutukan ng isang gobyerno itong problema ng OFW, mas mapapaganda natin ito. Napakaraming pwedeng gawin ng ating pamahalaan dahil sa aking pag-aaral nitong nakaraang mga taon, talagang neglected lalo na ang mga bottom 10%. Pero kung talagang bibigyan ng programa at prayoridad ng ating pamahalaan ito, naniniwala ako 90% ng problema ay maso-solve. Hindi naman imposible. Kung may gagawa ng programa na kung maiimplementa lamang ay palagay ko mga 80-90% ng problema ng OFW ay malulutas. Of course hindi iyong babalik dito agad, ibig sabihin doon sa lugar na kinalalagyan nila ngayon.

Q: Pero halimbawa kayo ay naupong president, pupunta kayo sa Saudi at hahanap kayo ng trabaho doon tapos sasabihin ninyo, oy mga Filipino, may 2,000 trabaho dito para sa mga Filipino?

Villar: Sa isang banda, iyang ating pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, iyang tinatawag na bilateral relations, iyan ay isang bagay na malaki ang maitutulong sa ating bansa. Alam mo noong ako ang chairman ng foreign relations, diyan ko nakita na may mga bansa na kapag ikaw ay umupo sa kanila at nakipag-ugnayan ka ng maayos, magkakatulungan kayo ng malaki sa pagpapasigla ng ekonomiya. Nakikita ko na hindi natin ito nagagamit pero maraming bansa na pwede tayong makinabang at pwedeng makatulong sa paglutas ng ating mga problema lalong-lalo na sa trabaho na hindi natin nagagawa. Ito ang dapat nating asikasuhin din nang sino mang pangulo.

Q: Sa pag-iikot ninyo, ano ang number 1 na problema na sa tingin ninyo ay dapat solusyunan ninyo kung sakaling kayo ang malagay sa Malacanang?

Villar: Maliwanag iyong kahirapan talaga. Wala nang iba na problema tayo na malaki. Marami tayong problema pero lahat nagsisimula sa kahirapan kaya ito dapat ang una nating harapin. Palagay ko ang kalagayan ng isang bansa ay made-define.

Q: Absentee-voting for media, ano po ba ang tingin ninyo doon?

Villar: Puwede rin iyan. Sa aking palagay, konti lang naman ang bibigyan natin ng pabor at malaking bagay din sapagkat gusto natin bawat isang Pilipino ay makaboto din. Doon nga sa labas ng bansa, konti pa lang ang nagrerehistro, hindi pa natin masasabi na talagang karamihan sa kanila ay gustong bumoto, pero at least masasabi natin na binigyan natin sila ng karapatan na bumoto.

News Latest News Feed