Press Release
September 14, 2009

Transcript of interview in DZRH with Deo Macalma
and Ruth Abao with Sen. Manny Villar

Q: Ano po ang inyong reaksyon from No.1 ay tinalo na kayo ni Sen. Noynoy Aquino sa survey?

Villar: Sa Luzon? Sa akin naman ay okay lang iyan. Syempre hihintayin natin ang surveys ng iba dahilan sa gusto nating malaman yung sa buong Pilipinas at saka yung regular na survey ng SWS at Pulse. Mahalaga din kasi iyon para magkaroon tayo ng basehan kung ano ang movements at kung saan-saang lugar ang sakop ng survey. Kamukha nito, I undertsant Central Luzon ito, Metro Manila saka Southern Luzon. Maliit na porsyento lamang iyan ng ating bansa at dapat malaman natin ang kabuuan. Pero sa akin naman ay welcome naman iyan. Natatandaan ko noon, pang-anim lang iyon. Tumaas tayo nang unti-unti sa sipag at tiyaga at nakaakyat naman tayo. Ang kampanya kasi marathon iyan at hindi sprint iyan at walong buwan pa iyan. Kaya sabi ko napakarami pang mangyayari, meron pang aatras, baka may papasok pa. May mga events, hindi natin masasabi iyon, maraming mga balita. Mahaba pa ito at hindi tayo dapat maging excited. Ang mahalaga ay magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga kababayan na masuri ang mga kandidato para makapili sila ng inaakala nilang magiging lider ng bansa.

Q: Sa vice president ninyo?

Villar: Sa aming napagkaisahan, ang aming partido ay magmi-meeting sa mga bandang November, mga first week o second week, para magkasundo kung sino ang magiging vice president namin dahil sa marami pang developments na nangyayari. Hindi pa natin alam kung sino talaga ang tutuloy, kung may papasok pang iba o may mga developments na mangyayari. So kung sino ang kabagay mo na vice president, depende iyan sa mga mangyayari. Subalit syempre meron na tayong mga nasa isipan bagaman hindi natin pwedeng i-disclose, iyan lang ay kapag nagu-usap-usap kami.

Q: Lumabas na sa balita, si Pia Cayetano, Jinggoy Estrada at si Kabayan...

Villar: To be fair with them, syempre magu-usap-usap muna iyan. Importante rin kasi na gusto rin nila. Maganda kasi magka-team kayo, magkakampi kayo lalong-lalo na sa pagtulong sa mahirap. Syempre ang adhikain ng partido ay pinapaniwalaan din nila.

Q: Nag-uusap ba kayo ni Kabayan?

Villar: Nag-uusap naman. Alam mo syempre kami ay nag-aaral din sa kapaligiran kung ano ang nagyayari. Ako ay hindi na nag-iisip. Si kabayan ay nag-iisip kung ano ang kanyang balak na gawin.

Q: Hindi ba kayo natatakot kasi ang scenario na pinag-uusapan ngayon, what if there is a failure of elections, sino ang magiging transition president.

Villar: Hindi naman. Pinaghahandaan natin iyan pero minsan tinatakot lang natin ang ating mga sarili at nagrereact tayo nang sobra. Ang dapat gawin ay paghandaan na lang natin. Nalalaman naman ng mga nakaupo na hindi simple iyan at hindi basta-bastang magagawa iyan. Malaking problema iyan kung mangyayari nga. Hindi rin ako naniniwala na mangyayari iyan. Ako ay naniniwala na magkakaroon tayo ng halalan sa 2010. Magkakaroon ng pag-asa ang mga kababayan natin na pumili ng gusto nilang lider.

Q: Kumpleto na ba ang senatorial line up ninyo?

Villar: Okay naman na, bagaman hindi pa natin pwedeng kumpletuhin pa sa kadahilanang marami pa rin ang nagdedesisyon sa mga tatakbo at kung saan sila tatakbo. Pero more or less ay halos buo na.

Q: Yung mga nagbabalak na tumakbong presidente o bise kung sa bandang huli ay pumunta sa inyo para maging senador, welcome ba sa inyo?

Villar: Okay naman din sapagkat magagaling naman lahat iyan. Alam mo ang patakaran naman natin ay hindi tayo nakikipag-away, trabaho lang nang trabaho. Ako ay cool lamang dito. Sabi ko nga kung malayo ang iyong byahe, paminsa-minsan ay may dumarating na bagyo pero relax ka lang.

Q: Yung mga nangakong papanig sa inyo na taga Lakas-Kampi, sa tingin ninyo maaapektuhan ng pagpasok ni Gibo Teodoro?

Villar: Hindi naman. Iyong mga nagsabi sa akin ay mga relasyon iyan, hindi iyan dahil sa sumusunod sila sa utos ninuman. Ito ay mga kaibigan naming na napakatagal na since pumasok kami sa pulitika. Kasi siyam na taon akong congressman, tatlong taon na speaker, at si Cynthia naman ay walong taon at walong taon na siyang pangulo ng Lady Legislators o lahat ng mga kababaihan na legislators. Mga barkada namin ang madami dito. Kaya sumasali iyan ay dahil sa relasyon sa amin at sa paniniwala din sa akin. Iyon namang mga kandidato kilala na rin nila iyan. Kahit paano alam na rin nila kung sino ang gusto nilang maging lider ng bansa at kung sino ang gusto nilang malagay dito. Ang impluwensya ng partido sa kanila ay hindi naman ganoon kalaki.

Q: Uupakan daw ni Sen. Lacson si dating Pangulong Erap. Ano ang advice ninyo kay Pang. Erap?

Villar: Kayang-kaya namang ipagtanggol ng dating Pang. Erap Estrada ang kanyang sarili. Kilala naman natin si Erap at sanay siya sa mga ganyang bagay. Wala akong duda na maipagtatanggol niya ang kanyang sarili.

Q: Batiin lang lang natin ng belated Happy 34th wedding anniversary si Sen. Villar at si Cong. Cynthia. Anniversary nyo pala kahapon. Saan kayo nag-date sir?

Villar: Noong umaga hanggang tanghali nandoon kami sa Cebu, nag-tree planting kami doon. Tapos Manila na, lunch hanggang dinner magkasama kami the whole day. May binisita lang kaming isang programa noong hapon.

Q: Ano ang regalo ninyo sa kanya?

Villar: Sikreto iyon.

News Latest News Feed