Press Release
October 26, 2009

Transcript of Sen. Manny Villar's press conference

Q: Reaction sa Senate Media mock polls

Villar: Nais ko munang magpasalamat sa resulta ng mock polls dito sa Senado. Natutuwa ako dahil maganda naman ang pagtingin sa atin ng Senate media. Mahalaga kasi iyan. Alam natin na matatalino ang Senate media. Malaking bagay iyan. Basta sa akin, I've always looked at the Senate media as our friends.

Q: May napili ka nang maging VP?

Villar: Ang napagkasunduan ng partido ay maga-announce tayo first or second week of November. Nagse-zero in na tayo sa ilang mga kandidato. Mahalaga kasi na ang prinsipyo niya kung sino man siya at ang prinsipyo ko ay magkatugma para mas malakas at mas makakatulong tayo sa ating bansa. Iyon ang primary consideration natin.

Q: Next week na ang November.

Villar: Sa November 1 to 15. Sa middle of November magkakaroon ng convention ang Nacionalista Party kung saan magkakaroon ng formal announcement ng mga kandidato natin for vice president, senators at ibang gobernador at congressman.

Q: Ilan pa po ang pinagpipilian for VP?

Villar: Konti na lang naman, mga dalawa o tatlo na lamang iyan.

Q: Babae ba iyan sir?

Villar: Kasi ipinapakiusap din naman nila na maganda iyong merong formal announcement kung sino man siya para hindi masyado ang espekulasyon. Mas maganda rin naman ang ganoon.

Q: Nahirapan ba kayo na mag-narrow down ng VP?

Villar: Hindi naman kasi marami namang magagaling. Nakikita ko naman kung sino ang posibleng mag-vice president, in fact pwede din namang mag-presidente.

Q: Ano ang dahilan kung bakit parang natatagalan ang pagpili ninyo ng VP?

Villar: Alam mo hindi naman matagal. Talagang iyan ay pinlano naming noon pa. Iyan talaga ang petsa ng pagpili dahil sa syempre gusto mong malaman kung sino talaga ang matutuloy na tumakbo sa pagkapangulo at kung sino ang hindi matutuloy. Pagkatapos kapag final na, doon ka lang magpa-finalize kung sino ang running mate. Maganda rin naman na alam mo kung sino ang running mate ng ibang kandidato para maganda ang pagka-catch up natin.

Q: At this point, pwede bang i-rule out si VP de Castro?

Villar: Wala naman tayong dapat i-rule out sa ngayon. Sa ngayon ay mga posibilidad pa iyan. Ang sinasabi ko lang, syempre mahalaga rin naman kung ano ang kanilang kagustuhan. Hindi lang naman kagustuhan natin dahil maaring kagustuhan din nila iyan. Syempre ang kailangan muna, iyong gusto rin tayo na makapartner at gusto rin natin.

Q: Si Noli medyo malapit sa inyo dahil sa Wednesday Club.

Villar: Oo, pero iginagalang ko naman ang kanyang hangarin, itong desisyon niya.

Q: Makakabuo ba kayo ng senatorial line up?

Villar: Problema nga naming kung paano babawasan dahil nahihirapan kami dahil sa 12 lang ang pwede. Kaya nagtatagal nang konti dahil sa iyan ang problema.

Q: Are you getting Ralph Recto?

Villar: Sa akin kasi, gusto ko sabay-sabay ang announcement. Alam ko medyo nadi-disappoint kayo pero alam ko alam naman ninyo ang mga background, mga dating NP, iyong mga inclination nila kung sino ang kandidato sa pagkapangulo, at doon nyo na mahuhulaan kung sino ang ating mga kasamahan. Alam naman nila na dito sa atin ay kumpleto tayo, maging ang kandidato natin sa local positions. Lately marami nang sumasama sa atin na governors. Sumama na sa atin si Gov. Ace Barbers ng Surigao del Norte, Gov. Douglas Cagas ng Davao Sur, Gov. Lray Villafuerte ng Camarines Sur, Gov. Roger Espina ng Biliran. Gusto ko ring ibalita na mahigit 150 mayor na ang sumusumpa sa ating nitong mga nakaraang buwan. Patuloy ang pagdami ng NP at handa na kami para sa November 30 filing.

Q: Tumanggi na ba ng final sa inyo si VP Noli?

Villar: Ang totoo niyan, hindi pa kami talaga nag-uusap nang masinsinan ng Kumpareng Noli ko at iyan naman ay isang bagay na gagawin naming baka mai-finalize ang lahat. Kasi nakikita ko na parang gusto ni Kabayan na bumalik sa pribadong sector pero mahalaga rin naman na tatanungin ko siya kung ano ang talagang nasa saloobin.

Q: Hindi pa sarado kay Kabayan?

Villar: Wala pa naman tayong sarado bagaman syempre sa ngayon ay halos nagna-narrow down ang mga pangalan.

Q: Sino ang nakikipagnegosasyon kay Loren?

Villar: Si Loren naman ay isang karapat-dapat din na vice president. Maganda ang kanyang ipinaglalaban, kapaligiran, environment. Napakahalaga niyan lalo na dahil sa mga bagyong dumating. Sino man ang kanyang makapartner ay makakapagmalaki rin.

Q: Kumusta ang negosasyon ninyo kay Loren?

Villar: Wala naman tayong makokomenta sa mga negosasyon dahil sabi ko nga kanina, magkakaroon tayo ng isa lang na final announcement. Iyan ay ating gagawin middle of November.

Q: Pwede ba kayong magsama ni Loren, kasi kasama siya sa grupo na nagpaimbestiga sa C-5.

Villar: Iyon namang nagpaimbestiga, wala namang problema doon. Ang mahalaga ay ang resulta dahil nakita naman natin na lahat ng witnesses na inimbita ay nagsabi na walang double entry, walang realignment, walang overprice. Nakakatawa nga ang imbestigasyon na iyon dahil talagang nalinis ang ating pangalan doon. Palagay ko naman sa lahat ng nanood, maging kayo rin ay nakita nyo talaga na walang tayong kasalanan. Ang hihilingin ko lang sa ating mga kasamahan ay maging patas at maging objective sa pagbasa ng resulta dahil sa akin, maliwanag ang sinabi ng witnesses na wala tayong kasalanan.

Q: So sir, walang balakid, walang reservations na kung sakaling...

Villar: Wala naman akong nakikitang balakid dahil sa iyong pag-imbestiga normal naman iyon. Iyong resulta lang ang iba.

Q: Sila rin ang nagpatalsik sa inyo as SP, kasama si Loren doon.

Villar: Okay lang naman iyon dahil sa paniniwala mo noong pagkakataon na iyon. Hindi nakakagulat iyan. Iyong mga personal na bagay kasi isinasantabi natin iyan para sa kung ano ang maganda sa bayan. Mahalaga talaga kung ano ang makakatulong sa ating bansa.

Q: Napatawad na ba ninyo ang mga nag-imbestiga sa inyo sa C5?

Villar: Hindi naman ako galit sa kanila. Maski kelan naman naniniwala ako na wala akong kasalanan. Alam mo ganyan naman akong tao, hindi ako palaaway na tao. Lahat naman ng gumagawa sa aking ng masama ay ipinapatawad ko agad.

Q: Iyong kay Loren ongoing pa ang negotiation?

Villar: Wala naman akong masasabi diyan. Neither confirm nor deny tayo diyan. May announcement sa una hanggang dalawang linggo ng November. We expect syempre to wrap this up earlier.

Q: Iyong Lakas-Kampi may convention ng November 12.

Villar: Hindi ko sinasabing mauuna sila, on or before November 15. Iyon ang latest. Pero maaaring next week, maaring week after next.

Q: Over the weekend may report na parang kino-consider nyo pa rin si Mayor Binay dahil may possibility na madisqualify si Erap?

Villar: Hindi naman. Hindi ko naman gagawin iyan sa Pangulong Erap. Ako naman ay malaki ang paghanga ko kay Mayor Binay. Iyan ay qualified na mag-vice president. Qualified nga na mag-president yan. Dangat nga lamang at nag-announce na sila ng partnership nila. Hindi naman maganda kung mababalita na iniimbita ko si Mayor Binay. Hindi totoo iyon. Itinatanggi ko iyon. Hindi fair iyon, hindi ko gagawin iyon kay Pangulong Erap.

Q: Sa presidentiables sino ang pinakamabigat mong makakalaban?

Villar: Tingnan muna natin, pitong buwan pa iyan. Marami pang mangyayari. Sa palagay ko habang lumalapit tayo sa eleksyon, marami ang magtatanong kung sino-sino kaming lahat, sino ba si Manny Villar, sino ba si dating Pangulong Erap, sino ba si Chiz Escudero, sino ba si Noynoy Aquino, Gino Teodoro. Syempre eeksaminin namang kaming lahat niyan at kami naman ay nahahandang maglatag ng aming mga nagawa noong nakaraang panahon o aming kakayahan sa pamamahala, iyong aming liderato ay kaya naman naming ilatag iyan. Ang bayan naman ay pipili kung ano ang inaakala nilang maganda sa kanila.

Q: Sir, iyong huling forum, hindi pumunta si Sen. Aquino dahil hindi kayo pumunta. So parang ang dating ikaw ang kino-consider niya na man to beat. Kayo ba ganoon din ang turing ninyo sa kanya?

Villar: Syempre kung pagbabasehan mo sa statistics ngayon, ganoon na nga iyon. Pero liwanagin natin na matagal pa iyan. Syempre iyang sa anim o pitong buwan, napakarami pang mangyayari. In fact, medyo may kahabaan nga ang nakikita kong eleksyon ngayon. Napaaga kasi ang filing. Sa anim na buwan na iyan, magkakaroon ng pagkakataon pa rin ang ating mga kababayan na tingnan kaming lahat. At diyan maaring magkaiba-iba kung sino ang pinakamalakas.

Q: Sa tingin ninyo may aatras pa na presidentiable?

Villar: Hindi ko masasabi iyan.

Q: Sa tingin ninyo mame-maintain ni Noynoy ang euphoria?

Villar: Mahirap din mag-comment diyan. Sa palagay ko alam natin lahat na mahirap din ang ganyan kataas. Syempre lahat ng atin pong kababayan habang lumalapit ang eleksyon ay mas nakikilala kaming lahat, mas mauunawaan ang aming mga adhikain, yung aming competence at iiwan ko na sa kanila ang paggawa ng desisyon sa bagay na iyan.

Q: Iyong magiging VP nyo po ba ay galing NP?

Villar: Hindi naman kailangang miyembro ng NP. Syempre this is just an alliance of parties na merong common interest, merong common objectives, isa na riyan ang NP. Hindi namin nililimitahan sa partido ang magiging running mate, hindi naman kailangan.

Q: May resolution ang BIR na mag-impose ng 5% withholding tax sa lahat ng campaign expenses.

Villar: Kung iyan ang batas, dapat implementahin nila. Pero kung iyan ay hindi batas sa ngayon, kailangan muna ang batas para diyan. Gusto kong liwanagin muna kung iyan ay batas, iimplement na lang nila iyan, walang problema doon dahil batas iyan. Pero kung hindi pa batas iyan, siguro maliwanag naman na kailangan munang gawan ng batas iyan. Pero wala akong problema diyan, kung kinakailangang gawin iyan, okay lang sa akin iyan.

Q: May platform ba kayo na may kinalaman sa environment?

Villar: Talaga namang environmentalist ako. Ang masasabi ko lang, simula pa noong ako ay bata, mahigit na isang milyong puno ang natatanim ko. Hindi ako nagke-claim na ako ay environmentalist subalit napakarami ko nang naitanim dahil mahilig din ako diyan. At humahanga ako sa sinomang tao na mahilig sa environment.

Q: May EO 839 si Pangulong Arroyo na pinapa-rollback ang presyo ng petroleum prices. May mga kumpanya na hindi sumusunod...

Villar: Nasa liderato iyan. Kailangan naman na kapag kayo ang pangulo, dapat susundin kayo. Sa tingin ko naman kaya ng pangulo na gawin iyan. Dapat ang isang pangulo ay ia-assert ang kanyang authority sa mga bagay na ganyan.

Nais ko ring sabihin na sumapi na rin sa NP sina Vice Gov. Jose Baldado of Negros Oriental at Vice Gov. Dino Yulo ng Negros Occidental.

News Latest News Feed