Press Release
November 12, 2009

TRANSCRIPT OF AMBUSH INTERVIEWS OF SEN. MAR ROXAS

On Oil Shortage/EO 839/Oil price cap

MAR: Ito ang resulta ng baluktot at mali-maling paggawa at pagsagot dito sa krisis na ito. Ang unang-una na dapat siniguro ay iyong supply. Para que pa at may price control nga diyan pero wala naman tayong mabili.

Pangalawa, dapat itong supply na ito, kung kinakailangan, iyong gobyerno mismo ang mag-forge ng contract o mamili ng mga produktong ito para masiguro na may sapat na supply nito. Dapat isinagawa na muna ito, dapat sinafety muna ito bago nila isinagawa itong EO 839 na ito para hindi sila ma-threaten o mapag-bantaan ng oil companies.

Q: Anong dapat na gawin ng gobyerno ngayon?:

MAR: Ang puno't-dulo nito ay dahil hindi natin alam, hanggang sa ngayon, taon-taon na ito na hinihiling natin ito, hanggang sa ngayon ay hindi pa din natin alam kung pinagsasamantalahan ba tayo o hindi ng mga kumpanya ng langis na ito. Simpleng-simple lang ito eh. May kapangyarihan na nakapaloob sa batas na pwedeng buksan ang libro nitong mga kumpanya na ito. Hindi ginawa sa sapat na paraan. Kaya hanggang sa ngayon hindi masabi na may kumpiyansa kung tama ba ang pricing o pinagsasamantalahan tayo.

ON NBN-ZTE REPORT

Q: Anong masasabi niyo dun sa report?:

MAR: Nabasa pa lang namin iyong Executive Report at hinihingi namin ang detalye. Pero ang masasabi ko batay dun sa nabasa ko sa pahayagan, hindi naman ako sang-ayon na pati iyong mga whistleblower tulad ni Lozada at ni De Venecia III ay nasama sa rekomendasyon na file-an ng kaso.

Gayunpaman, ibig kong sabihin na malinaw na malinaw na hindi ginawa ni Pangulong Arroyo ang kanyang trabaho na pangalagaan ang interes ng sambayanan, pangalagaan ang ating pera. Dahil nung isinumbong sa kanya na merong attempted na panunuhol ng isang mataas na opisyal sa kanyang gabinte, wala siyang ginawa. Walang finire-out, walang imbestigasyon. Wala. Ganun lang, dedma lang. Hindi niya talaga pinangalagaan ang ating interes dito.

Pangalawa, nakita natin na ginamit ng Pangulo sa maling paraan itong executive privilege para mapagtakpan o maisikreto iyong pamamaraan kung paano nila narating itong desisyon na ito. NEDA records ito, opisyal na pagpupulong ng pamahalaan ito. Wala namang military secret dito, walang diplomatic initiative o diplomatic relations na malalagay sa alanganin dito. Walang dahilan kung bakit isinikreto itong miting ng NEDA na ito kung saan ang isang project na supposed to be ay BOT -- wala tayong utang, walang garantiya ang gobyerno -- bigla na lang naging pag-aari ng gobyerno, gobyerno ang uutang, gobyerno ang gagarantiya, gobyerno ang gagawa lahat, ibig sabihin, taxpayer. Paanong nangyari ito? Isinikreto ng pangulo ang paraan kung paano sila nagpasya kaya ngayon hindi natin alam. Doon, malinaw na malinaw ang kakulangan ng Malakanyang.

Q: Iyong report, it only passed the buck to the Ombudsman...

MAR: Iyon talaga ang dapat. We are not a prosecutorial arm.

Q: Wala rin namang sinabi na violation niya sa report...

MAR: Hindi ko pa nakikita iyong report.

Q: What do you think ang mangyayari kung hindi aksyunan itong report?

MAR: Well, this is a public document. Hindi man ito aksyunan sa kasalukuyang administrasyon, I am sure sa susunod na administrasyon ay titingnan din ito at babasahin na mabuti at aaksyunan.

ON HACIENDA LUISITA AND NOYNOY

Q: Nandun daw si Noynoy nun?

MAR: Nandun si Noynoy para nga mapigilan ang kahit anumang karahasan na mangyari. Eh nangyari na iyon. Hindi ko alam kung nagkaroon ng imbestigsyon ng pulis sa pangyayaring ito. Pero ang alam ko ginawa ni Senator Noynoy ang lahat para maiwasan itong pangyayaring ito.

ON SCTEX ANOMALY ALLEGEDLY INVOLVING THE COJUANGCOS

MAR: Talagang black propaganda ito. Unang-una, itong SCTEX na ito bunga ito ng negosasyon ni Pangulong Estrada kay Oguchi. Kasi Oguchi fund ito. Bansang Hpon ang nag-supervise nito. Bansang Hapon ang nagpondo nito. Bansang Hapon ang nag-designate kung saan dadaan ito. Noong panahon na iyon, walang kinalaman si Senator Aquino sa desisyon o sa implementasyon nitong project na ito.

Sunod, si Pangulong Arroyo, siya ang nagtuloy nitong project na ito. In-assign niya kung sino-sino para sa katuparan nitong project na ito. Nung nanalo si Pangulong Arroyo nung 2004, itinuloy niya itong project na ito. Simula pa lang, itong si Senator Noynoy Aquino kritiko na ng Malakanyang. Wala siyang kakayahan para impluwensyahan kung saan dadaan, sinong gagawa, anong kontrata ang masusunod dito sa project na ito.

Ibang-iba ito. Linawin lang natin kung talagang itong putik na ito na wala namang saysay na siyang itatapon nila kay Senador Noynoy...ibang-iba ito sa halimbawa na ang isang senador na chairman ng finance committee ang siyang direktang nakipag-usap sa DPWH na ang isang kalye idaan doon sa lugar na ang lupa ay kanyang pag-aari. Iba iyon. So kung magtatapunan, kung magbabatuhan rin lang ng putik, linawin natin kung ano talaga.

Q: Overpriced daw?

MAR: Eh di imbestigahan. Anong kinalaman ni Noynoy sa overpricing? Hindi siya DPWH, hindi siya adminitrasyon, hindi siya executive na nagsagawa nito. Ipa-imbestiga. Hindi siya kontratista, hindi siya yung nakialam sa DPWH. Wala siyang subdivision, Hindi siya ang nag-desisyon kung saan dadaan ito. Pera ng bansang Hapon ito. Mga kumpanyang Hapon ang nag-lobby sa kanilang gobyerno na tulungan sila. Walang kinalaman dito si Noynoy.

Q: Anong post mo nung time na ito?

MAR: Nasa trade and industry ako. Ito naman ay nasa DFA at sa NEDA.

ON VP RACE

Q: Si Bong, si Migz at si Gordon...they refused to be Gibo's runningmate....

MAR: Hindi ko gustong mag-komentaryo sa kandidatura ng ibang partido dahil sa kanila iyon kung ano ang proseso nila. That's their own party process. May sarili din kaming party process kung anong susundin namin na proseso.

Q: ???

MAR: 'Yung tiwala at mabuting pagtingin ng ating mga kababayan ay na kay Noynoy na. Kaya ang magagawa na lang ng kanyang mga katunggali ay siraan siya. Nasabi na ng mga katunggali ni Noynoy lahat ng mga katangian nila, ibinulatlat na nila kung ano ang naging buhay nila. Milyon-milyon na ang ginastos nila para maipaabot ito sa ating mga kababayan. In short, tinimbang sila at kilala na sila ng ating mga kababayan. Ngayon, dumating itong si Noynoy, tinimbang din ng ating mga kababayan at nagustuhan nila. Kung hindi na nila mapagusto ang ang mga kababayan sa kanila, eh di sisiraan na lang nila 'yung produktong iba.

Q: Mga naninira kay Noynoy, kinausap na din ba kayo?

MAR: Hindi namin alam kung sino itong mga ito na nagkakalat ng mga black propaganda nila. Mga text brigade lang ito eh.

Q: Si Chiz ba hindi ninyo kinakausap para suportahan na lang ang LP?

MAR: Ang alam ko meron silang pakikipag-ugnayan ni Senator Noynoy. Sila lang nakaalam kung ano pinag-uusapan nila.

PART II

ON RELEASE OF FR. SINNOTT

MAR: Natutuwa tayo sa paglaya ni Fr. Sinnott. Nagpapakita ito na maaari namang magkaroon ng accomplishment kung sama-sama at tulong-tulong, at maayos ang trabaho ng gobyerno. Ito'y pagkakataon, at dapat gamitin natin ito bilang magandang pundasyon o isa sa mga bato sa pundasyon tungo sa matagumpay na pag-uusap pang-kapayapaan. Napakahalaga na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao para ang progreso ng Mindanao, ang pagpasok ng trabaho at hanapbuhay sa Mindanao, ay mapabilis na.

Q: Sabi ng AFP hindi nila alam kung nagkabayaran ng ransom sa paglaya ni Fr. Sinnott.

MAR: Hindi ako sang-ayon sa ransom dahil magsisilbing udyok lang ito o tukso sa iba pang nagtatangka na gumawa ng ganitong uri ng pagkikidnap na ito.

Q: Yung timing ng release, pagdating ni Hillary Clinton, may dahilan ba para pagdudahan ang timing?

MAR: Hindi ko na siguro hahaluan ng kahit anong ispekulasyon ito. Natutuwa lang tayo para kay Fr. Sinnott--sa kanyang pamilya, sa lahat ng nagmamahal sa kanya, sa lahat na sumuporta sa kanyang paglaya--at malaya na nga siya ngayon.

Sa kabila noon, napakarami pa po sa mga kababayan natin, mga pamilya, diyan sa Kamindanawan. Na hanggang sa ngayon ay hindi pa talaga naibabalik sa regular ang pamumuhay dulot ng putukan, ng bombahan, ng iba pang karahasan na nangyayari riyan. Napakahalaga na magkaroon tayo ng malawak na konsultasyon, magkaroon ng tunay, tapat, hayag--ibig sabihin, transparent--na pag-uusap pang-kapayapaan, nang sa gayon, ang interes ng lahat ay mabigyan ng kunsiderasyon, at magkaroon talaga ng matibay na kapayapaan at hindi lamang ceasefire.

ON HILARY CLINTON'S VISIT

Q: Sa pagdating ni Hillary Clinton ngayon, ano po ba dapat ang pagtuunan ng usapan nila sa Malacañang?

MAR: Napakaraming mga dapat pag-usapan. Unang-una, sa diplomasya at sa seguridad. Ano ba ang plano ng Amerika dito sa Asya sa kabila ng pag-usbong ng ekonomiya at military might ng bansang Tsina. Interesado tayo diyan dahil, may kasabihan nga, kung nag-aaway ang mga elepante, ang mga maliliit na hayop--yung mga bansang maliliit tulad natin--ay nagigitna at naaapakan.

Pangalawa, ano ba ang kanilang pagtingin dito sa VFA na ito? Ito ba ay "visiting" lang ba o sa haba ng visitation ay overstaying na ito? At kung tutulungan nila tayo, eh di tulungan nila tayo sa paglakas ng kakayahan ng ating Hukbong Sandatahan. Para tayo mismo ang siyang magbibigay-lunas sa ating mga problema. Hindi ko gusto na ang mga Amerikano ang siyang kahalo dito sa problema ng Pilipinas.

Pangatlo, ang ekonomiya ng Amerika. Dahil hindi naman natin made-deny na siyang pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo, at malaking bahagi ng ating mga exports ay tungo sa Amerika. Kung anuman ang pag-uusap sa pag-usbong ng ekonomiya ng Amerika at sa mas madaling pagpasok ng ating mga produkto roon ay, of course, welcome na welcome.

And of course, iba pang mga usapin tungkol sa environment, tungkol sa human rights, ay dapat pag-usapan.

ON NBN-ZTE REPORT

MAR: Pino-pormal ng report ng Blue Ribbon ang matagal nang alam ng ating mga kababayan: na nagkaroon ng attempted suhulan diyan, na itong suhulan na ito ay isinumbong sa ating Pangulo, at wala, walang ginawa ang ating Pangulo, bukod sa magpa-imbestiga daw na wala namang nangyari. Pino-pormal nito yung matagal na nating alam, na baluktot itong administrasyong ito. At sa darating na halalan ay dapat palitan na.

Q: May panahon pa ba para ma-impeach ang Pangulo?

MAR: Itong pag-impeach sa Pangulo, ito naman ay hakbang na isasagawa ng Kongreso, so nasa sa kanila iyon.

ON DEFECTIONS

Q: Reaction lang sa mga lumilipat sa Liberal, mukhang snowball effect ang nangyayari. More to come po ba?

MAR: Opo, ang pagsanib ngayon ni dating Gov. at magiging Gov. ulit ng Laguna na si Joey Lina, ang kasalukuyang Vice Mayor Calixto ng Pasay at tatakbo sa pagka-mayor sa Pasay, at iba pang mga personalidad ngayong umagang ito ay senyales ito, hudyat na ito na lumalakas talaga ang puwersa para sa reporma, puwersa para sa matuwid at tapat na pamamahala, at iyan ang matibay na bato na tinutungtungan ni Noynoy Aquino.

Q: Meron pa po ba bukod sa kanila na naka-linya?

MAR: Maraming naka-linya, at ito ay ini-iskedyul at sunud-sunod na.

Q: Hindi lang po ito pagsanib sa puwersa kundi pag-unite daw ng iba't ibang mga clan na dating magkaka-tunggali pero they've set aside their differences para sa pagbabago, inspired daw sa inyong pagtatambal.

MAR: May nagsabi na isang pangkaraniwang Pilipino na sa kandidatura ni Noynoy, maaari na muling umasa. Umasa para sa matuwid, sa makatarungang pamamahala dito sa ating bansa. Siguro, iyan ang dahilan kung bakit sa iba't ibang bahagi ng ating bansa, yung mga dating mga nag-aaway-away, yung mga dating nakikita lamang ay ang pansariling interes, ay namulat ang kanilang mata, lumalawak ang kanilang paningin. At ngayo'y isinasantabi nila ang kanilang pansariling interes at iniisip nila yung interes ng pangkalahatan, yung kabutihan ng ating bansa. At natutuwa kami na nagsisilbing isang pamamaraan ang kandidatura ni Noynoy na mapag-isa natin ang bansang Pilipinas, dahil ang kadakilaan naman at tagumpay ay nasa atin. Ang kailangan na lang, ang isang matuwid na pamamahala, nang sa gayon, ang kakayahan natin ay maaaring magbunga dito sa ating bansa.

SCTEX ANOMALY

Q: Lumabas po sa Tribune ngayon na nakinabang ang pamilang Aquino doon sa right-of-way sa Hacienda Luisita, doon sa dinaanan ng SCTEX?

MAR: Siguro, hayaan na lang natin ang mga paninirang ito na walang basehan. Itong project na ito, sa bansang Hapon, sila ang gumawa nito, at ito ay sinumulan ng Oguchi fund noong panahon ni Pangulong Erap Estrada. Tumungo na sa first term hanggang sa second term ni GMA. Kaya hindi naman natin masasabi na may kinalaman ang pamilyang Aquino sa alignment, sa paggawa ng kalyeng ito, sa anumang bagay dito sa kalyeng ito. Hindi tulad ng iba diyan na ginamit ang kanilang posisyon, ang kanilang kapangyarihan para ang pera at ang pondo ng gobyerno ay gamitin sa paggawa ng mga kalye sa gitna ng kanilang mga lupain.

News Latest News Feed