Press Release
December 16, 2009

Transcript of interview in Dos Por Dos with Anthony Taberna
and Gerry Baja with Sen. Manny Villar

Q: Dito ho sa latest SWS survey, umakyat siya ng 8-percentage points.

Villar: Ako naman ay natutuwa dyan, bagaman alam natin na malayo pa ang eleksyon. Syempre kapag nagugustuhan ka naman ng mga mamamayan, sa mga inilalahad kong mga opinyon, ikaw ay natutuwa. Bagama't malayo pa ang halalan at marami pang mangyayari, mahalaga na mas makilala kami ng ating mga kababayan at mas malaman nila ang ating mga ipinaglalaban at ang aming mga nagawa noong nakaraang taon at ang aming mga ginagawa sa ngayon. Naniniwala naman ako na sa darating na panahon, iyan ay magiging mas maliwanag at mas magugustuhan tayo ng ating mga kababayan.

Q: Malaki po ang inakyat ninyo, 8-percentage points, pero ang inyong sinusundan si Sen. Noynoy ay 59%, bumaba lang ng 1%. Sa tingin nyo ba ang panahon mula ngayon hanggang sa eleksyon ay kaya pang maabot yung ganung ratings?

Villar: Malayo pa iyan. Iyan namang binanggit mo ay lalabing-apat na lang iyan. Noong ako ay magsimula noon, anim lang ako at ang nangunguna noon ay 44. Iyan naman ay kayang habulin, bagaman ang mamamayan ang magdedesisyon niyan. Subalit sa aming palagay, napakalaki na ng iniliit ng kalamangan sa atin. In fact, tuwang-tuwa ang ating mga kaibigan, tuwang-tuwa ang ating mga supporters at lalo silang ginaganahan dito sa nakikita nila. Bagama't ang sabi ko sa kanila, ang mahalaga diyan ay mas makilala tayo ng ating mga kababayan para naman kahit paano ay maging maliwanag ang kanilang pagpili.

Q: Saan po ninyo ina-attribute iyong malaking pag-akyat na iyon?

Villar: Sa aking palagay naman, habang lumalapit ang eleksyon ang lahat ng mga kandidato ay mas nakikilala ng ating mga kababayan, mas nagiging masuri sila sa aming lahat, sa aming mga ginagawa, sa aming mga nagawa at kakayahan at karanasan. Ang mga bagay na iyan ay syempre titingnan natin dahil sa laki ng ng problema na hinaharap ng ating bayan ngayon. Lumitaw ang problema sa Mindanao, yung problema ng kahirapan. Kapag tiningnan mo ang business page, makikita mo na mukhang maliwanag na iyong P300 bilyong kakulangan sa pananalapi o deficit ay sigurado na. Itong mga problemang ito ay nararamdaman ng ating mga mamamayan, nalalaman nila na magiging mahirap ang trabaho para sa isang magiging pangulo kaya ito ang nagiging basehan ng mas marami ngayon sa kanilang pagpili.

Q: Nabanggit ho ninyo ang problema ng bansa, marami sa ating mga kababayan ang tinitingnan ang galing ng mga kandidato sa pagkapresidente sa mga debate. Kayo ho ba Sen. Villar ay umiiwas sa debate?

Villar: Hindi naman, sumasali naman ako diyan bagama't hindi lahat. Ako ay natutuwa naman sa mga debate, tinatanong ka kung ano ang gagawin mo at maganda naman na ilahad natin kung ano ang ating mga gagawin. Bagama't napakahalaga rin na itanong din kung ano naman ang mga nagawa mo na sapagkat iyan po ang basehan kung kaya mong gawin ang mga sinasabi mo. Kung ano ang iyong mga gagawin, madali lang naman sabihin iyan.

Q: Hindi raw ho kasi kayo napanood doon sa nakaraang debate, iyong forum ng ANC na Harapan?

Villar: Hindi naman. Iyong una ng ANC, nandoon tayo, yung sa local government. Doon naman sa Channel 7, tayo ay nag-appear din. Madalas tayong mag-appear diyan bagama't napakahirap namang husgahan natin ang pagkapangulo sa sampu o limang minuto lamang na sasabihin. Sabi ko nga, mahalaga rin naman na liliwanagin natin kung ano ang ating nagawa na noong mga nakakaraang panahon dahil iyan ang basehan kung kaya natin. Kasi alam mo, pare-pareho naman ang sasabihin namin sa mga plataporma. Ang pagkakaiba lang, yung kakayahang iimplementa iyon.

Q: Medyo local lang po ang tanong ko, diyan pos a Ilocos Norte, ang incumbent po ay si Gov. Mike Keon at tumakbo po ngayon sa pagka-gobernador si dating Cong.Imee Marcos. Ngayon po ang isang itinuturong dahilan kaya po naglaban ang magpinsan na ito ay kayo po. Ano po ang pakiramdam ninyo na nagbababag ang magpinsan ngayon dahil ang gusto raw po ng mga Marcoses ay solid Villar doon sa Ilocos, ang gusto raw ng Quion dahil nakatango na ay Gilbert Teodoro.

Villar: Alam mo, ang ating patakaran sa partido ay kung sino ang chairman doon ay hangga't maari ipinagkakatiwala namin sa kanya ang isang lugar. Diyan naman sa Norte, ipinagkatiwala namin iyan kay Bongbong at hangga't maari hindi kami nakikialam sa problema ng local. Lalong-lalo na kung magkakaroon ng awayang pamilya. Hindi po natin gusto iyan pero naniniwala naman ako na sa darating na panahon ang mga isyu na iyan ay mareresolbe din nang maganda.

Q: Iyon po bang dalawang bisita ninyo diyan na official candidate na po ng NP, sina Ka Satur at Ka Liza Maza ay itatabi ninyo kay Bongbong Marcos? Magtataasan ho ba ng kamay iyan?

Villar: Alam po ninyo, kami ay nagkakampanya nang madalas nang hiwa-hiwalay at sabay-sabay. Hindi naman namin binibigyan ng napakalaking bagay iyan. Ipinaliwanag ko nga sa kanila, at ito naman ay nililiwanag ko rin sa ating mga kababayan na ang talagang focus natin dito ay ang kahirapan. Diyan tayo nakatingin higit sa lahat dahil palala nang palala po ang kahirapan. Dito naman sa isyu ng kahirapan, dagdagan na natin ng kalikasan at karapatang pantao, maliwanag naman na pare-pareho kaming nakikipaglaban para diyan. Diyan at maging sa corruption sa ating pamahalaan, kami ay nakikipaglaban diyan kaya wala namang pagkakaiba halos. Iba lamang ang approaches o paraan para matamo ang adhikain na iyan pero ang mga adhikain namin ay pare-pareho din. At iyan naman ang gustong marinig ng ating mga kababayan dahil sa napakahirap na magsisimula ang isang pangulo sa hati-hating bansa. Dapat ang unang gawin ay pag-isahin ang ating bansa dahil ang problemang haharapin ay mabigat. Dapat sa isang adhikain ay sama-sama at hindi nag-aaway-away agad sa unang araw pa lamang.

News Latest News Feed