Press Release
January 27, 2010

Transcript of interview with Sen. Manny Villar in DZXL with Ely Saludar

Q: Meron pong alegasyon si Sen. Enrile na tinangka nyo raw po siyang suhulan?

Villar: Alam mo, hindi ko gagawin iyan. Dalawang taon na akong binibira sa isyung ito. Hinayaan ko lang nga silang mag-imbestiga. Dalawang taon na rin akong nagpapaliwanag tungkol diyan sa taong bayan ng aking panig. Alam mo masakit sa akin iyang akusasyon ni Sen. Enrile. Bagaman masama din ang loob ko sa kanya dahil sa sinasabi niya at ng aking mga kalaban ay okay lamang. Pero huwag ganyan. Hindi naman tama iyan. Napakarami na niyang ibinato sa akin itong nakakaraang araw. Ang report ay puro kasingungalingan. Umutang daw ako, nago-offer ng bribe, lahat na ay personal. Sa palagay ko, noong nasasagot namin ang mga isyu ay naghahanap na lamang sila ng isyu na personal. Hindi naman tama iyan.

Q: Ang sabi po, noong nakaraang taon pa ito buwan ng Agosto. Bakit ngayon lang kaya inilabas ito kung totoo man ito?

Villar: Alam mo, masyado namang grabe na iyan. Tumataas kasi ang aking survey. Alam mo ba na walo na lamang ang lamang sa akin ni Noynoy sa huling survey. Umabot ng 40+ iyan at nagdeklara na tatakbo ang dating pangulong Erap Estrada. Suddenly nagsama-sama na uli itong mga kalaban ko at nilabas na uli itong mga bagay na ito samantalang dalawang taon na akong nagpapaliwanag dito. Maliwanag naman ang lumabas sa aming imbestigasyon na wala maski isang witness ang nagsabi na ako ay may kasalanan. Wala akong hihingin kay Sen. Enrile dahil talaga namang wala akong kasalanan.

Q: Dito ho ang pakiramdam ninyo ay pinagkakaisahan na kayo ng mga kalaban ninyo dahil sa patuloy na umaakyat kayo, eight points na lang ang distansya ninyo kay Noynoy sa pinakahuling survey ng SWS?

Villar: Palagay ko nagpa-panic na ang iba. At gumagawa ng paraan para matigil itong pagbaba at mapigil ang ating pagtaas. Subalit ako ay nalulungkot sa bagay na iyan. Dalawang taon na akong sumasagot diyan at lahat naman ay pinakita ko na, lahat ay ginawa ko na. At pati iyang mga ganyang akusasyon, hindi ko gawain iyan. Hindi ko gagawin ang mga bagay na iyan.

Q: Sa pangyayaring ito, sa kabuuan ang Senado ay nababahiran ang imahe, nagkakawatak-watak. Maging itong si Sen. Miriam Santiago ay talagang asar na asar na at pagod na sa nangyayaring pulitika diyan sa Senado.

Villar: Masyado naman kasing binabastos na ang Senado. Alam nyo itong nagyayari sa Senado, ako ay dating pangulo ng Senado, lungkot na lungkot ako at nawawasak ang institusyon. Hindi pa nagkaroon sa history ng Senado na ganito ang paggamit sa Senado sa pulitika. Maliwanag naman ito, lahat ng nag-akusa sa akin ay kandidato sa pagkapangulo o kaalyado nila. Buong-buo, sila ang nag-akusa, sila ang gumawa ng rules at sila nag-hearing at sila rin ang nagdesisyon. Syempre ang Senado, iyan ang pinakasentro ng katarungan subalit paano magkakaroon ng katarungan ang ganung sitwasyon na iyong nag-akusa ang magja-judge din.

Q: Marami po ang patuloy na humihikayat na dapat raw ho ay sagutin ninyo iyon sa floor.

Villar: Kokorekin ko lang na sinagot ko na iyan sa floor. Subalit magsasagutan kayo everyday, wala nang mangyayari diyan. Sa tamang oras, ako ay sasagot diyan pero hindi ako makikiloko sa mga ganyang sagutan. Sasabihin ko lang din na nitong nakaraang taon, sinagot ko na iyan sa floor, isang daang interview sa radio, TV, print, isang daang forums na ang inatendan ko at pinaliwanag ko iyan. Nilagay ko na iyan sa website. Gumagawa kami ng pamphlet at dinidistribute namin sa buong Pilipinas, pinapaliwanag ang isyu na yan. Dinala ko na ang buong media sa C-5. Subalit itong mga kalaban ko, patuloy pa rin ang pagsasabi na hindi ako sumasagot.

Q: Dahil sa pangyayaring ito ay naapektuhan na rin ang ibang trabaho ng Senado na dapat ay maaprubahan na ang ibang panukalang batas bago ho magbakasyon ang Kongreso.

Villar: Isang linggo na lamang ang nalalabi. Napakarami pang problema ang ating bayan pero nakita mo naman, ito pa ang inuna nila. Ito pa ang pinapalaki, ito pa ang binigyan ng prayoridad. Talagang halatang-halata mo naman na pulitika lamang ang hangarin dito.

Q: Sa panghuli po, baka meron kayong panawagan sa ating mga kababayan na nalilito dahil syempre kaliwa't kanan ang ibinabato sa inyo?

Villar: Sa ating mga nakikinig, gusto ko lamang sabihin na dito po sa isyung ito, uulitin natin, na ang lahat po ng sinabi nila ay napatunayan naming mali. Wala ho talaga ang tinatawag nilang double insertion na iyan, wala iyong realignment, wala iyang overprice. Wala man lang witness ang nagsabi na totoo iyan. Kaya nagtataka kami kung bakit iba ang lumabas na resulta. Pero ginagawa po namin ang lahat para makarating po sa lahat ng ating mga mamamayan ang paliwanag dito at maliwanag na ito po ay ginagamit para siraan lang po tayo. Subalit ito pong C-5 ay isa pong proyekto na napakaganda. Ito po ay magbibigay ng direktang benepisyo sa 6 na milyong Pilipino sa Cavite, Las Pinas at Paranaque, maiibsan ang aming trapiko sa umaga at sa hapon. Napakalaking bagay sa amin ito at isang malaking karangalan sa akin na maging isa sa nagtutulak ng proyektong ito. Ito ay pinagmamalaki naming lahat at hindi namin ikinakahiya yung makatulong sa ating mga kababayan. Ang tanging hangarin ko lang ay makatulong na magkaroon ng trapiko dahil kitang-kita ko naman ang trapiko naming kapag umaga at hapon at ito pa ang ating napala. Subalit hindi naman tayo madi-discourage dito, malinis ang aking konsensya diyan. Wala akong ginagawang masama, wala akong kinukuhang pera. Ito po ay isang proyekto na napakaganda, maipagmamalaki po natin ito at maliwanag naman na ngayon lamang ako nakakita ng ganitong klaseng katarungan na iyong nag-akusa ay gumawa ng rules, nag-hearing, gumawa ng desisyon. Tunay na nakakalungkot ang nangyayari sa ating Senado. Ako na rin po ang humihingi ng paumanhin sa inyo sa ganitong pangyayari sa Senado dahil talaga pong nakakahiya.

News Latest News Feed