Press Release
February 25, 2010

Speech of Senator Benigno S. Aquino III: "Makakamit ang Tagumpay:
Taas Noo Ang Pilipino Sa Mundo"

Mga minamahal kong kasama, kapatid at kababayan:

Noong madaling araw ng Setyembre 23, 1972, dumating ang mga sundalo at dinakip ang aking ama. Kami naman ay ginising ng aming ina, at sinabi sa amin kung ano ang nangyari.

Labing- dalawang taong gulang lamang po ako noon. Kinulong ang aming ama kahit na siya ay walang sala. At doon nagsimula ang aming kalbaryo.

Marami ang naniniwala noon na siya ang magiging susunod na Pangulo. Ngunit sa araw na iyon, bigla siyang itinuring na pangunahing kaaway ng estado bagama't wala siyang kasalanan.

Bumaliktad ang aming mundo. Itinakwil kami ng mga taong nangako na hindi kami iiwan.

Mula sa inaasahang magandang kinabukasan, nag-umpisa ang bangungot ng martial law.

Mula grade one hanggang grade six, ako po ay nasa top ten ng aking klase. Naghahanda para sa isang magandang kinabukasan. Ngunit ng dumating ang martial law, parang naging imposible ang magkaroon ng isang kinabukasan.

Dahil doon, mahirap magsumikap na mag-aral nang mabuti para sa isang kinabukasang walang taglay na pag-asa.

Ang aming nanay ang tumayong ama at ina ng aming pamilya.

Para makapiling ang aming ama, kailangan pa naming humingi ng permiso sa mga namamahala ng martial law.

Ako'y isang batang musmos na walang magawa habang niyuyurakan ang dangal ng aking ina at mga kapatid nang sumailalim sila sa strip search tuwing dadalaw sa aming ama.

Pinahuhubad halos ang buong kasuotan ng aking ina at mga batang kapatid na babae.

Isang taon bago nag-martial law, inakusahan ni Ginoong Marcos ang aking ama ng kung anu-anong krimen. Sagot ng aking ama: Ginoong Marcos, tungkulin mong isakdal ako sa korte.

Ang nag-akusa sa aking ama ay si Ginoong Marcos. Nagtatag siya ng isang Military Commission para litisin ang aking amang isang sibilyan, at para tiyak na malutong Makoy.

Ang humatol sa aking ama ay mga galamay ni Ginoong Marcos. Ang desisyon nila ay ihahain muli kay Ginoong Marcos para suriin niyang muli.

1977, at 17 years old na ako. Dumating ang panahon ng paghatol sa aking ama ng isang military commission.

Yaman din lamang tapos na ang desisyon bago pa nag-umpisa ang paglilitis, nagpasiya ang aking ama na mag-hunger strike bilang pagprotesta sa kawalan ng katarungan.

Araw-araw, nakikita kong unti-unting nauupos at nauubos ang buhay ng aking ama. Bakit humantong dito ang kanyang buhay? Bakit kailangan na ang taong walang sala ang dumaan sa ganitong paghihirap?

Sa apatnapung araw, patindi ng patindi ang poot at galit na nabubuo sa aking kalooban. Mauunawaan ninyo siguro kung bakit ganoon na lamang ang aking naramdaman.

Ilan kaya sa atin ang kayang magtiis at magtimpi sa ganoong sitwasyon?

Tuloy-tuloy pa rin ang pagsubok at panganib na hinarap namin, na hinarap nating lahat.

Nasubukan na po ba ninyo na makulong ng Pasko at Bagong Taon para lang makapiling ang inyong mahal sa buhay na wala namang sala?

Nakaranas na ba kayong mag-iyakan ang inyong buong pamilya pagsapit ng Bagong Taon sa loob ng maliit na selda, samantalang nagdiriwang at nagsasaya sa labas ang buong daigdig?

Nakaranas na ba kayong maging Kuya at Tatay sa mga kapatid na babae sa murang edad ng inyong pagbi-binata?

Sa daloy ng panahon, napilitan po akong tanggapin na lamang --- kagaya ng milyung milyong Pilipino --- ang kawalan ng karapatan sa lahat ng larangan.

Ang lahat ng naranasan kong ito ay bahagi ng isang bangungot na hindi dapat nangyari at hindi na dapat maulit pa.

Ang hirap na aming dinanas, ang sakit ng kalooban, ang kawalan ng katarungan sa amang minamahal --- iyan po ang siyang nagpanday ng aking ugali at pagkatao.

Sakripisyo --- para sa bayan. Sakripisyo --- para sa paninindigan. Sakripisyong may halong dalangin at pag-asa na may Panginoong Diyos na sa takdang oras ay iwawasto ang mali.

Kaya sa mga nanlalait hindi lang sa akin kundi sa panawagan ng panahon, simple lang ang sagot dito: ito ang ating tadhana.

Ang nais nila ay talikuran ko --- at talikuran natin --- ang ehemplo at prinsipyo ng aking mga magulang at ang magandang halimbawa na ibinigay hindi lang sa kanilang mga anak, kundi sa buong sambayanan.

Totoo naman na hindi mahirap ang angkan ng aking ama. Pwede siyang sumuko at tumanggap ng pataas na pataas na alok ng kapangyarihan at salapi. Ngunit pinili niya ang landas ng pagpapatotoo sa pangakong paglingkuran ang sambayanan.

Naaalala ko po ang liham na sinulat ng aking ama noong siya ay nasa bilangguan.

Limampung taong gulang ang aking ama noong siya ay pinaslang. Ngayon ay 50 taong gulang na rin po ako.

Ang sabi sa akin ng aking ama:

"The only advice I can give you: Live with honor and follow your conscience. There is no greater nation on earth than our Motherland. No greater people than our own. Serve them with all your heart, with all your might and with all your strength. Son, the ball is now in your hands."

Totoo naman na hindi namulat sa hirap ang aking ina, ngunit ang pinili niyang pamumuhay ay ang paglingkuran ang bayan at iangat ang mga mahihirap --- at hindi ang sarili niyang kaginhawaan.

Binigay nila sa ating bayan ang mga bagay na hindi kayang bilhin ng sinuman: ang kanilang sakripisyo. Ang kanilang paninindigan. Kung may inaapi, kung may pinagsasamantalahan, matatag ang kanilang paninindigan: ipadama at patunayang hindi sila nag-iisa.

Ang lahat ng hirap na aming dinanas ay tinumbasan ng sambayanang Pilipino ng pagmamahal.

Pagmamahal sa aking amang si Ninoy na pinaslang nang walang habag, at milyun-milyon ang nakiramay. Pagmamahal sa aking inang si Cory na ipinagdasal ng sambayanan nuong nakaratay sa sakit, at pakikiramay nang siya ay mahimlay.

Sa lahat ng aming sakripisyo, sa lahat ng aming trahedya, hindi ninyo kami pinabayaan. Hindi ninyo kami nilisan. Ipinadama ninyo sa amin na hindi kami nag-iisa.

Sa aking pananaw, hindi lang ito dahil sa halimbawa nila Ninoy at Cory.

Nakita lamang nila ang ayaw kilalanin ng mga sugapa sa kapangyarihan at pangungurakot: na ang Pilipino ay disente, may dangal, may malasakit at may paninindigan. Mahaba ang ating pasensya, ngunit habang tayo'y nagtitiis, naroon ang kaalaman na may araw din ng pagtutuos, may araw din para sa tunay na katarungan.

Dumating nga ang araw na iyon nung Pebrero beynte-singko, 1986: ito na ang kabaligtaran ng lagim na pinagdaanan ng ating lipunan.

Dahil sa People Power, nanumbalik ang demokrasya. Dahil sa People Power, nanumbalik ang ating karapatang pumili at maghalal ng ating mga pinuno. Dahil sa People Power, nanumbalik ang mga karapatang pantao.

Dahil sa People Power, taas-noo tayong lahat. Inawit pa natin na ito ang handog ng Pilipino sa mundo. Naging inspirasyon tayo ng marami pang bansa sa Asya at sa Europa na nag-People Power din upang itanghal ang demokrasya.

Kaya nang nagtagumpay ang People Power sinabi natin, ayon sa kanta,

Ating kalayaan kay tagal nating mithi. 'Di na papayagang mabawi muli.

Ngunit ano ang naganap mula noon?

Noong 2000, nanaig muli ang korapsyon sa pamahalaan.

Nanindigan tayong muli at nagkaroon ng pangalawang People Power, ngunit ano ang ginawa ng ating niluklok na Pangulo?

Bakit hanggang ngayon ay saksi pa rin tayo sa pagpapasasa at pangungurakot ng iilan habang nagpapahirap sa milyun-milyong Pilipino?

Bakit hanggang ngayon ay pilit na ayaw pa ring harapin ang usapin ng 'Hello Garci'? Di ba ang walang sala, nagmamadali pang patunayang mali ang mga paratang? Limang taon na ang nakalipas, kulang pa ba?

Bakit pinayagan ang mga kaalyado na magtatag ng mga sari-sariling kaharian? Bakit sukdulan na ang paggamit ng karahasan hindi lamang ng baril at armas, kundi maging chainsaw at backhoe? Bakit kailangang maganap ang karumal-dumal na massacre sa Maguindanao? Talaga bang ang mga mandaraya, manlilinlang at magnanakaw ay palagi na lamang mamamayani?

Palalim ng palalim ang ugat ng kanilang kasakiman habang lalong naghihirap ang taumbayan.

Noon, si Marcos ang tanging batas. Ngayon, sa maraming pagkakataon, ay tila hindi na ginagalang ang batas, pati na ang ating Saligang Batas.

Noon, ang eleksiyon ay Lutong Makoy; ngayon, ang eleksyon ay Lutong Gloria at Garci.

Noong araw, na- momorsiyento sa proyekto ang mga tiwali. Ngayon, ang naiiwan sa proyekto ay iilang porsiyento na lamang.

Pilit tayong pinapaniwala na wala tayong magagawa.

Kailangan tayong magbalik-tanaw sa nakalipas.

Mayroong isang Ninoy Aquino. Hinarap ang maliwanag na panganib sa buhay niya. Para magkaroon tayo ng pagkakataon na magkaroon ng mapayapang pagbabago.

Pinatay siya ng walang pakundangan ng mga gahaman sa kapangyarihan. At sa kanyang pagyao, nabuhay ang ating demokrasya.

Mayroong isang Cory Aquino. Ipinagpatuloy niya ang laban --- hanggang naibalik natin ang demokrasya.

At kahit tapos na ang panunungkulan, hindi ni minsang tumangging manindigan para ipagtanggol ang demokrasya sa bawat panganib.

May mga tao at puwersang gustong isantabi ang kapakanan ng karamihan alang-alang sa kanilang makasariling interes.

Habang nangingibaw ang ganitong palakad, palubog nang palubog ang buhay ng nakararaming dukha at kapus-palad.

Minsan may isang diktador na nangahas na umapi ng isang bansa. Sambayanang Pilipino, sumunod sa halimbawa ni Ninoy at ni Cory. Gumising at nanindigan, at itinaboy ang mapangahas.

Ngayon, naghahari na naman ang mga sumunod sa yapak ng nangahas.

Kayong mga nandito, naninindigan at nagbibigay- babala sa mga mapangahas:

Humanda na kayo sa araw ng pananagutan. Gumising na kayo sa katotohanan. Mulat na ang sambayanan.

Noong panahon ng kadiliman, ang katanungan ay:

Sino ang kikilos upang ibalik tayo sa liwanag?

Sa inyong pakikiisa, sinagot niyo na ito.

Ngayon, kumikilos na ang sambayanang nangangarap muli, at natatanaw na natin ang maliwanag at maaliwalas na kinabukasan kung saan ang pangarap ay magkakatotoo din.

Minsan, may isang Ninoy Aquino, nag-iisa sa kanyang bartolina. Nangahas siyang mangarap. At nang lumaon, tumugon sa kanyang hamon ang milyun-milyong Pilipino --- at nakamit natin ang kalayaan.

Ngayon, wala na tayong dapat pang ikatakot. Tayo ay gising na. Tayo ay mulat na. Tayo ay kikilos na upang makamit ang tagumpay. Taas-noo muli ang Pilipino sa mundo.

Maraming salamat at magandang gabi po sa inyong lahat.

News Latest News Feed