Press Release
March 18, 2010

Transcript of interview in DZRH with Sen. Manny Villar

Q: Ano po ang inyong naging reaksyon sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagbibigay pahintulot kay Pangulong GMA na maghirang ng susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema?

Villar: Nalulungkot ako dyan dahil sa kung ako ang masusunod, mas gusto ko na ang darating na Pangulo, kung sino man siya, ang bibigyan ng karapatan na pumili ng magiging Supreme Court Chief Justice. Ngayon ay pinag-aaralan ng mga abogado naming kung ano ang pwedeng gawin diyan. Subalit Supreme Court ang nagsalita, at iyan ay isang bagay na napakabigat dahil sa sila sa sistema ng gobyerno natin ang may huling pananalita tungkol sa isyu na ito. Kaya titingnan na muna namin ang apila, bagamat mabigat ang desisyon, malaki ang kalamangan ng pabor sa pagbibigay sa pangulo ng kapangyarihan kaya kung magkakaroon man ng appeal ay medyo mahihirapan na ito ay mabago. Kaya ako ay nalulungkot dito, talagang ako ay naniniwala na dapat sana ay binigyan ng karapatan ang bagong pangulo na pumili ng magiging Chief Justice ng Supreme Court.

Q: Kung sakali na kayo ang palarin na mahalal bilang susunod na pangulo ng ating bansa, ano po ang magiging pagtingin ninyo dito sa uupong bagong Mahistrado ng Supreme Court?

Villar: Ako kasi ay gumagalang nang husto sa ating Supreme Court, iyan ang sistema ng ating gobyerno. Bagamat syempre uubusin natin ang mga hakbanging legal kung paano mapipigilan ang issue na iyan subalit kung wala na talagang magagawa, wala na tayong magagawa sa bagay na iyan. Isang bagay na nakakalungkot subalit iyan ang sistema ng ating gobyerno. Ako ay nalulungkot diyan, hindi ako sumasang-ayon sana, mas maganda, mas maayos, kung ang susunod na pangulo ang hihirang ng Chief Justice.

Q: Si G. Alberto Lim ng Makati Business Club ay nakapanayam namin kanina, sabi niya lubhang disappointed ang mga negosyante kaugnay ng naturang desisyon at lalong dumami ang kanilang pangamba kaugnay ng mga nagaganap sa kasalukuyan.

Villar: Ako ay nangangamba rin. Sana walang basehan ang ating mga pangamba na ito na baka may mangyayari. Ang magagawa natin rito ay maghanda lalo, magprepara para masiguro natin na walang masamang mangyayari sa araw ng halalan. Alisto tayo dito, iyon lang ang magagawa natin para mapigilan natin kung ano man ang posibleng mangyari.

Q: Dito sa survey ng Campaign and Issues at DZRH ay umangat na naman ang inyong rating. Saan po natin maiaattribute itong inyong pag-angat ng ratings?

Villar: Sa aming pag-iikot sa Pilipinas, natutunan namin na mabilis ang pagdami ng mga taong nakikinig sa amin, ang suporta na ibinibigay sa amin, lalong uminit ang pagtanggap sa aming grupo. At habang naipapaliwanag namin ang mga issues, ang kakayahan namin at karanasan, mas lalong nagugustuhan kami ng tao. Ngayon ay talaga namang nakikita ng tao na malaki ang problema ng ating bansa, bukod sa kahirapan, kagaya halimbawa ng kuryente na napakalaking problema sa Mindanao. Ito ay nangangahulugan lamang na talagang nangangailangan at mangangailangan ang ating bayan ng mga mamumuno na may sapat na kakayahang mamahala, karanasan at liderato.

Q: Kaya lamang Mr. Senator, tuwing aangat kayo sa survey, laging binubuhay ang iba't ibang issues at mga pagpuna laban sa inyo, tulad halimbawa ng napakatagal nang issue diyan sa Norzagaray, iyong mga Dumagat ay mukhang binuhay na naman ang issue kahapon?

Villar: Alam mo, iyan ay may ilang taon na, pauli-ulit, ang katotohanan diyan, nag-file na ng kaso sa Ombudsman, na-dismiss na iyan. Pero ang palagay ko kaya binuhay iyan ay dahil merong artikulo sa New York Times at saka Herald Tribune at doon ay tinatalakay ang issue ng Hacienda Luisita, iyong kalupitan na inabot ng mga magsasaka doon. Maaring iyon ang kadahilanan kung bakit gumagawa ng mga ingay na ganito. Iyan naman ay nasagot na namin, wala kaming kinalaman diyan. Iyan ay kaso na na-dismiss na noon, hindi naman talaga para sa amin iyan at ayaw lamang nilang makinig. Subalit sa palagay ko, ito ay may kinalaman sa artikulo na lumabas sa New York Times at Herald Tribune. Iyong mga bagay na hindi lumalabas sa ating lokal na diyaryo ay lumabas doon sa New York Times.

Q: Ang isa sa pinakamatinding endorser ng inyong partido dito sa darating na halalan ang People Champ na si Manny Pacquiao ay mukhang malapit nang dumating, ano ho ba ang magiging papel ng Nacionalista Party sa pagbibigay ng Hero's Welcome para kay Pacman?

Villar: Baka doon kami sa separate na araw. Ibang araw na kami magbibigay ng parangal. Iyong unang araw, syempre iyan ang pormal na parangal sa ating bayani. Iyan ay iiwan natin sa taong-bayan at baka ang ating grupo o ako mismo ay doon na lamang sa pangalawa hanggang pangatlo. Iyan naman ay itinatawag natin kay Manny, naiintindihan niya iyan. Mahalaga na ang unang araw ay ibigay natin sa pormal na pagpaparangal sa kanya na isang bayani ng ating bansa.

Q: Meron bang katotohanan na after a few days after his arrival ay siya ay sumama sa inyong pag-iikot sa ating bansa?

Villar: Iyon naman ang kanyang sinabi noong siya ay tumawag sa akin. Sabi niya pag-uwi niya ay sasamahan niya ako sa aking pag-iikot at tutulungan niya akong mag-kampanya. Bilang isang kaibigan ay kami ay natutuwa diyan. Kami naman ni Manny ay matagal nang magkaibigan. Naaalala kasi naming kapag nagkekwentuhan kami, iyong mga panahon na pareho kaming walang-wala, syempre napagkekwentuhan naming ang inabot namin ngayon at kung paano rin kami makakapagsilbi sa bayan. Kasi si Manny, gusto ring magsilbi sa bayan nya bilang Congressman.

Q: Sa kabila ng napakatinding krisis na nararanasan ng ating bansa, power crisis, pagkatapos El Nino, ang ating mga magsasaka ay nagtatanong, ano naman kaya ang plataporma ni Sen. Manny Villar sa ating mga magsasaka ngayong may El Nino at mabigat na problema?

Villar: Irigasyon kasi ang talagang problema dito na hindi talaga nabibigyan ng atensyon. Ang unang-unang dapat gawin sa larangan ng irigasyon ay kumpunihin muna ang mga sira na sistema ng irrigation. Marami kasi tayong sira, dapat unahin munang gawin iyan. Pangalawa, meron tayong maliliit na sistema ng irigasyon na siyang dapat na ipatupad dito sa ating bansa, hindi na iyong malalaki. Pangatlo iyong sistema natin ng pagbabala sa ating mga magbubukid na para handa sila at nabibigyan sila ng payo kung kalian dapat magtanim, ano ang dapat itanim at kung gaano katagal itong El Nino nang sa ganon ay nauunawaan ng ating mga magsasaka ang problema at kung ano ang dapat gawin.

Q: Nang lumabas ang bagong political ad ng NP na kinatatampukan ng mga babaeng kandidato ng NP, napansin ng ating mga kababayan na ang inyong partido ang may pinakamaraming kandidatong babae. Ano po ba ang papel na gagampanan ng mga kababaihan sa ilalim ng inyong pamunuan kung saka-sakali?

Villar: Maliwanag naman sa akin, ako maski noong bata pa ay napakalaki ng paggalang ko sa kababaihan, sa aking Nanay, sa aking asawa, sa aking anak. Iyan naman ay makikita mo maski sa pagpili ng slate sa pagka-senador. Ito ay magagaling na kababaihan, pawang mga hinangaan sa ibat ibang aspeto ng ating buhay. Bawat isa sa kanila ay merong maipagmamalaking katangian at may mga ipinaglalaban para makasiguro tayo na ang ating kababaihan ay magkakaroon ng magandang papel dito sa ating lipunan at patuloy silang igagalang sa ating bayan.

Q: Meron po ba kayong huling pananalita?

Villar: Doon po sa mga lugar na hindi pa namin nararating, kami po talaga ay naghahangad na maikutan po lahat at halos araw-araw po kami ay umiikot, pinapaliwanag po namin ang mga issues, yung aming mga kakayahan, yung aming mga gagawin. Gusto rin po kasi naming malaman ang mga problema ng bawat lugar nang sa ganon kung kami ay papalarin, nakahanda kami na mabigyan agad ng lunas ang karamihan ng mga problema natin sa unang araw pa lamang nang mabilisan at para tunay na maunawaan namin ang mga problema ng na doon mismo sa lugar na may problema nanggagaling. Iyan po ang ating balak gawin. Huwag po kayong mag-alala, kung hindi pa ho kami makakarating diyan, makakarating din kami. Iyan po talaga ang balak naming gawin at desidido po kami na gawin iyan, ikutin po ang buong bansa para mas mapalapit po sa inyong lahat.

News Latest News Feed