Press Release
March 20, 2010

MALAYA, HAYAG NA PEACE TALKS ISUSULONG
NG AQUINO-ROXAS ADMIN

Siguradong tuloy ang usapang pangkapayapaan sa ilalim ng isang administrasyong Aquino-Roxas, pero gagawin itong hayag sa publiko at kokonsultahin ang lahat ng panig para pang-matagalan at epektibo ang anumang kasunduang makukuha dito.

Ito ang binigyang katiyakan ni Liberal Party vice-presidential candidate Sen. Mar Roxas ngayong linggo bilang pangunahing solusyon sa pagpa-paunlad ng Mindanao.

Itinuturing ni Aquino at Roxas na pangunahing problema pa rin sa Mindanao ang kapayapaan kaya ito ang unang aatupagin nila upang makaungos na ang kabuhayan ng mga taga-Mindanao.

Pero hindi gaya ng MOA-AD ng administrasyong Arroyo kung saan sinikreto ang usapan at binulaga na lang bigla ang taumbayan ng kasunduan na muntik mag-chop-chop ng bansa, mas malawak at hayag na konsultasyon sa lahat ng panig ang itutulak nila ni LP standard bearer Sen. Noynoy Aquino, ayon kay Roxas.

"Paano kayo magkakaroon ng kasunduan na sakop ang buong bansang Pilipinas nang hindi naman alam kung ano ang kasunduan? Hindi pwede 'yon. Kailangan talaga na malaya, hayag na konsultasyon sa lahat ng mga sector, lalo na sa mga nakatira sa Mindanao," ani Roxas.

Binigyan diin pa niya na bagama't hindi na maibabalik sa 1920s o 1930s sitwasyon sa Mindanao, importante na anumang kasunduang pang-kapayapaan ay huwag paghiwa-hiwalayin ang bansa.

"Lahat tayo ay nagnanais ng kapayapaan. Pero huwag naman na hahatiin natin o mabubuwag ang bansang Pilipinas," ayon kay Roxas, na ang tinutukoy ay ang muntik nang makalusot na MOA-AD na maghahati sa rehiyon ng Mindanao.

News Latest News Feed