Press Release
March 22, 2010

ROXAS PARA SA KAPAYAPAAN, HINDI SA PAGHAHATI NG MINDANAO

Naninindigan si Liberal Party vice-presidential candidate Sen. Mar Roxas na siya ay para sa kapayapaan sa Mindanao, pero hindi para sa paghahati o pag-chop-chop sa bansang Pilipinas.

Ayon kay Roxas, nirerespeto niya ang kagustuhan ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao pero iginiit niya na makakamit lang ang kapayapaan kung malinis ang hangarin ng gobyerno na magkaroon ng marangal at may kredibilidad na usapang pangkapayapaan.

"Kung tapat at may kredibilidad ang gobyerno, hindi na kailangan pang suyuin ang mga rebelde sa pamamagitan ng sikretong kasunduan gaya ng MOA-AD," aniya.

Kaya tiniyak niya na sa ilalim ng Aquino-Roxas administration ay gagawing hayag sa publiko at kokonsultahin ang lahat ng panig para makamit ang matagal nang inaasam na kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao .

Si Roxas at dating Senate President Frank Drilon ay idineklara ng Bangsamoro Supreme Council of Ulama na kalaban ng Islam dahill sa kanilang pagkontra sa MOA-AD.

"Lahat tayo ay nagnanais ng kapayapaan. Pero huwag naman na hahatiin natin o i-chop-chop ang ating bansa," ayon kay Roxas.

Binigyan diin pa niya na kung natuloy ang MOA-AD, magiging hiwalay na republika ang Mindanao, na lalong magwawatak-watak sa mga kapatid nating Muslim.

News Latest News Feed