Press Release
March 24, 2010

Transcript of Interview of Senate President Juan Ponce Enrile
w/ DYPR Palawan anchor Roger Lagasca

Q: Ngayon po ay makakapiling natin ang isa sa tumatakbo muling senador sa nalalapit na eleksyon sa ilalim, sa pangunguna, ng kanilang standard bearer na si former Pres. Joseph Estrada. Siya po ang kinikilalang Manong sa Senado. Siya po ay nagtapos ng Kolehiyo sa Ateneo ng Cum Laude at isa sa haligi sa pagpapatalsik sa diktaturyang Marcos. Nanguna din siya sa pakikipaglaban sa pagtataguyod at pagpapatibay ng comprehensive tax reform program, value added tax at sa isyu ng kontrobersyal na disappearing load sa ating mga cellphone. Mga kaibigan, si Sen. Juan Ponce Enrile. Manong Johnny, happy po ba kayo sa panahon ng kampanya?

JPE: Magandang umaga sa inyo diyan. Gusto ko happy ka. Gusto ko happy ang DYPR sa Palawan at gusto ko happy ang mga Palaweño.

On Chief Justice Appointment

Q: Maraming salamat po. Mr. Senator. Nagdesisyon na po ang Korte Suprema kung saan pinapayagan nito ang Pangulong Arroyo na mag-appoint ng bagong SC Chief Justice kahit sa panahon ng election ban. Ano po ang inyong reaction sa desisyon ng pinakamataas na Hukuman?

JPE: Ako, sang-ayon ako don pero kailangan magkaroon ng vacancy. Pag retiro ni Chief Justice Puno, saka lang mag-aappoint si President Arroyo. Hindi siya pwedeng mag-appoint ng walang bakante sa Supreme Court.

Q: Nakatakdang magretiro si Justice Puno sa Mayo 17. Ibig niyong sabihin kailangan munang magkaroon ng vacancy?

JPE: Kailangan magretiro muna ang Chief Justice at 'yong nasa mababakanteng pwesto ang kailangan magrekomenda sa JBC ng papalit. Pangalawa, magrerekomenda din ang JBC ng papalit sa Chief Justice. Ngayon, ang unang i-a-appoint ng presidente ay 'yong Chief Justice. Hindi pwedeng magsesession ang JBC ng walang ex-officio chairman. Kagaya ng Commission on Appointments, ako ang ex-officio chairman bilang Senate President. Hindi pwedeng magsesession ang Commission on Appointments kung wala 'yung ex-officio chairman.

On Electricity

Q: Samantala, Senator Enrile, kaugnay po ng krisis sa Mindanao pagdating sa serbisyo ng kuryente. Ayon kay Pangulong Erap ay overpriced daw po ng P13 billion ang inilalaang pondo para dito na ayon sa mga eksperto ay dapat na P7.38 billion lamang ang dapat gastusin. Ano po ang masasabi niyo?

JPE: 'Yon ang findings ng technical group na inatasan ni President Erap na mag-aral nung problema kaya lumitaw 'yung figure na 'yon.

On Corruption

Q: Madalas po na nagkakaroon ng isyu at ito ay kaugnay ng korapsyon at 'yan din ang parating laman sa panahon ng kampanya. Totoo po bang naisasagawa ang naaangkop na hakbang sa pagpapatupad o kaya sa pagsasagawa ng government project? Meron po bang mga paraan para matiyak na dumadaan sa tamang proseso ang mga proyektong ito ng gobyerno bago ipatupad?

JPE: Merong 'yang technical working group. Andiyan ang Ombudsman. Nandiyan ang COA. Nandiyan ang Sandiganbayan. Ang problema lang diyan ay ang implementation ng batas. Implementation lang 'yan. Kumpleto tayo sa kagamitan upang sugpuin ang korapsyon sa gobyerno kaya lang kulang sa pagpapatupad.

Q: At 'yong tinatawag na political will sa implementasyon.

JPE: Totoo 'yon. Kung minsan ay malambot tayo sa ating mga kaibigan. Malambot tayo sa kasamahan natin sa pulitika. Naaawa tayo sa mga tinatamaan. Kailangan 'yan ay matibay ang sikmura ng isang tao na namumuno sa isang lipunan na kagaya natin para sa ganon ay maipairal ang batas ng walang personalan. Batas ang pinag-uusapan natin.

Q: Hindi lang siguro matibay ang sikmura kundi dapat matatag ang dibdib para panindigan kung alin ang tama.

JPE: Tama. Matibay ang sikmura, matibay ang dibdib at talagang matalim ang pag-iisip.

On Mining

Q: Senator Enrile, noon pong nakaraang Linggo ay nagkaroon ng joint public consultation na pinangasiwaan ng DENR para po sa dalawang mining firms dito po sa Brooks Point, kabisado nyo po ang lugar na ito sa Palawan.

JPE: Oo.

Q: Ito pong Celestial at himpilan ngayon ay nasa ilalim na ng pamamahala ng mga Macroasia. Nirereklamo po ng mga environmental groups dito po sa aming lalawigan ang consultation na ito. Sinasabing mukhang pinapaboran ng DENR ang mining companies. Ilegal po ba ang ginawa ng DENR ng ito ay pumayag sa isang joint consultation kasama ang mga mining companies na sa halip ay dapat tao lamang muna ang konsultahin.

JPE: Hindi ko alam ang proseso na nasasaad sa batas pero dapat sundin ang proseso na nasasaad sa batas natin. Kailangan ding gamitin ang system na hindi makakasira sa kapaligiran natin. It must be a modern system of mining so that the environment will not be degraded.

On E-Vat

Q: Mr. Senator, dito po sa isyu ng expanded value added tax, exempted na po ang mga senior citizens dito ngunit patuloy na kini-criticize ng ilang sector sa paggigiit na walang masama sa imposition ng e-vat sa mga basic commodities. Ano po ang pananaw niyo dito?

JPE: Alam mo, binigyan ng batas ang mga senior citizens ng 20 % discount. Ngayon, kung gagamitin mo yung e-vat sa 20% discount, you are in effect, reducing the privilege of the senior citizens. 'Yung sinasabi namin doon sa bago naming ipinasang batas ay wag na isama dun sa 20% discount ng mga senior citizens para kumpleto yung kanilang discount.

Q: Mr. Senator, kailan niyo po balak dumalaw dito sa Palawan?

JPE: Hindi namin alam kung kailan ang schedule pero siguradong pupunta kami diyan.

Q: Maraming salamat po sa pagkakataong ito.

JPE: Maraming salamat din sa mga taga-Palawan na nakikinig sa atin. 'Wag nyo sanang kalimutan si Enrile sa darating na halalan. Numero 15 sa balota ng Comelec, ibalik sa pagka-senador para makatulong sa problema ng ating bansa.

Q: Maraming salamat po.

News Latest News Feed