Press Release
September 28, 2010

Hearing Sa Jueteng, Hindi Puputilin
HIGIT PA SA IMBESTIGASYON, AKSYON ANG KAILANGAN - TG GUINGONA III

Nilinaw ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto 'TG' Guingona III na wala itong balak na putulin ang imbestigasyon sa jueteng gaya ng naihayag sa ilang pahayagan. Sa katunayan aniya, tuloy ang mga gagawing pagdinig tungkol sa isyu ng jueteng ngunit hindi na ito paabutin ng tatlong buwan tulad ng nangyari noong unang dininig ang isyu sa Senado ilang taon na lumipas.

"Ang nangyari lang ay pinostpone natin to Thursday at ang sinabi ko at binitawan kong salita ay 'we will not prolong the hearings'. Iba po ang ibig sabihin ng 'we will not prolong' kaysa 'we will cut short' sapagkat ang sinasabi sa mga pahayagan I will cut short. Cut short, puputulin diba? We will not prolong ang ibig kong sabihin hindi natin papaabutin ng mga tatlong buwan itong hearing," paliwanag ni Guingona.

Higit pa rito, sinabi ng senador na dahil sa bilis ng mga bagong kaganapan sa imbestigasyon ay dumadami ang aspeto ng jueteng na dapat bigyang pansin, ngunit kung ang lahat ng mga ito ay iimbistagahan, lalo lamang hahaba nag usapin.

"Ang lahat ng bagay ay mayroon katapusan. So after ng series of hearings, gusto ko mayroon ng kaukulang aksiyon. Ang daming nagsassabi na hearing ng hearing wala naman nagyayari. Yun ang gusto kong i-address na mayroon nangyari. Yun lang ang ibig sabihin ng we will not prolong the hearings," giit ni Guingona.

Ayon kay Guingona, ipinagpaliban ang nakatakdang hearing kahapon sa darating na Huwebes sapagkat nakiusap umano si Sec. Jesse Robredo ng DILG dahil sa conflict sa kanyang schedule. Nakatakda ding dumalo sa pagdinig sina DILG Usec. Rico Puno, PNP Chief Bacalzo, dating PNP Chief Versoza, isang Mr. Rojas na siyang nangangasiwa sa PCSO at si Mr. Quiñonez na siya namang namamahala sa Small Town Lottery ng PCSO.

Kasama rin sa naturang hearing ang Anti-Money Laundering Council na siyang nagpapatupad ng Anti-Money Laundering Law at mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue. Lumabas sa ilang pahayagan na dinadala sa Singapore ang perang kinikita sa jueteng at doon nililinis at pagkatapos ay ibabalik dito sa bansa.

"Yung mga binanggit na mga numbers ang laki-laki ng amounts involved and yet, bakit hindi pa under the AMLA. Under the AMLA, hindi gagalaw yung pera sa bangko. Bakit hindi pa nangyayari? Pangalawa, yung sa BIR. Bakit ba hindi nata-track ng BIR ang ganitong kalaking kinikita nila? Hindi pa napo-prosecute," pahayag ni Guingona.

News Latest News Feed