Press Release
October 5, 2010

Di-makatarungang patakaran ng GSIS, kanselahin
Karampatang benepisyo ng mga guro, unahin

Privilege Speech of Sen. TG Guingona
05 October 2010

Mr. President, bago ang lahat, nais ko munang batiin ang mga espesyal na panauhin ng Senado sa hapong ito. Sa ngalan ng buong kapulungan, malugod ko pong binabati ang mga napakahalagang panauhin sa bulwagang ito -- ang mga public school teachers sa pangunguna ng Teachers' Dignity Coalition (TDC). Galing sila sa iba't ibang lugar dito sa Metro Manila at sa mga karatig-lalawigan. Ang aking mainit na pagbati sa kanilang lahat -- Maligayang Araw ng mga Guro; Happy Teachers' Day!

Mr. President, tulad ng sinabi ko noong kampanya, galit ako sa buwaya! Galit ako sa corrupt! Galit ako sa ganid!

Ang tinutukoy kong buwaya ay iyong mga nananakmal. Iyong mga nang-aagaw ng hindi kanila. Iyong nagpapakasasa sa kabila ng paghihirap ng iba.

Mr. President, mga kagalang-galang na kapwa senador, ganito marahil maisasalarawan ang sistema at mga patakaran ng Government Service Insurance System o GSIS. Nagkakamal ng malaking salapi. Kumikita mula sa pag-iinvest ng pondong nalilikom. Nakapagbibigay ng malalaking incentives sa mga opisyal. Gumagastos nang napakalaki para sa mga advertisement.

Mr. President, maaari sigurong sabihin na wala namang problema sa ganito, kung natutugunan lamang sana ng GSIS ang tungkulin nito sa kanyang mga miyembro. Kung nasusunod lamang ng GSIS ang obligasyon nito sa mga miyembro gaya ng itinatadhana ng batas. Kung naibabalik lamang sana nito sa mga mismong taong bumubuhay sa kanya ang serbisyong dapat talaga nilang tanggapin. Ang masaklap na katotohanan Mr. President, hindi ganito ang nangyayari.

Itinatag ang GSIS upang magbigay ng insurance sa mga empleado ng pamahalaan. Bilang tagapagbigay ng insurance, bahagi ng mandato nito na tiyakin na ang bawat kasapi ay makapagreretiro nang walang alalahanin sa kaniyang pagtanda dahil may pensiyon siyang maasahan. Dagdag pang pakinabang sana dito ay maging takbuhan sa panahon ng pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapautang sa mababang interes. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing ang GSIS "Kahit Saan, Kahit Kailan, Laging Maaasahan." Isang napakagandang slogan. Subalit ang slogan ito ay nananatiling slogan lamang. Ang pasegurong ito Mr. President ay hindi sigurado.

Taliwas sa dapat sana'y benepisyo, perhuwisyo ang isinusukli ng GSIS sa premium contributions ng kanyang mga kasapi.

Ilang taon nang wala silang dibidendo. Nagma-mature ang mga policy nang walang natatanggap ni isang sentimo. Nagreretiro ngunit napakaliit ng mga benepisyo. Nag-loan subalit halos walang take-home. Nadoble ang maliit na utang dahil sa hindi pagkaltas ng monthly loan repayment. Walang nakuhang pensiyon mula sa pumanaw na asawa. Ibinabawas sa claims at benefits ang bayad sa kanilang mga utang. Patuloy na pagbabayad sa mga dati nang bayad na utang. Lumolobo ang utang dahil sa sangkaterbang arrearages. Hndi maayos na record. Palpak na computerized system na ginastusan nang bilyon-bilyon. Nagugulat na lamang ang mga guro sa haba ng listahan ng mga di-umano'y utang nila sa GSIS. Sinisingil sa kanila pati na ang utang ng DepEd. Ang mga guro ang pinarurusahan sa lahat ng pagkukulang ng DepEd at GSIS.

Maliban sa mga ito, napakarami pang problema ang dinaranas ng ating mga guro at iba pang kawani sa GSIS - ang insurance agency na kung tutuusin ay pag-aari nila mismo. Ahensiyang pinatatakbo ng buwanang kontribusyon ng mga empleado ng gobyerno. Ang mismong ahensiya na dapat sana'y mangalaga sa kanilang kapakanan, tumiyak na sila'y may malalapitan sa oras ng pangangailangan at may aasahang kalinga sa kanilang pagreretiro o pagtanda.

Tingnan natin ang kaso ni Teacher Luz Sibonga, isang guro mula sa Baesa High School sa Caloocan City at bisita rin natin ngayon. Nagsimulang magturo sa public school taong 1991, masigasig na nagtrabaho at naglingkod sa pamahalaan at sa mga bata mula sa maralitang komunidad ng Caloocan. Hindi na siya nag-asawa dahil sa pagmamahal niya sa kanyang trabaho. Nagmature ang kanyang policy noong taong 2006. Excited siyang pumunta sa head office ng GSIS upang kubrahin ang kanyang cash surrender value na ayon sa tentative computation ay aabot rin sa mahigit anim na pung libong piso, P60,000.00. Subalit umuwi siyang luhaan. Siningil ng GSIS sa kanyang dapat sana'y maturity benefits ang nakaparaming utang, partikular na ang premium in arrears. Ang suma-tutal, eksakto ang halaga ng kanyang di-umano'y utang sa dapat niyang makukuha. Wala siyang nakuha ni singko sentimos na bunga sana ng labinlimang taon niyang paghihirap. At ang tanging konsuwelo, kung konsuwelo mang matatawag, bayad na di-umano ang lahat niyang utang.

Hindi pa riyan nagtatapos ang misteryo. Nito lamang Hunyo, ayon mismo sa GSIS ay maaring mangutang ng halagang P156,000 si Teacher Luz. Nang siya'y makakuha ng bagong ID o ng tinatawag na UMID Card ay nag-apply siya ng loan na halagang P30,000 lamang. Subalit makalipas ang ilang linggo matapos siyang mag-apply ng loan sa GSIS kiosk, wala pa ring pumapasok na pera sa kanyang UMID Card. Kaya tumungo na siya sa isang sangay ng Unionbank. Doon nalaman niya na hindi siya makakautang sapagkat mayroon pa siyang utang na nagkakahalaga ng P29,000. Ikinagulat niya ito sapagkat, ayon na rin sa GSIS ay wala na siyang utang mula nang magmature ang kanyang policy noong 2006. Muli siyang tumungo sa GSIS upang itanong kung bakit nagkaganun at upang malutas ang misteryo. Subalit ayon sa GSIS, hindi nila mabuksan ang kanyang record sapagkat lumang code umano ang gamit nila noon.

Ang mga ganitong kaso ay nagaganap dahil na rin sa mga polisiyang ginawa ng mga dating pamunuan ng GSIS. Ilan sa mga patakarang iyan ang Premium-based Policy, na ang tanging mga kontribusyon lamang na kikilalanin at ipo-post ng GSIS ang magiging batayan ng computation ng kanilang benepisyo. Ito'y kahit pa buwan-buwang matapat na naghuhulog ng premium contribution ang ating mga guro.

Malupit rin ang patakarang Automatic Premium Loan Policy o APL -- sinisingil sa mga kasapi ang mga pagkakautang o pagkukulang ng kanilang ahensiya. Kaya kung hindi makapaghulog ng premium contribution ang DepEd - personal share o government share man, ituturing itong utang ng empleado at hindi ng ahensiya. Tama ba yan? Samantalang buwan-buwan namang matapat na naghuhulog ng premium contribution ang ating mga guro.

Gayundin ang Claims and Loans Interdependency Policy o CLIP -- ibinabawas sa mga dapat sana'y benepisyo ang pagbabayad sa mga di-umano'y utang ng mga guro. Ang mga sinasabing utang na ito ay kuwestiyonable rin, kagaya ng mga nauna ko nang binanggit. Kaya ang suma, nauuwi sa pambayad ng mga utang ang dapat sana'y claims at benepisyo ng mga kasapi. Samantalang obligasyon dapat ng GSIS na kaltasin buwan-buwan ang loan payment, sapagkat buwan-buwan ding matapat na naghuhulog ng premium contribution ang ating mga guro.

Mr. President, ilan lamang ito sa mga patakaran ng GSIS na sa tingin ko ay hindi makatarungan at lumalabag sa mismong mga titik at diwa ng GSIS Act of 1997. Sapagkat walang ibang layunin ang batas na ito kundi tiyakin at siguruhin na may maayos na paseguro o insurance ang ating mga guro at kawani ng gobyerno. Mga guro at kawani na buwan-buwang matapat na naghuhulog ng kanilang premium contribution.

Maliwanag na walang pagkakasala ang mga guro natin sapagkat matapat nilang ginagampanan ang kanilang obligasyon bilang mga kasapi -- ang paghuhulog ng premium contribution. Kung hindi man ito naihulog ng DepEd, hindi ito kasalanan ng guro. Kung hindi man ito kilalanin ng GSIS at i-post sa pangalan ng kasapi, walang pagkukulang ang kasaping iyon. Ang DepEd at GSIS ang may problema at wala sa mga guro. Bakit ang mga guro ang pinarurusahan?

Mr. President, ito ang tanging argumentong magpapatunay na dapat nang ayusin ang sistema ng GSIS at gawin itong pabor sa mga guro. Sapagkat kung ang GSIS ay hindi maglilingkod sa interes ng mga kasapi nito, wala nang dahilan upang ito'y manatili pa. Mas mabuti pa sigurong buwagin na lang ito at magtayo na lamang ng insurance na laan lamang para sa ating mga guro.

Mr. President, narito ang ilan sa aking mga panukala hinggil sa pagsasaayos sa problemang ito ng GSIS at hinihiling ko ang suporta ng bawat isa sa kapulungang ito:

1. Agarang pagkansela ng Premium-Based Policy, Automatic Premium Loan (APL), Claims and Loans Interdependency Policy (CLIP) at iba pang hindi makatarungang patakaran ng GSIS at palitan ito ng mga polisiyang pabor sa mga kasapi;

2. Bayaran ang lahat ng nawalang mga benepisyo at mga utang na siningil sa mga kasapi at retirees na hindi naman nila pagkakasala, kasama na ang interes ng mga ito;

3. Papanagutin ang mga opisyales ng GSIS dahilan sa tahasan nilang paglabag sa mga tadhana ng GSIS Law;

4. Habulin ang mga ahensiyang may pagkukulang sa proseso ng remittance at record keeping at hindi ang mga pobreng empleado;

5. Amyendahan ang probisyon ng GSIS Law hinggil sa Board Membership at gawin itong pro-rata upang matiyak ang mas malakas, mas marami at direktang representasyon ng mga guro at kawani; at

6. Suriin ang GSIS Act of 1997 para sa iba pang mga kinakailangang pag-amyenda dito.

Mr. President, mga kagalang-galang na kasapi ng Senado, ito ang nakikita kong mga paraan upang ganap na maisaayos ang problema ng ating mga mahal na guro sa GSIS. Ngayong araw ng mga guro, ito sana ang pinakamagandang regalong maibibigay sa kanila.

Maraming salamat po Mr. President. Maraming salamat po sa inyo, mga kagalang-galang na kapuwa senador. Maraming maraming salamat po sa ating mga minamahal na guro. Muli, Maligayang Araw ng mga Guro! Happy Teachers' Day!

News Latest News Feed