Press Release
February 16, 2011

Villar: Fare increase sa LRT at MRT, isantabi muna

Umapela si Sen. Manny Villar sa administrasyong Aquino na isantabi muna ang inaprobahang umento sa pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) habang wala pang ginagawang hakbang ang gobyerno para matulungan ang apektadong mananakay.

Ayon kay Villar, dagdag pasanin sa mga mananakay ang umento sa pasahe sa LRT at MRT dahil mababawasan nito ang arawang kita ng mga nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor.

"This increases are obvious burden to them as we see no proposal for salary increases or the government offers no alternative to the rising fares or toll fees,"ayon sa senador.

Sa pagtaya ng Department of Transportation and Communication(DOTC) sa epekto ng fare increase sa MRT, 9.9 percent ng minimum daily wage ang mapupunta lamang sa pasahe. Umaabot sa 81 porsyento ng sumasakay ay nagtatrabaho, 12 porsyento lamang ang estudyante at 7 porsyento ang walang trabaho.

"Dapat magdahan-dahan tayo dito,"pakiusap ni Villar sa DOTC.

Noong Enero ay inaprobahan ng DOTC ang umento sa pasahe sa MRT kung saan ang minimum ay P 15 na habang P 25 ang maximum. Ang pasahe sa LRT-1 naman ay tataas sa P 20 hanggang sa P 30.

Kasabay nito ay inirekomenda rin ni Villar sa pamahalaan na bilhin ang natitirang pribadong share ng MRT-3 upang sa gayon ay mabawasan ang pagkalugi ng gobyerno sa pagbibigay ng kita sa pribadong korporasyon.

Sa isinagawang pagdinig ng senate committee on economic affairs kamakalawa ng hapon, lumabas na pag-aari ng gobyerno ang 76 percent ng MRT-3 subalit may 24 percent pang hawak ang mga pribadong korporasyon.

Ayon kay Villar, chairman ng komite, ngayon pa lamang ay bilhin na dapat ng gobyerno ang 24 percent share ng ibat-ibang pribadong korporasyon upang sa gayon ay makatipid ang gobyerno sa babayaran sa kanila hanggang sa ika-25 taon ng kanilang kontratra.

"We just preterminate the contract now rather than continue paying the 15 percent over the next 15 years,"giit ni Villar matapos malaman na nakaka-sampung taon na sa kontrata ang mga pribadong korporasyon.

News Latest News Feed