Press Release
February 29, 2012

Transcript of DZBB Interview of Senate President Juan Ponce Enrile

On the Impeachment Trial of Chief Justice Renato Corona

Q: Hindi na raw po itutuloy ng prosecution panel 'yung lima pang Articles of Impeachment at titigil na sila pagkatapos 'yung tatlong Articles of Impeachment na hinain nila...

SP: Simple lang 'yun. Ibig sabihin nun wala na 'yung limang Articles of Impeachment. Ang naiiwan na lang 'yung tatlo, 'yung 2, 3 at 7. 'Yung 1, 4, 5, 6, 8, wala na 'yun. Hindi na namin pagbobotohan 'yun. Basura na 'yun. Ibig sabihin nun, 'yun ay nilagay nila ng walang basehan upang tanggalin 'yung gusto nilang ipatanggal.

Q: Ang basa niyo roon, kaya hindi na nila tinuloy 'yung lima ay walang basehan...

SP: Hindi kakagat.

Q: Ok. Kasi ang sinabi nila, doon pa lang sa tatlo, 'yun ang sinabi nila Mr. Senate President, sapat na 'yung mga nahain nilang testigo at ebidensiya.

SP: Kung 'yung lima lang ang batayan nila, hindi nila matatanggal 'yung nasasakdal. 'Yun ang katotohanan. 'Wag na tayong magkukunwari.

Q: Hindi ba nagiging delikado ang pagiging patas natin dito at sinasabi niyo na kung itinuloy ninyo 'yung lima, hindi papasa 'yun?

SP: Totoo 'yun. Nasa Saligang Batas 'yun.

Q: Ito namang tatlo, sabi nila na sa tatlo pa lang ay pwede ng mapatanggal 'yung kanilang gustong tanggalin...

SP: Kung hindi masasagot ng ebidensiya nung depensa. Sa asunto, sa karanasan ko, ay walang sigurado. Sa asunto, hanggang hindi mo naririnig 'yung istorya ng dalawang magkatunggali, ay walang nakakasiguro.

Q: So, sa puntong ito Mr. Senate President, narinig na natin ang istorya ng prosekusyon.

SP: 'Yun ang istorya nila. Mayroon ding istorya 'yung kabila.

Q: Ngayong sinabi na po ng prosekusyon na tapos na po kami Mr. Presiding Officer, ngayon depensa. Papaano po ang susunod na hakbang?

SP: Ang susunod naman ay ipepresenta nila ang kanilang ebidensiya at titingnan namin kung aming tatanggapin at hindi tatanggapin. Pagkatapos noon ay hindi na sila pwedeng magpresenta ng ebidensiya. 'Yung kabila naman ang susunod.

Q: Papaano? Pagkatapos ng depensa 'yun ulit prosekusyon?

SP: Oo, 'yun ay tapos na. Ico-close na nila 'yung pagpresenta ng ebidensiya nila maliban na lang kung may mga bagong datos o detalye na dapat ipaliwanag, rebuttal evidence 'yun na ipapasok nila. Depensa naman ang magpepresenta ng ebidensiya nila.

Q: Mayroong mga senador na nagsasabi na April 6 o Good Friday ay matapos na lahat 'tong impeachment na ito. Sang-ayon ba kayo sa estimate o tantiya na 'yun?

SP: Ang aking sinabi noon, kung talagang mabilis ang prosekusyon, mahaba na 'yung isang buwan. Kung isinulong nila 'yung walo, hindi matatapos ng isang buwan. Ngayon, kaya pinutol nila. Alam nila 'yun na kung isusulong nila, ay hindi nila makukuha 'yung boto para matanggal 'yung respondent, 'yung Chief Justice, doon sa lima na tinanggal nila. Kaya tinanggal nila para wag na nilang pagpaguran. Iniwan nila 'yung tatlo sapagkat akala nila ay tama na 'yung ebidensiya nila. Totoo 'yun. Tama sila. Prima facie na kung hindi masasagot ng kabila. Pero hindi natin alam ang baraha ng kabila.

Q: Saang punto po sa prosesong ito boboto kayo, malalaman ng tayong-bayan ang resulta ng impeachment na 'to, Mr. Senate President?

SP: Kapag submitted na 'yung kaso. Ibig sabihin tapos na 'yung depensa na magpresenta ng ebidensiya at wala ng maipepresentang rebuttal evidence 'yung prosecution.

Q: Ano pong proseso ang susundan ninyo? 'Yung proseso ng pagdedesisyon ay may caucus ba kayo?

SP: Wala na. Siguro kung gusto ng prosekusyon o depensa na magkaroon ng argumento, ay tig-isang oras sila. Pagkatapos noon, botohan. Wala ng isusulat na desisyon.

Q: Wala na kayong diskusyon?

SP: Wala na. Bawat isa ay huhusgahan 'yung nasasakdal. Bawat isang senador. Bibilangin kung ilang 'yung boboto ng guilty sa nasasakdal at ilan 'yung boboto ng not guilty.

Q: Marami na pong lumalabas na balita kung ilan ang kailangan para maabswelto o maging guilty...

SP: Labing-anim na senador.

Q: Dapat labing-anim 'yung bumoto na guilty?

SP: Oo. Hindi mo mababawasan 'yun. Two-thirds of all, lahat ng 24 na posisyon ng senador.

Q: Walang tie dito?

SP: Kahit may bakante, 16 pa rin. Hindi mo mababago 'yun.

Q: Kapag hindi naabot 'yung 16, abswelto?

SP: Abswelto.

Q: Paano ba 'yung pagboto nito, kayo bilang Presiding Officer, sasabihin ba ninyo, ok, pagbobotohan natin ang Article 2?

SP: Pagbobotohan natin ang Article 2. Babasahin natin ang pangalan alphabetically. Ako ang huli.

Q: Itataas nila ang kamay nila? Papaano?

SP: Hindi. Bibigkasin mo 'yung guilty or not guilty.

Q: Isa-isa sila. Sasabihin guilty.

SP: Walang kaduda-duda 'yun.

Q: At malinaw na malinaw. Klarong-klaro.

SP: Hindi pwede 'yung whisper lang. Kailangang isigaw para marinig ng buong mundo.

Q: Anong araw po maguumpisa 'yung depensa sa tinatakbo ngayon?

SP: Baka bukas. Posibleng bukas maumpisahan na nila. Baka mamaya pagkatapos ng kanilang cross-examination, umpisahan na nila. Maganda diyan kung haharap si Chief Justice Corona sapagkat sa aking paningin, doon natin maririnig kung ano ang katotohanan dito.

Q: Ano po ba ang kaibahan kung humarap siya at 'yung mga abogado na lang niya ang magpresenta ng mga ebidensiya at testigo?

SP: 'Yung mga abogado, kailangan ng testigo. Walang ibang makapagpapaliwanag sa mga bank accounts kung hindi si Chief Justice lang sapagkat siya ang nakapangalan doon. Kung hindi sa kanya o bakit hindi niya naisama sa SALN.

Q: Kung haharap po si Chief Justice ay pwede rin siyang tanungin ng prosekusyon?

SP: Pwede. Pwede ring tanungin ng mga senador. Kailangan icross-examine ng prosecutor. Doon natin makikita ang gilas ng bawat isa.

Q: Ang sinasabi niyo ba, makakabuti sa proseso kung si Chief Justice ang sasagot?

SP: Makakabuti sa kaso ng Chief Justice pati sa proseso pati sa bansa.

News Latest News Feed