Press Release
June 5, 2012

Nueva Camarines Bill tinalakay ng Senado

Masusing tinalakay noong Mayo 31 ng Senate Committee on Local Government, na pinamumunuan ni Sen. Ferdinand R. Marcos Jr., ang House Bill 4820 na naglalayong lumikha ng bagong probinsiya na kukunin mula sa Camarines Sur.

Sa isinagawang ikalawang pagdinig para sa panukalang batas, nilalayon nito na pagsamahin ang ika-apat at ika-limang distrito ng Camarines Sur para makalikha ng bagong probinsiya na tatawaging Nueva Camarines.

Pangunahing awtor ng nasabing panukalang batas si deputy speaker at Camarines Sur fourth district Representative Arnulfo Fuentebella. Sina Representatives Luis R. Villafuerte, Diosdado "Dato" Arroyo, at Rolando Andaya naman ang mga pumirma bilang co-authors.

Ayon kay Rep. Fuentebella, ang panukalang batas ay makakatulong ng malaki sa mga residente ng probinsiya hinggil sa larangan ng maayos na pamamahala at mahanapan ng solusyon ang nararanasang kahirapan ng probinsiya lalo na sa mga liblib na barangay nito.

Kumpiyansa si Fuentebella na ang binubuong bagong probinsiya ay lilikha ng positibong pananaw para sa mga residenteng naghahangad ng pagbabago, progreso at pag-unlad.

Sakaling maisabatas ang HB 4820, ang probinsiya ng Nueva Camarines ay bubuuin ng mga bayan ng Baao, Balatan, Bato, Buhi, Bula, Caramoan, Garchitorena, Goa, Lagonoy, Nabua, Presentacion, Sagñay, San Jose, Siruma, Tigaon at Tinambac.

Ang bayan ng Tigaon ang ipinapanukala na maging kapital ng Nueva Camarines, habang ang magiging kapitolyo nito ay posibleng itayo sa siyudad ng Iriga o di kaya sa alinmang munisipalidad na sakop ng First Legislative District ng Nueva Camarines kung saan pagdedesisyunan ng mayoryang miyembro ng sangguniang panlalawigan batay na rin sa probisyon ng magsisilbing host na local government unit.

Gayunpaman, ang panukalang batas ay nahaharap sa mga negatibong reaksyon at pagtutol. Isa na rito si Camarines Sur Governor L-Ray Villafuerte.

Sa pahayag ni Villafuerte, ikinatwiran niya na ang HB 4820 ay walang kuwentang panukalang batas dahil kontra ito sa itinatakda ng Local Government Code of 1991 dahil sa kawalan ng konsultasyon at malalimang pag-aaral.

Binanggit naman nina Senators Antonio Trillanes at Gringo Honasan ang isyu ukol sa babawasang Internal Revenue Allotment sa maaapektuhang probinsiya dahil sa paglikha ng Nueva Camarines.

Tiniyak naman ni Rep. Fuenteballa na ang panukalang batas ay sumusunod sa legal na rikisitos para sa paglikha ng bagong probinsiya base sa isinasaad ng Local Government Code of 1991. Ang mga kailangan para dito ay ang sumusunod: ang pagkakaroon ng average income na hindi lalampas sa P20 milyon, populasyon na aabot sa 250,000 at land area na aabot sa 2,000 square kilometers.

Dinagdag pa ni Fuentebella na ang dibisyon sa pagbuo ng bagong probinsiya ay mapapanatili ang first-class classification ng Camarines Sur at Nueva Camarines.

News Latest News Feed