Press Release
November 29, 2012

Mensahe ni Senador Loren Legarda
A Day of Prayer

Infanta Social Center, Infanta, Quezon,
29 November 2012

Isa pong karangalan ang maimbitahan sa mahalagang pagtitipong ito kung saan ginugunita natin ang trahedya na nagdulot ng maraming aral.

Hindi lamang naging mas madalas ang pananalasa ng mga kalamidad sa ating bansa; bagkus, ang mga ito ay naging mas nakamamatay pa. Ang mga negatibong epekto ng pabagu-bagong panahon o climate change ay nagpalakas sa mga bagyo, nagpapataas sa lebel ng tubig ng mga dagat, at nagdudulot ng mas nakapipinsalang tagtuyot.

Ayon sa 2013 Global Climate Risk Index, ang Pilipinas ay pang-apat (4th) sa isangdaan at siyamnapung (190) bansa sa buong mundo na nakaranas ng pinakamatitinding sakuna, tulad ng pagbaha at bagyo, sa nakalipas na dalawampung taon.

Marami tayong karanasan na magpapatunay nito. Noong taong 2009, ang mga bagyong Ondoy at Pepeng ay pumatay ng halos isang libong Pilipino at nakaapekto sa halos dalawang milyong pamilya. Nawala rin ang 2.7 porsyento ng ating Gross Domestic Product.

Noong 2011 naman, ang mga bagyong Pedring at Quiel ay naminsala sa halos tatlumpu't limang (35) probinsya sa Luzon, pumatay ng siyamnapu't limang (95) katao na karamihan ay mga bata, nakaapekto ng walong daan libong (800,000) pamilya, at nagdulot ng pagkawala ng 13.9 bilyong piso sa agrikultura at imprastruktura.

At nitong taon, ang hanging habagat ay naminsala sa Metro Manila at karatig-bayan ng halos isang linggo. Hindi rin nakatakas ang ating mga kapitbahay sa Asya sa mga kalamidad na ito. Ang Cambodia, Thailand, Pakistan, at Beijing ay pare-parehong nakaranas ng mga baha, na matatawag na pinakamalala sa kanilang kasaysayan.

Ngunit kayo rito sa Infanta, Quezon ay may sariling karanasan sa mapaminsalang dulot ng pagkasira ng kalikasan at pagbabago ng klima. Ang karanasang ito ay nagpabago sa inyong mga buhay at pamumuhay, at narito tayo ngayon upang gunitain ito.

Noong 2004, ang mga baha at pagguho ng lupa na dulot ng bagyong Winnie ay pumatay sa higit 1,600 katao. Alam ko na hindi pa lubos na naghihilom ang sakit ng kawalan na nadarama ng napakarami sa inyo.

Kasabay ng pag-alala natin sa mapait na karanasang iyon ay ang pagbangon at panibagong paninindigan upang siguruhing hindi na natin muling sasapitin ang kalunos-lunos na kapalaran.

Kailangan nating gawing matibay ang ating bansa laban sa mga sakuna upang hindi tayo lubos na mapinsala, at hindi na rin gumastos pa sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga gusaling nasira. Ngayon na ang panahon upang umaksyon, at ito ay simulan natin sa ating mga barangay.

Ipatupad natin ang mga batas, ang Clean Air Act, Clean Water Act, Solid Waste Management Act, at Renewable Energy Act nang mabawasan naman ang pinapasan ng ating inang kalikasan. Siguraduhin natin na hiwalay ang mga nabubulok sa di-nabubulok, na sumusunod sa mga pamantayan ang ating mga pribado at pampublikong sasakyan, at ang mga basura ay naitatapon sa tamang mga lugar. Suportahan natin ang mga makabagong uri ng transportasyon na hindi naglalabas ng usok at iwasan na rin natin ang paggamit ng plastik at styrofoam na nakababara sa ating mga estero at kanal.

Ipatupad rin natin ang Climate Change Act at ang Disaster Risk Reduction and Management Act, at himukin ang mga lokal na opisyal na sumunod sa mga naitakdang paghahanda laban sa mga sakuna.

Ang kailangan lang po natin ay ang pagtutulungan upang hindi na natin kailanganing mangamba sa tuwing may paparating na bagyo, lindol, o iba pang uri ng mga panganib. Ipagpatuloy po natin ang ating mga nasimulan, at humanap ng mga makabagong paraan upang mapabuti ang lahat ng mamamayan. Kailangan natin siguraduhin na sa susunod na pagsubok na dala ng pabagu-bagong panahon at kalikasan, wala nang dapat mamatay, walang tahanan ang dapat masira, at wala nang kabuhayan ang dapat mawala. Panahon na para iligtas natin ang isa't isa.

Maraming salamat at isang magandang araw po sa inyong lahat.

News Latest News Feed