Press Release
February 14, 2013

Transcript of Radyo Inquirer interview with Sen. Chiz

STATION: Radyo Inquirer
ANCHOR: Jake Maderazo
Interview with Senator Francis Escudero

MADERAZO: Sir, magandang umaga po sa inyo, Senator.

FGE: Jake, magandang umaga sa iyo, sa ating mga listeners ng Radyo Inquirer, magandang umaga po, good morning.

MADERAZO: Opo, magandang umaga sa inyo and how's your morning, Sir?

FGE: Maganda, Jake at Happy Valentine's sa inyo at sa ating mga listeners. (Laughs)

MADERAZO: (Laughs) Kamusta pala yung Valentine's mo ngayon?

FGE: Maganda naman. Maayos. Sana masaya at well, maliban sa Valentine's Day kasi birthday din ng aking kasintahan so konting oras muna para dun.

MADERAZO: Wow! Grabe naman pala talaga. So anong plano n'yo ba ni Heart mamaya?

FGE: Well, kakain lang siguro Jake kasama ang ilang kaibigan at pamilya.

MADERAZO: Anong oras ito, boss? Mamayang gabi ba ito o mamayang hapon?

FGE: Mamayang gabi.

MADERAZO: I see. Well, talaga bang serious na ba dyan kayo ni ano, ni... (Laughs)

FGE: (Laughs)

MADERAZO: May pag-asa na ba yan?

FGE: Akala ko hindi ito ang pag-uusapan natin? (Laughs)

MADERAZO: Hindi syempre Valentine ngayon. (Laughs)

FGE: Well, sana. Wala naman sigurong pumapasok sa isang relasyon na hindi n'ya balak seryosohin, na hindi s'ya seryoso tungkol dun.

MADERAZO: Pero syempre mamaya pupunta ka pa sa sortie ng ano... May sortie pa yata ang Liberal Party dyan sa may Laguna, ano?

FGE: Well, gaya ng nasabi ko, nagiging issue po yun at siguro naman walang makikipag-away sa'kin sa araw na ito Jake dahil Valentine's naman ngayon at hindi naman siguro dapat pulitika ang ginagawa at kinakain natin ng agahan, tanghalian at hapunan.

MADERAZO: Pero sa ngayon, alam mo, para kayong nag-uumpugang bato nito dahil sabi nga natin ay Chiz Escudero, iba yan. Pero yung bang issue po ng proxy, ano bang paliwanag n'yo doon? Proxy sa rally ng UNA? Ano bang side ninyo doon? Bakit wala kayong pinadalang proxy?

FGE: Una, walang sinabi si Cong. Tiangco sa akin tungkol sa proxy-proxy na yan. Pero hindi ko po s'ya masisisi, ano? Dahil nasa labas ako ng bansa noon at bumalik ako a-dose na ng Pebrero. Pangalawa, yung huling usapan po namin, sabi n'ya okay lang daw ang video message. Ngayon kung anu-ano na po ang sinasabi bigla tungkol sa pagmamaliit ko daw dahil video message lang daw ang pinadala ko. S'ya po ang nagsabing sa palagay n'ya okay lang yun at sa kanya okay lang din yun. Pangatlo, Jake, hindi tulad ni Sen. Legarda, wala na po akong ama. Hindi tulad ni Grace Poe, five years old pa lamang po yung mga anak ko. At hindi ko po ugali na pinapakialaman at pinanghihimasok ang pamilya ko sa pangangampanya o sa pulitika. Parang yung tatay ko lamang po yan noon. Sa katunayan, bilang halimbawa, una akong nakatapak sa Kongreso noong ako na ay congressman. Buong panahon na s'ya ang congressman sa siyam na taon, hindi po ako nakaapak o nakapasok ng Kongreso. Ganun po siguro kami na pinalaki.

MADERAZO: Pero papano po yun? Ibig sabihin, merong sinasabi sa pahayagan na nire-require daw kayo na umattend sa UNA nitong si Vice Pres. Jejomar Binay?

FGE: Alam mo Jake, naguguluhan ako sa mga pahayag tulad ng ganyan ni Vice Pres. Binay, gayundin ni Pangulong Estrada dahil alam naman nila at kilala nila na hindi ako isa sa mga naniniwala sa rally. Isa sa mga naniniwala sa tradisyunal na paraan ng pangangampanya, tulad ng mga rally. Kung hindi ka kasi kakanta, magsasayaw, magpapatawa; kung wala kang kasamang artista o (inaudible) ay hindi ka naman po mapapansin sa rally. Alam po nila yun gaya nung 2007 nung magkakasama kami sa GO, dalawa o apat na rally lamang yata ang inattendan ko nung kampanyahang yun. At maski na nung 2010, yan din po ang ginawa namin nung ilang mga panahon na magkakasama kami ni Vice Prs. Binay na nangangampanya noong 2010. Kaya nagugulat po akong biglang hindi nila alam at maintindihan. At biglang pinipilit akong gawin ang isang bagay na ni sila hindi po ginawa noong panahong magkakasama kami. Dagdag pa siguro dyan Jake, isang rason kung bakit hindi ako pumapasok o sumasali sa anumang partido e mula sa mas malaya ko pong pagkakatayo na walang nagdidikta, mas nagagampanan ko po ang aking tungkulin. Ngayong independiente ako, ngayon pa po ba ako didiktahan kung ano ang pwede at hindi ko pwedeng gawin? Kung ano ang dapat at hindi ko dapat gawin?

MADERAZO: Alam n'yo po...

FGE: At yung isama ko po yung nanay at kasintahan ko kaugnay sa mga dapat kong ipagawa o obligahing gawin, hindi naman din po siguro tama yun.

MADERAZO:: So sinasabi ninyo, kayo'y independent candidate as far as you're concerned, tama po ba yun?

FGE: Hindi po as far as I'm concerned. That is as per the COMELEC. That is as per the law. Dahil yan naman po talaga ang sitwasyon mula nung nag-resign ako sa Nationalist People's Coalition noong 2009.

MADERAZO: So independent talaga kayo?

FGE: Opo.

MADERAZO: Okay. Anyway, may mga pagtatalo po kasi. Ang sinasabi po ng... Kasi malaking deperensya po dahil administration candidate at saka guest candidate. As far as Drilon is concerned, administration candidate daw kayo at guest candidate sa kabila. Hindi ko alam kung ano ang pananaw ng UNA. Sila ba'y opposition candidate o guest candidate ng administrasyon? Pwede po bang pakipaliwanag lang samin kung ano ang pananaw ninyo sa issue na yun?

FGE: Well, administrasyon naman po talaga ako dahil sinusuportahan ko. Pero matanong din kita Jake, isyu ba 'yun? Ang sabi ng UNA, hindi naman din sila oposisyon, administrasyon din naman daw sila. So hindi ko po alam kung bakit pinagtatalunan nila 'yun. Kinampanya ko at binoto ko at sinuportahan ko si Pangulong Aquino, suportado ko ang administrasyon niya at tumatakbo ako kapiling at kasama ang kanyang slate bilang isang adopted candidate dahil nga hindi naman ako miyembro ng Liberal Party. Pero hayaan niyo na lamang na sabihin ko ito, nagpapasalamat ako sa lahat ng tulong, sa pagsuporta na binibigay sa akin ng anumang grupo. Maliban sa LP, maliban sa UNA, inadopt din po ako ng Makabayan Party, gayundin ang Centrist Democratic Party at iba't-ibang grupo at nagpapasalamat ako dun. Wala po ako sa lugar na mag-demand. Wala ako sa lugar na mag-impose ng kung ano man po ang gusto ko dahil kaming ginagawaran lamang ng tulong, wala naman po sigurong karapatang magalit o mainis. Ginagalang at tinatanggap ko kung anumang desisyon at pasya kabilang yung pagbaba ng posters o anumang gagawin po nila kaugnay sa kanilang pagsuporta at pagtulong sa akin. Wala ako sa lugar na humiling ng sobra o dagdag pa na pwede at kaya at gusto nilang ibigay.

MADERAZO: So ang sinasabi niyo sa akin, kayo ay independent candidate sa Comelec pero you consider yourself an administration candidate pero kayo po ay adopted candidate o guest candidate lamang ng ibang partido kasama na ang UNA?

FGE: Tama po yun at ulitin ko Jake, sinabi na ba ng UNA na oposisyon sila?

MADERAZO: Hindi, ako po ang nagsabi 'nun. Kasi ang labanan kasi administrastion candidate, guest candidate o opposition candidate siguro and then guest candidate parang ganun po ang dating 'nun syempre may kalaban eh.

FGE: Well ang pananaw ko po 'nun ay guest candidate po kami ng mga partidong sumusuporta sa amin at nagdadala ng aming kandidatura. Adopted man o guest man o bahagi man ang tawag, bahagi po kami sa sinusuportahan nila at pinasalamatan at nagpapasalamat po kami tungkol dun.

MADERAZO: So meron po ba kayong mensahe kay Toby Tiangco o sa UNA?

FGE: Kanino Jake?

MADERAZO: Kay Toby Tiangco tsaka sa UNA regarding this kasi, meron ba kayong gustong sabihin sa kanila para maintindihan nila at ng taong bayan sa inyong posisyon sa isyu na yan?

FGE: Maliwanag naman po ang aking posisyon ko sa kaugnay nyan. Nagpapasalamat ako sa tulong nila, malaking bagay para sa akin 'yun. Hindi ito dahilan para may hindi pagkakaintindihan, dahil sa labas ng mga salitang binibitawan sa media, maayos naman ang aming usapan o nagkakaunawaan kami. So kung may sasabihin at ipaparating man ako Jake, siguro diretso o direkta na rin at hindi sa pamamagitan ng media dahil may ugnayan at magkakaibigan naman po kami. Lalo na ngayon Jake araw ng mga puso, hindi ito ang panahon para magtalo, hindi ito ang panahon para makipag away, panahon ito para magkasundo at magmahalan. Hayaan nalang natin sa araw na ito.

MADERAZO: Okay lang na tanggalin ang poster niyo? Okay lang sayo 'yun?

FGE: Again, gaya ng nasabi ko, kaming humihiling lamang ng tulong, kaming ginagawaran lang ng tulong at suporta, wala po ako sa posisyon na mag demand, wala ako sa posisyon na mag impose ng klase, uri at lahat ng tulong na ibibigay nila. Parang pagtulong ko rin naman po yun, kung ano po ang kaya kong ibigay, yun lang din po ang ibibigay ko. 'Yun din po ang aking expectation, nirerespeto ko, wala akong sama ng loob at ginagalang ko sa desisyon ng UNA kaugnay sa nangyaring rally sa Cebu at nangyaring rally nila sa Bohol at sa mga susunod nilang rally o magiging pasya. Gagalangin ko po palagi 'yun at wala akong karapatang sumama ang loob ko sa mga bagay na 'yun.

MADERAZO: In the meantime, I wish you a Happy Valentines with, ang ka-valentine niyo nanay niyo siguro at tsaka si Heart?

FGE: (laughs) Siguro nasa edad na ako, hindi na kailangan na may chaperone pa. (laughs)

MADERAZO: Okay, maraming salamat sayo Sen. Chiz Escudero.

FGE: Sa muli Jake. maraming salamat. Sa muli, magandang umaga sa inyong lahat.

News Latest News Feed