Press Release
March 21, 2013

RESPETO AT PANGUNAWA, HILING NI CHIZ SA PAMILYA NI HEART

Hiwalay ang personal kong buhay sa trabaho ko pero pilit pinapasok ang personal kong buhay sa trabaho ko. Hangga't maaari, ayaw ko sanang magsalita tungkol dito pero nadadamay na ang mga anak ko. Medyo may isip na sila at ayaw kong dumating sa puntong kakantyawan sila ng mga kaklase nila tungkol dito. Nadadamay na rin ang Nanay ko. Kamamatay pa lang ng Tatay ko at parang pinapalabas na hindi ako pinalaki ng maayos at hindi rin akong tinuruan ng magandang asal. Pilit kong iniintindi at inuunawa ang mga magulang ni Heart pero hindi na tama ang ginagawa nila sa akin. Hindi na rin tama ang ginagawa nila sa amin. Hindi na rin tama ang ginagawa nila sa anak nila.

Tatay din ako, parent din ako, mahal ko din ang mga anak ko. Pero hindi ako mandadamay, mananakit at maninira ng kapwa sa ngalan ng pagmamahal ko sa aking anak. At kung mayroon man akong deperensya kung saka-sakali sa mga anak ko, hindi ko isasapubliko. Hindi ako magpapa-presscon, hindi ako mandadamay ng ibang tao.

Bago nangyari ang lahat ng ito, masaya at maayos at walang problema ang samahan at relasyon at ugnayan namin ni Heart. Mabait siya, matalino, masayahin, masarap kausap.At malaki syempre ang epekto nito sa kanya. Nasasaktan siya, nalulungkot, at hindi natin siguro masisisi 'pag ganun ang nararamdaman niya.

Tama ang sinabi ng isang kolumnista, malayo naman talaga na mas mayaman at mas maraming pera ang mga magulang niya kumpara sa akin, tama din marahil ang sinabi ng magulang niya: hindi ko kayang tustusan 'yung luho , 'yung buhay na binibigay nila sa anak nila. Pero kung ano man ang meron ako, sapat 'yun para sa akin. Pero kahit gaano karami siguro ang pera nila, hindi naman siguro lisensya 'yun para maliitin ang sinuman, o yurakan yung katauhan ko at naapektuhan din ang pamilya ko.

Wala akong ipinakita o ginawang masama kay Heart, sa mga magulang niya . Alam nila 'yun, lahat ng ito, lahat ng ginawa at sinabi nila, lahat ng gagawin pa nila, o sasabihin pa nila, iisa lang naman ang dahilan, rason at puno't dulo, nanggaling naman sa kanila: gusto nila kaming paghiwalayin, gusto nilang maghiwalay kami.

Nasasaktan si Heart dito, mahal na mahal kasi niya ang kanyang mga magulang pero nasa edad na si Heart. Walang pwedeng magdikta, manghimasok sinuman kung ano ang gagawin at hindi niya gagawin at kung amo ang sasabihin at hindi niya sasabihin, may sarili na siyang pag-iisip at kaisipan .

Sana kung ano man ang pasya niya, igalang nating lahat, pati ako. Mahal ko siya pero maliwanag naman na matindi itong pinagdadaanan namin. Masakit siyempre, sana huwag nang sawsawan ng ibang tao. Sana huwag nang gamitin ng ibang tao pa ito dahil may mga taong nasasaktan. Sana hindi gamitin ito dahil panahon ng halalan ngayon, pero maging ganun pa man, maski ako na, huwag na lang siya. Sorry kung kailangan kong magsalita, paumanhin kung kailangan kong magpaliwanag ngayon pero medyo sobra na rin, at sana tama na. Sana kung ano man ang gusot na ito maayos at sana hindi na masyadong madami pang madamay at masaktan sa mga nangyayari. Dalangin ko sana malagpasan itong pagsubok na aming dinadaanan, ng aming samahan. Siguro panahon na lang ang makakapagsabi. Maraming salamat.

News Latest News Feed