Press Release
July 8, 2013

Transcript of interview in the Senate

Sa isyu ng pagpapataw ng income tax expenses sa mga consumer

Tulad nga nyan at ng iba pang natural monopolies dapat tinututukan at binabantayan ng senado, isa ako sa mangunguna sa pagbabantay nyan dahil bilang natural monopoly may tendency talaga silang abusuhin yung market dominance nila at sa dulo maapi ang consumers mismo. Maliwanag maraming umalma dahil hindi naman tama na ipasa itong mga gastusing ito na kasama na dapat at binabalikat nila na bahagi ng serbisyo nila.

Inquiry na isusulong?

In fact nagfile na si Senator Recto, kinatigan namin yung naifile nyang resolusyon at sasamahan namin si Senator Recto sa pagtingin at pagbusisi ng bagay na ito. Hindi tulad halimbawa kasi ng power companies na mayroon kang ERC na lahat ng sinisingil ng electric coops, ng distribution utilities dumadaan yan sa ERC, subalit pagdating sa tubig walang parehong sistema, walang parehong ahensiya ng pamahalaan na tumitingin sa kanilang sitwasyon.

Pero di ba sir mayroong MWSS?

Hindi pareho yung istraktura eh. In fact magulo pa yan mayroon kang isa-isang water districts sa kada lugar na semi-private, semi-government na may kanya-kanyang ginagawa at ni hindi nag-uusap-usap minsan sa pagitan ng ibat-ibang mga munisipyo at siyudad sa bansa, rason para hindi rin maging optimal yung paggamit natin ng tubig at sources ng tubig.

Sabi ni Senator Enrile hindi na kailangan ng hearing o ng inquiry kasi wala rin namang magagawa yung Kongreso kasi nasa kontrata naman ng MWSS at ng mga water concessionaires.

Again, ang paghearing hindi lamang naman sa pagbabago ng kontrata, ang hearing ay pagkakaroon ng pagkakataong malaman kung kailangang magfile ng panukalang batas para ito ay matutukan at maregulate. Kung may mga structures na kinakailangan para mabigyan ng karapatan ang gobyernong manghimasok sa ganitong mga sitwasyon. Tulad nang sinabi ko kapagka may monopoliya o market failure tama at dapat lamang na may kapangyarihan ang gobyerno na manghimasok at makialam.

Hindi concessionaires ang dapat mag-explain kundi ang MWSS kasi sila yung agency and it allowed sa kontrata.

Pareho, lahat naman sila ipapatawag, hindi naman namin sinasabing ang concessionaires ang may kasalanan o sila ang dapat sisihin, maliwanag lamang na mali ito at iimbestigahan ito ng senado para malaman ang puno't dulo.

Sa ngayon sir sino sa tingin nyo ang dapat mag-explain, yung Maynilad at Manila Water?

Both, the two concessionaires, all the relevant agencies in so far as this issue is concerned para mapag-usapan, again hindi ito question ng sisihan, hindi ito question ng ipitan, question ito ng pag-alam ng puno't dulo, bakit nagkaganyan at ano ang solusyon para hindi na yan mapasa sa ating mga consumers.

Pero ang sinasabi ng dalawang concessionaires MWSS ang nagdraft non ng kontrata so parang pinayagan nila before noong Lopezes pa now na iba na yung may-ari, parang biglang ayaw nila.

Hindi naman sa ayaw nila siguro, again itong mga bagay na ito nalaman namin ngayon lang, kung anuman ang sinasabi nila sabihin nila sa hearing. Ang pagkakaiba ng camera sa hearing, ang camera hindi nila kailangang panumpaan yon, dito sa hearing pawang katotohanan ang dapapt sabihin nila dahil susumpa sila sa batas.

Yung Cha-cha daw tiyak na lulusot pag-inendorse ni PNoy, napapanahon ba yung Cha-cha?

Sinabi ko na dati pa, hindi panahon sa second half ng term ng sinumang administrasyon ang Cha-cha, nagsalita na rin si Pangulong Aquino, hindi nya ito priority at nagagampanan at nagagawa naman nya ang nais nyang gawin sa ilalim ng kasalukuyang saligang batas. Kakatapos pa lamang ng eleksyon kung saan maraming bangayan at hidwaang nangyari, gusto pa ba nila itong huling bahagi ng termino ni Pangulogn Aquino eh bangayan na naman ang mangyayari, tumutok naman tayo sa problema, sa trabahong aming ginagawa kaugnay ng ekonomiya.

Sa SONA ano yung ini-expect nyong sasabihin ng Pangulo o may gusto ba kayong sabihin ng Pangulo?

Hindi para sa akin bilang mambabatas na idikta ang sasabihin ng Pangulo, pagkakataon yan para sabihin ng Pangulo ang nasa isip ng executive branch at ng nais nilang gawin ng Kongreso sa darating na taon. Ang bahagi ng SONA naman palagi at inaasahan kong palaging sasabihin ng sinumang Pangulo ay ang mga sumusunod: Una ano ba talaga ang tunay na kalagayan ng ating bansa. Pangalawa ano na ba ang narating at ano na ba ang nagawa nitong nagdaang panahon mula nang huling magSONA si Pangulong Aquino. Pangatlo ano-ano ba yung ninanais at gusto ng executive branch na gawin o tutukan ng Kongreso sa papasok na taon. Tatlong bagay lang naman ang dapat nilalaman ng SONA, yung iba siguro palamuti na lamang yon at dagdag na lamang yon, basta yung tatlo nandoon, siguro napakagandang SONA at yon ang inaasahan ng ating mga kababayan sa SONA.

Pero ano yung inyong assessment sir?

Again it's not for me to preempt what the President will say, let him deliver his speech based on all the data that was submitted to them.

Yung nakaraan parang obvious na impeachment ang nilalaman, pero ngayon may malaki ba siyang achievement?

Hindi naman, hindi mo kayang tawaran yung pagganda at pagtaas ng ating ekonomiya. Hindi kayang tawaran din yung mga na-achieved at nagawa sa larangan ng impraistraktura matapos linisin yung pagpapatupad at yung pag-iimplement ng mga proyekto hindi lamang ng DPWH pero ng iba't-ibang ahensiya ng pamahalaan. Yung paggamit na lang ng tama ngayon ng pera ng gobyerno at hindi nilulustay lamang. Ilan ito sa mga achievements na hindi pwedeng tawaran ninuman sa administrasyon ni Pangulong Aquino.

Sa House may bagong debate na naman ng divorce do you think sa senate magiging priority din?

I don't know if it will be tackled in the Senate or someone even filed in the Senate. Last Congress walang nagfile sa senado non. I am not for it, sinabi ko na rin noon, mas pabor ako na mas gawing accessible at affordable yung kasalukuyang batas natin kaugnay ng annulment. Ni hindi na nga siguro kailangan ng batas, kailangan lamang buksan ang pintuan ng PAO sa mga annulment cases at pangalawa magprovide marahil ang DSWD o ng DOH ng libreng psychologists na pwedeng magbigay ng testimonya, testigo at payo kaugnay sa mga kaso tulad nito.

May update na ba sa committee discussions?

Wala pa, I think magkakaalaman naman yan lahat. Sa 22 inaasahan namin mai-elect lang muna yun officers ng Senate, meaning the Senate president, pati ng house, the Senate president, the Senate pro tem, the majority leader and concomitantly the minority leader. Yung mga committees papasok siguro yan in the next few days or the following week bago fully ma-organize ng Senado. Ganundin ang House of Representatives. Officers lang muna dahil kailangan yon para makapagSONA ang Pangulo kinahapunan.

Wala kayong backdoor negotiation sa nga committee.

Wala at minsan ko lang nakausap si Senator Drilon at sinabi ko nga sa kanya yung preference ko kaugnay ng committee on education, yon lang ang una at huling usapan namin, it's a preference, it's not a done deal, pagpapasyahan pa yan ng bagong majority matapos formally ma-elect si Senator Drilon as president.

Sino pa yung iba na may gusto sa educ?

Hindi ko alam, wala akong nakakausap na iba.

Yung hearing on water, are you pushing na mangyari sya pagpasok ng 16th Congress?

Pagkatapos maorganize ng Senado. Paano kaming maghe-hearing kung wala pang chairman, wala pang committees, right after maorganize sa senado inaasahan ko na isa yan sa unang tatalakayin, kung saang komite man marerefer ito, kung good government man or government enterprises decision yan ng majority leader at ng presiding officer.

Sino-sino ang ipapatawag?

Lahat ng concessionaires, of course, to find out if they're doing it as well. Again hindi lamang naman sila ang monopoly, lahat ng water districts a buong bansa natural monopolies din sila, wala din naman silang kakompetensiya eh, so maganda ring malaman sa kanila dito lang ba ginagawa o pati sa ibang lugar ng bansa at yung mga regulating agencies natin na may kinalaman sa tubig.

Do you see the need para palitan yung MWSS?

Actually ang panukala at gumagawa na kami ng panukala ngayon na gayahin yung sistema natin sa kuryente sa tubig kung saan kung kulang yung tubig sa isang lugar kaya mong dalhin mula kung saan sobra yung tubig, mala national transmission o national grid, hindi para sa kuryente, para sa tubig sana.

News Latest News Feed