Press Release
November 20, 2013

Interview with Senaor Grace Poe-Bandila

Bandila, November 19, 2013

Ces Drilon: Unang una po senator ano ang inyong reaksyon sa desisyon ng SC?

Sen. Grace Poe: Para sa akin parang nabawasan na rin ako ng tinik at sa tingin ko yung ibang kasamahan ko rin. Mas mabuti na ito para hindi na kailangang pagdebatehan pa kung sino sa amin ang maglalaan ng pondo sa ibang realignment o kung sino sa amin ang magsosoli ng pondo. Para sa akin at para na rin sa mga nakausap ko talaga nga namang parang unconstitutional itong PDAF. Hindi pa man naglalabas ng desisyon ang SC, ito ang naging pasya namin para wala na ring pagdududa.

Q: Pero aminado kayo noong una na talagang isa ito sa mga bagay na kailangan ng isang politiko dahil hinahanapan kayo ng tulong ng inyong mga constituents. So ano ho kaya ang pinakamatinding dahilan kung bakit niyo tinanggihan ang 2014 pork barrel ninyo bago pa man nagdesisyon ang SC?

Sen. Poe: Alam mo Ces, ito kasi ang nakagisnan na at nakasanayan ng marami nating mga kababayan. Pagkakataon na rin ito para matutunan natin talaga kung ano ba talaga ang mandato ng isang senador. Halimbawa, isa na lang itong ehemplo kung ikaw ay kukuha ng pera sa bangko at kailangan mong humiram ng pera, merong loan officers na sumusuri ng iyong aplikasyon at magsasabi kung karapat-dapat ba o hindi, kung ito bang sinasabi ay tama o hindi. Pero mali din naman siguro na ang loan officers mismo ang magsasabi na, 'O sige aprubado ang budget mo pero merong P200-M diyan na pag ni-release ang pera sa'yo, ako naman ang magdedesisyon kung saan ko ilalagay'. Maaaring ilagay sa magagandang proyekto at marami ring natutulungan yun. Pero parang nagkakaroon ng conflict of interest kapag merong lump sum kasi nagiging temptasyon. Kaya para sa akin, marami nga sana tayong matutulungan sa paraan na iyan pero hindi naman mawawala ang pagkakataon na halimbawa ngayon P14.4-B ang mababalik dito sa 2013 budget at magagamit yan kaagad-agad kapag nagkaroon ng supplemental budget hearing para sa biktima ng mga nasalanta hindi lamang ng Yolanda pati na rin ang earthquake at mga nakaraang bagyo pa.

Q: Kayo po ba ay sang-ayon sa suhestiyon ni Senate President Drilon na magkaroon ng supplemental budget para sa mga biktima ng Yolanda at pangalawa ang pangkalahatang epekto po or epekto sa buong mamamayang pilipino ng desisyon ng SC sa PDAF?

Sen. Poe: Yung supplemental budget na yan kung anuman ang naipon dahil hindi nga nagamit yung natitira pang pondo nung 2013 para sa PDAF ay dapat lamang talagang mapunta sa mga pinaka-nangangailangan. Kaya yun ang maganda na natanggal ang PDAF dahil nga mas masusuri nating mabuti kung saan bang proyekto napunta yan. At pangalawa sa tanong mo, ano ba ang epekto nito. Ito ay magsisilbing parang ekspektasyon na rin ng ating mga kababayan na ang ating mga mambabatas ay hindi nandiyan para magpamudmod ng salapi kung hindi gumawa talaga ng mga batas na mas may matagalang epekto para sa kanila. Halimbawa, kung ako ay naniniwala sa feeding program ipaglalaban ko yan, pero sa plenaryo, sa harap ng ibang kasamahan ko. Para kung hindi sila naniniwala, kung sa tingin nila ay hindi karapat-dapat ay makontra nila sa harap din ng ibang tao.

Q: So mas masusing pagpapatibay kung saan mapupunta ang pondo ng bayan, yun po ang inyong gusto?

Sen. Poe: Opo, kaya sana ay maipasa na rin natin ang FOI Bill para mas mababantayan natin kung ano ang nangyayari sa gobyerno.

Q: Marami pong salamat sa inyong panahon Sen. Poe.

News Latest News Feed