Press Release
May 19, 2015

Smugglers, kartel at kanilang padrino dapat parusahan
Smuggling, krimen sa magsasaka at lipunang Pilipino - Senador JV

MAHIGPIT na ipinawagan ni Senador Joseph Victor G. Ejercito na kailangang parusahan ang mga smugglers sa sektor ng agrikutura hindi lamang para sa mga magtatanim kundi para sa ikabubuti ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi ito ni Senador Ejercito, sa pagpapatuloy ng public hearing ng Committee on Agricuture ngayong araw upang talakayin ang rice at agricultural products' smuggling bilang isang porma ng economic sabotage.

"Noong una ay bigas, pagkatapos ang bawang at sibuyas ang ini-smuggle ng mga walang pusong tao sa ating bansa. Kailan pa ito matatapos? Ang smuggling ay krimen sa magsasaka at lipunang Pilipino. Kung may padrino ang mga smugglers at kartel sa sektor ng agrikultural sa loob ng gubyerno, maging sila ay dapat na mabalatan at mabilad sa publiko. Ang malinaw kailangan ng taumbayan ang isang pamahalaaan na kakampi nila at handang magtanggol sa kanila. Pagkain ang pinag-uusapan natin kung kaya't napakaimportante nito para sa bayan," sabi ni Senador Ejercito.

Inirehistro rin ni Senador Ejercito na kailangan nang kagyat na maisabatas ang panukala niyang SB No. 2082 o ang Anti-Rice Smuggling Act. Ngunit dahil sa patuloy na pang-aabuso ng mga smugglers kaniya ring aktibong sinusuportahan ang SB No. 2765 o ang Anti-Agricultural Smuggling upang palawakin na ang sakop ng pagbabawal at pagpaparusa sa ganitong uri ng smuggling.

Si Senador JV ay ang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs at kilalang may adbokasya sa pagsusulong ng sektor ng agrikultura sa bansa.

News Latest News Feed