Press Release
May 27, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q: Ang BBL sa House ay halos nasa finishing touches na sa committee level at ito ay nasa appropriations committee, may ipinasa nang pondo para diyan. Sa Senado po ba, ano po ba ang mga magiging major amendments diyan?

SPFMD: Unang-una hindi ko pa nakikita at wala pang committee report and committee ni Senator Bongbong Marcos, at magkakaroon pa ng isang hearing sa Lunes diyan sa Senado. Kaya hindi ko pa alam, kung ano ang mga particular na amendment ang isasalang ngunit sinisigurado ko po ang aming mga kababayan na hindi po ito lalabag sa Saligang Batas, ang ano mang bersiyon na ipapasa ng Senado.

Q: June 11 po ang target ng Malacanang at ito'y inihahabol ng Kongreso. Sa Senado po ba ganyan din ang gagawin niyo before mag June 11?

SPFMD: Sisikapin po natin, pero hindi po tayo nakakasiguro na maipapasa ito sa plenary by June 11, dahilan po sa ngayon ay mayroong pang hearing si Senator Marcos by June 1. So sana po maisumite po iyan sa lalong madaling panahon at matapos ang hearing at ang committee report, para may pagkakataon ang mga senador na pagaralan ang committee report and kung ano ang mga proposed amendments ng committee on local government.

Q: Sa inyo po bang palagay o sa inyo po bang pakiramdam, majority ng mga kapwa niyo senador ay sumusuporta diyan sa BBL at ito'y ipapasa din kungdi man matapos sa June 11?

SPFMD: Sa akin po ay sa palagay ko ay basta makita ng mga senador na sang-ayon sa Saligang Batas sa BBL ay sususportahin nila ito. Ang majority po ay susuporta basta ang paghain ng BBL ay wala pong labag sa ating Saligang Batas at sang-ayon sa mga prinsipyo ng sovereignty ng ating bansa at kung hindi po tayo magkakawatak-watak dahil sa BBL. May suporta po ang BBL sa Senado.

Q: Pati kayo po ay nagpahayag na sa ngayon ay wala pang sapat na dahilan upang makipagpulong ang mga senador kay Pangulong Aquino ukol sa BBL. Paano kung ipatawag kayo ngayon, tatanggihan niyo po ba? Ilang senador kaya ang dadalo?

SPFMD: Ay siguro mas mainam na hintayin muna natin na maisumite ng local government committee ang report at doon natin malalaman natin kung gaano kalayo ang mga pananaw ng mga senador ukol sa BBL. Ngayon kung hindi naman malayo, pwede na nating himukin at kumbinsihin nang makapaghanap ng middle ground sa mga usapin. Kaya po siguro, pagkatapos natin malaman ang laman ng report kapag naisumite na, at ating makikita na hindi naman malayo ang mga pananaw ng mga senador, ay baka hindi na yan kailangan.

Ngunit kung sa tingin natin ay kailangan natin ng tulong ng Pangulo, ako po mismo ay siguro hihingi ng tulong sa pinakamataas na lider ng ating bansa, na makipagpulong sa mga senador at makita natin kung ano ang common ground; at bagamat kami po ay nagpapasalamat kay Pangulong Noynoy sa kanyang alok na handa siyang makipagpulong sa mga senador, sa aking tingin ay darating din tayo doon. Sana po ay kaya namin na masolve ito, pero wala pong masama kung tayo ay makikipagpulong sa pinaa-mataas na lider ng ating bansa para sa kapakanan ng taumbayan at ng ating bansa.

Wala pong masama diyan at yung mga kuru-kuro na baka daw magkalagayan ay talagang mga ispekulasyon lang po na wala pong basehan sa ating usapin.

Q: At tsaka raw baka mai-"railroad" at ano ba ang kasiguraduhan na hindi bibigay ang Senado?

SPFMD: Alam mo yung mga "railroad," ilang buwan na nating pinag-uusapan itong BBL. Auo-ano ba ang ibig sabihin ng railroad, isang linggo na pinag-usapan? Eh eto po, kung hindi ako nagkakamali, ay Agosto pa o Setyembre pa ito dinala sa Senado, magsi-siyam na buwan na, siguro naman sa ganang habang panahon ay wala nang magsasabi na "railroad" ang tawag diyan.

Q: Yung pong mga kondisyon diyan, tulad ng dapat po ay isuko muna ng MILF ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa Mamasapano encounter. May mga kondisyon diyan na gusto muna masunod bago maipasa ang BBL. Sa panig po ng Senado may mga kondisyon din po ba?

SPFMD: Ang disarmament - o kung ano man ang tawag doon - ay kasama po doon sa peace agreement at yuon po ay kasama sa implementation ng Bangsamoro Basic Law. Kasama po iyang disarmament or whatever you call it - sa proseso ng kapayapaan at kapag nabuo po iyan ay iisa lang ang mayroong dalang armas - yung pulis at armed forces. Wala pong tigalabas na legally can carry firearms.

Q: Papano na ibang pending bills diyan sa Senado na makikinabang ang mga mamamayan? Hindi ba natatabunan?

SPFMD:Ito po ay patuloy. Itong linggo lang ay aming ipinasa ang tinatawag natin an UNIFAST law. Ibig sabihin, yung pag bubuklod ng lahat ng government scholarship programs sa mga kurso sa kolehiyo sa ilalim ng government scholarship program na ang tawag namin ay United Student Financial Assistance System. Yaan po ang sa larangan ng edukasyon.

Sa larangan naman po ng anti-corruption ay pinahaba namin ang prescriptive period para sa mga graft cases. Sa kasalukuyan po kasi ay pagkatapos ng 15 taon ay hindi mo nang iprosecute ang nagkasala sa Anti-Graft Law. Yaan po ay tinaas or pinahabaan namin hanggang 20 taon.

Nasa bicameral conference committee hearing din yung Fair Competition Act, kung saan po it will level the playing field at maalis natin yung mga monopolya sa mga negosyo na nagpapahirap sa ating mga consumers. Nasa bicameral conference committee rin ang tinatawag natin na Cabotage Law na kung saan maibaba natin ng presyo ng transportation of goods between islands in the Philippines o sa mga probinsiya ng ating bansa.

So hindi po namin iyan pinababayaan. Patuloy po ang pagtalakay ng mga panukalang batas ukol sa ekonomiya at edukasyon.

Q: Sa Liberal Party, ang nasa top list for 2016 ay si Mar Roxas. Binabanggit po sa mga tatakbong pagkapangulo ang mga salitang "katapatan," "kakayahan," "karanasan." Pero sa inyo pong version ay binaggit at binigyan niyo ng pansin ang salitang "integrity." Ano po ba ang depinisyon ni Senator Drilon ng salitang "integrity"?

SPFMD: Ang ibig ko sabihin ay wala po dapat na record ng katiwalian, alegasyon na nasangkot sa katiwalian. Importante po sa akin ang integrity. Kaya po sa pagdating ng 2016 ay dapat po paigtingin ng ating pamahalaan ang kampanya para sa voter's education, para po sa ating mga kababayan, lalo na sa mga kabataan o yung mga unang beses na boboto.

Dahilan po iyan sa kaliangan at mahalaga po na maipagpatuloy po natin sa 2016 ang mga repormang nagawa ng kasalukuyang administrasyon. Itong administrasyong ito ay nanalo sa plataporma ng good governance at integridad, at nakita naman natin ang nagawa ng kasalukuyang adminsitrasyon sa ekonomiya.

Napalago at napalawak ang ating ekonomiya di hamak, at itong Linggo ay may lumabas na study ang Moody's na nagsasabi na lumago ang ating ekonomiya sa first quarter by 7.3 percent, ang pinakamataas po sa ASEAN at pangalawa lang sa Tsina sa buong Asya. So ito pong mga reporma na ginawa ng Pnagulong Noynoy sa pamamagitan ng good governance at integrity ay nagresulta sa maayos, at mas maraming trabaho ang nabuo sa limang taong nakaraan.

Marami pa rin tayong problema pero siguro naman, nakita naman ng taumbayan ang ating pagunlad dahil na rin sa mga polisiya na may integridad na ating ginagawa, at ni Pangulong Noynoy.

Q: Mayroon ba kayo na patikim na endorsement sa binabanggit niyo na kandidato sa pagka-Pangulo na may integridad po?

SPFMD: Ang aming kandidato sa partido pagdating ng panahon ay si Mar Roxas. Mar Roxas can stand on his record as a good leader.

News Latest News Feed