Press Release
July 18, 2015

GRACE POE SPEECH AT T'NALAK FESTIVAL

Alam niyo po, ito ang unang pagkakataon na personal akong nagpapasalamat sa inyo, sa inyong suporta noong 2013. Dahil noong 2013 po, ang South Cotabato po ang nagbigay sa akin ng isa sa pinakamataas na boto. Nag-number one po ako dito. Maraming salamat po, mula sa aking puso, at alam ko po na sinuportahan ninyo ako.

Unang-una, dahil hindi ninyo nakakalimutan si FPJ, lalong-lalo na dito sa Cotabato, patuloy pa rin po ninyong pinapanood ang kanyang mga pelikula, kahit sa telebisyon. At pangalawa, marami sa inyo dito ay mga kababayan ko at kababayan ng aking nanay na nagmula sa Bacolod, sa Iloilo, at nagsasalita ng Ilonggo. Kaya para sa akin, ang araw na ito ay napakahalaga. Unang-una, dahil binigyan ninyo ako ng tiwala dahil sa aking mga magulang. Pangalawa, ngayon na kayo ay nag sasama-sama para sa piyesta na ito, ito ang aking pagkakataon para ilahad sa inyo kung ano man ang aking nagawa sa tiwalang ibinigay ninyo sa akin.

Marahil, napapanood lamang ninyo sa telebisyon ang aming mga ginagawa, naririnig sa radio, o nababasa. Ikinagagalak ko po na isa sa mga nagawa namin, kasama ni Sen. Chiz, ay itulak na magkaroon ng pagkain sa paaralan ang mahigit sa dalawang milyon nating mga estudyante dito sa school year na ito. Marami po sa kanila ay mga malnourished na bata at ito po ay aming pinaglaban na magkaroon ng pondo. Pangalawa, yung pondo rin sa mga daycare centers natin para sa mga bata ay amin pong isinulong kaya po ay mapapabigay na rin ngayong school year na ito.

Ngunit hindi lamang po iyon. Ang isa po sa aking ipinasa sa Senado ay ang aking pagkakaroon ng libreng text alerts pag nagkaroon tayo ng national emergency or disasters. Alam naman po natin na hindi po natin matiyak ngayon ang panahon at kailangan mabigyan ng tamang babala ang bawa't isa.

Ngayon, sigurado din po na marami sa inyo ang nakikinig rin ng balita at nakinig ang mga imbestigasyon na ginagawa namin sa Senado. Kasama na po diyan ang paulit-ulit na problema sa transportasyon sa Metro Manila, pero ang isa rin pong mahalagang nangyari--ang Mamasapano--na apektado tayong lahat. Kaya nga po, napakahalaga sa isang lider na magkaroon ng tapang, dahil minsan ang hamon ay dumarating at kinakailangan talaga ay lakasan mo ang loob mo.

Kaya nga po, pag dumadaan po ang BBL sa Senado, gaya nga po ng sinabi ni Sen. Chiz, ang mga probisyon dito ay kailangan nating pangalagaan. Kailangan nating busisiin. Tama, na dapat magkaroon ng pag-asa at kaunlaran sa Mindanao. Pero ang importante sa lahat ay hindi tayo magkakawatak-watak. At ang importante ay bigyan ng sapat na pondo ng gobyerno ang ating mga kababayang ito.

Napakahalaga po, halimbawa, ng suporta sa agrukultura. Suporta sa mga mangingisda. Ang imprastraktura ay makakapaglikha ng maraming trabaho. Maganda nga po ang national roads ninyo dito, pero nasabi rin sa akin ni Sen. Chiz na marami pang kailangang gawin sa mga provincial roads. At dapat, ang gobyerno, ay tutulong diyan.

Alam ninyo po, ang aking puhunan, kaya po ako ay may pagkakataon na maglingkod sa inyo, gaya nga ng sinabi ko, ay ang alaala ni FPJ at ang pagpapalaki sa akin ng aking nanay. Ang akin pong dala-dala ay ang kanilang magandang reputasyon. At ito po ang natutunan k okay FPJ: Unang una, kinakailangan na ikaw ay tapat. Kinakailangan, sa iyong kababayan, ikaw ay tutulong. Natutunan ko rin kay FPJ, kinakailangan ikaw ay matapag. Lumaban ka. Pero wag kang mayabang. At ang natutunan ko naman sa aking nanay ay ang magpakabuti, bilang isang maybahay. Pero ang pagiging maybahay ay hindi lamang manatili sa bahay, kung hindi ay tumulong rin sa iyong kabiyak. Para mapangalagaan ang pamilya.

Ito pong mga bagay na ito ay hindi natututunan sa isang linggo, sa isang araw, o sa isang taon. Ito po ay natututunan magmula noong ikaw ay bata pa. Kaya po, sabi nila, kinakailangan na ang isang lider ay may tamang karanasan at tamang kakayanan. Naniniwala po ako doon. Pero importante rin sa lahat ay ang isang lider na may puso at katapatan sa ating kababayan. Sapagkat balewala po na ikaw ay sobrang matalino kung ang iyong intensyon ay hindi naman para mapabuti ang mga kababayan.

Importante rin po sa lahat na manaig ang batas. Kaibigan man natin o kamag-anak man natin, masakit man sa ating kalooban, kailangan po ang mga nagkasala sa ating bayan ay maparusahan. Sapagkat hindi po tayo matututo at hindi po tayo uunlad kung hindi mapupunta sa atin ang mga nararapat na mapunta sa atin. Ang pera ng bayan ay para sa ating lahat, at ang mga benipisyo ay dapat mapunta sa lahat.

Kaya nga po, ngayong araw na ito, nais ko pong sabihin na lahat tayo tiyak ay may pangarap para sa ating mga sarili. Ngunit mayroon din tayong pangarap para sa ating bayan. Katulad rin po ng T'nalak, isang habi na pinagsama-sama ang iba't ibang kulay at iba't ibang estilo at materyales, para makabuo ng isang napakagandang piyesa. Ganyan din po sa ating bayan. Nagmula po sa isang panaginip ang T'nalak, sa ating bayan, magmumula po sa isang pangarap ang pagkakaroon ng isang maayos, mas masagana, at mas maunlad na bayan. Kasama po ninyo ako rito sa ngalan ng aking tatay na si FPJ at ng mga kasama ninyo dito sa gobyerno.

Maraming salamat po at magandang umaga sa inyong lahat.

News Latest News Feed