Press Release
August 17, 2015

SEN. GRACE POE AMBUSH INTERVIEW

Question: Ma'am nakipag-meeting daw po kayo kay DILG Sec. Mar?

Sen. Grace Poe: Opo, nagkita kami kagabi.

Q: Ano po yung pag-uusap ninyo ma'am at saka po saan? Pwede po yung details ng pinag-usapan?

POE: Kaibigan ko si Sec. Mar, so, matagal na niyang sinasabi na magkita rin kami. Ako naman ay nagpapasalamat na patuloy rin ang aming pag-uusap at bukas ang kanyang pinto sa pag-uusap.

Q: Pinuntahan niya po kayo sa bahay niyo ma'am?

POE: Oo.

Q: How long was the meeting ma'am?

POE: Mabilis lang naman, kasi pagkatapos na ito ng hapunan at gabi, at lahat kami may gagawin pa kinabukasan, pero, marami kaming napag-usapan, kasama na doon yung 2016 at kahit na yung mga personal na bagay.

Q: Pero personal niya kayong tinanong if you can be his vice president?

POE: Personal niya akong official na tinanong. Ngayon, ang sagot ko naman ay salamat sa konsiderasyon, pero ako'y nagpapasya pa sa mga panahon na ito. Alam mo, noong nagkaroon siya ng interview, hindi ba may mga nabanggit din siya na mga Yaya Dub na mga analogies hindi ba? So, yung tamang panahon lamang, dahil ayaw naman natin na mauwi tayo kay Franklin (laughs) Frankie.

Q: Paano po yung pakikipag-usap ninyo po sa kanya, sa inyong pagdidesisyon? Malaking tulong ba yun?

POE: Alam mo, lahat naman ng posibilidad ay pinag-aaralan natin. Ang importante lamang at yun ang napagkasunduan namin pareho, kahit pa noong nag-uusap pa kami kasama ang pangulo, lahat kami ay may pangarap at may mga layunin na nais naming iambag para sa ating bayan. So, pagdating naman sa puno't dulo nito, ano ba ang pwede naming gawin para mas maging epektibo? At yun naman ang magiging gabay ko. Hindi po ito loveteam. Ito po ay kung ano ang makakatulong sa bayan at ayoko pong maliitin ang mga pag-uusap na ganito. Pero ang sinasabi ko lang, bagama't personal na desisyon ito, ang desisyon na ito ay makakaapekto sa mas marami nating kababayan.

Q: May sinasabi po ba si Sec. Mar kung kalian kayo muling magkikita?

POE: Walang eksaktong petsa kung kailan kami magkikita muli. Sabi ko nga sa kanya, marami ka namang ibang pagpipilian.

Q: So, basted nap o si Sec. Mar?

POE: Hindi. Hindi. Ang ibig ko lang sabihin, kasi, bagama't si Sec. Mar ay mapasensya, may mga kasama siya na iba naman ang ikinikilos. So sabi ko, naiintindihan ko na hindi sila pwede maghintay nang matagal lalo na kung mag-oorganisa sila, pero para sa akin naman, hindi din naman siya mawawalan ng kasama dahil ang dami naman nilang pinagpipilian.

Q: May desisyon na po ba kayo?

POE: I don't want to mislead or to give false hopes. Basta ang sinasabi ko at this point, nagdedesisyon pa ako, pinag-aaralan kong mabuti at nasa kanila iyon kung maghihintay sila. Pero ako ay nagpapasalamat na bukas ang kanilang pinto pero hindi ko hinihikayat na maghintay sila kung ito ay labag sa kanilang plano o kanilang loob.

Q: Walang binibigay na deadline si Secretary Mar pero LP daw is imposing September deadline?

POE: Wala naman kaming napag-usapan na mga deadline na ganoon pero ang sinasabi ko nga ay ang deadline lamang ay dapat manggaling sa iyong sarili dahil ikaw yung makakatantsa sa sarili mo kung kakayanin mo ito.

Q: Pero sinabi po ni Secretary Mar na kapag maganda ang intensiyon at kalooban may kinabukasan ang paghihintay?

POE: Talaga naman, totoo din naman iyon. Dahil kapag maganda ang intensyon at kalooban, iisipin mo ay hindi sarili lamang. So para sa akin sabi nga nila, bakit hindi magsakripisyo? Ang pagtakbo, lalo na sa pagkapangulo, ay mas malaking sakripisyo, nakita ko po iyan sa pagtakbo ng aking ama. Pero tatayuan natin kung saka-sakali man, kung sa tingin natin na mas marami tayong kabutihan na maidudulot.

Q: Ma'am may inimpose ba kayong deadline sa sarili ninyo to decide?

POE: Meron.

Q: Kelan po?

POE: Ayoko sasbihin.

Q: Ma'am sino kasama ni Secretary Mar kagabi?

POE: Huwag na nating banggitin sapagkat ito ay pribadong mamamayan na kaibigan namin pareho, pero isa lang ang kasama niya. Pribadong mamamayan, pero hindi huwag na siguro.

Q: On the FPJ Birthday ad:

POE: Oo dahil August 20 ang birthday ni FPJ at kahit sinong Pilipino, na nakapagbigay ng tulong sa kanyang kababayan, minahal ng marami, sa tingin ko po naman ay dapat maalala at ipagbunyi. Iyon po ang aking intensyon dito dahil hindi naman po ako aabot sa puntong ito na may tiwala ng ating mga kababayan kung hindi dahil sa tatay ko.

Q: On the FPJ Birthday ad:

POE: Para sa akin ayokong makalimutan ng ating mga kababayan si FPJ. Kasi para sa akin, lalong-lalo na itong mga hamon na dumarating sa buhay ko, importante na maalala nila na kahit papaano ay napagdaanan din ito ng aking tatay, na sa aking trabaho sa Senado, ang parating nasa likuran ng aking pag-iisip ay kung ano ang kanyang gagawin kung saka-sakaling siya ang nasa pwestong ito. Ang alam ko, maraming pangarap si FPJ para sa ating mga kababayan na nais kong maipagpatuloy.

Q: So August 20 is your self-imposed deadline?

POE: Hindi. Wala akong i-aannounce sa Aug. 20 sapagkat ito po ay birthday ni FPJ, at ang atensiyon po ay sa kanya.

Q: Ma'am posible ba this week yung another meeting po with Sec. Roxas?

POE: Sa tingin ko hindi, dahil napaka-busy rin na niya nag-iikot na siya. Siya ay deklaradong kandidato, so naiintindihan ko ang kanyang mahigpit na schedule.

Q: Ma'am may nag-file kanina sa Comelec, ma'am si Rizalito David ulit, you misrepresented to yourself daw as natural-born Filipino?

POE: Alam mo, wala siyang kapaguran. Pero para sa akin, yung sinasabi niya na ginagawa niya ito para sa bayan, mahirap po kasing paniwalaan yun bagama't kung anuman ang sinasabi niya, ay haharapin ko at tatayuan ko sapagkat hindi po ako naglilihim o nagsisinungaling. Napakasakit po, na sa isang presscon niya sinabi nila sinungaling daw ako sapagkat nilagay ko daw sa father, Ronald Allan Poe, a.k.a. FPJ at sa mother si Jesusa Poe. Dapat daw nilagay ko dun unknown yung parents. Isa naman po yatang panglalait yan, sa mga magulang na nag-adopt ng mga bata. Dapat ba ang itawag ko sa ating mga magulang ay pangalan lang nila sapagkat nagsisinungaling ako kapag tinawag ko silang 'Mama' o 'Papa'? Hindi ba napaka... pang-uuri na po iyan. Ang isa pa, iyan ang sinasabi niyang kasalanan ko, na na sinabi ko ako'y natural-born Filipino citizen. Natural, dahil pinanganak ako dito. Wala namang nakakaalam kung foreigner ang dalawa kong mga magulang, wala pang lumalapit, natural ilalagay kong natural-born. Lahat ng international law na nagsasabi kapag may batang nakita diyan, iyan ay citizen ng bansa na iyon. Gusto ba niya na ang ilagay ko, 'Parent? Republic of the Philippines"?

Q: Ma'am, may idea na ba kayo kung sino ang nasa likod ni Rizalito David?

POE: Marami akong naririnig kung sino nasa likod niya. May mga ibang nagbibigay ng first hand accounts. Nakausap daw, ganun...Dahil para sa akin, sino ba ang magbebenipisyuhan kapag ako natanggal dito? Pero mas lalo nilang ginagawa yan, kapag umatras ang isang tao, sasbaihin nila duwag. Kaya nga ayokong atrasan ito.

Q: Do you think he can do this in his own capacity?

POE: Unang-una, tinanong siya. Sino ba nagbigay sa iyo ng filing fee? Ang unang niyang sagot sa isang daytime show, sinabi niya, hindi ko pwedeng sabihin dahil mga pribadong mamamayan po sila. Sa tingin ko doon pa lang magdududa ka na. Kasi kung naniniwala ka sa isang adbokasiya at wala kang masamang intensyon bakit ka matatakot ilabas? Siguro bukas o kinabukasan sabihin nya, ito ang mga taong nagbigay. Too late. Dapat sa umpisa pa lang malinaw at transparent niyang sinabi kung sino. At isa pa, binasa naming yung fina-file niya at parang mayroon talagang nasa likuran noon.

Q: Ma'am ni-raise ninyo po ba ito kay Sec. Mar? Kasi bali-balita po na taga-LP ang gumagawa nito?

POE: Sinabi ko naman sa kanya. Sinabi ko sa kanya, sa total, tayo kapag nag-uusap tayo diretsahan tayo mag-usap, pero may mga tao kayo na talagang tinitira ako sa likod. Alam ko yun sapagkat nakakarating sa amin kung saan-saang mga venues, sa power one, kung saan-san. Handa naman kami sa legalidad dito. Pero hangga't sinusuyo ako, pero kabakligtaran naman ang ginagawa nung iba, ano ba naman yun? Pero ako hindi kasi, hindi sa panunuyo. Para sa akin ang paninindigan sa bayan. Kahit na ang panunuyo ay napakatamis.

Q: So, basted na po talag si Sec. Mar?

POE: Hindi. Ang sinasabi ko lang ay generally, kahit napakatamis ng pagsuyo, nasa puso pa rin ang pagdedesisyon kung ano ang nararapat.

Q: Ma'am did you ask him, to stop?

POE: Sabi niya, ang pagkakaalam niya hindi galing sa kampo niya. Pero hindi ba may mga sinasabi na mapakla raw ako dahil nga hindi pa ako hinog. Galing naman iyan sa kampo nila, okay lang kasi ang manibalang may halong tamis at asim. So kailangan din natin.

Q: Pero wala siyang commitment, na to tell them to stop?

POE: Sabi niya, hindi nga niya papayagan iyon. Kabilin-bilinan din ng pangulo na kami ay magkasama dito sa layunin sa ating mga kababayan, huwag magsiraan, itaas ang libel ng diskurso. Kaya nga kapag nag-uusap, ang mas magandang pag-usapan ano'ng gagawin mo para dumami ang trabaho? Ano'ng gagawin mo para matanggal ang bara sa EDSA? Ano'ng gagawin mo para ang mga magsasaka ay magkaroon ng tulong sa kanilang mga pananim?

Q: Ma'am comment lang po sa fun run na ginawa nitong weekend to convince you to run.

POE: Naku, doon sa mga nag-fun run maraming-maraming salamat. Alam mo unexpected, hindi ko talaga alam. Pero nung nakita ko gumawa kayo ng oras nung Linggo o Sabado, para magsama-sama kayo. Hindi lamang para itulak ako, pero dahil gusto ninyong makialam sa kinabukasan ng ating bayan. Ito po'y nakatataba ng puso, maraming maraming salamat po.

Q: Nakakatulong po ba ito?

POE: Siyempre nakakatulong iyon.

Q: Ma'am si Rizalito David wala kayong balak mag-file ng kaso?

POE: Ayokong aksayahin ang oras ng ating mga institusyon para dito. Ako'y nagpapasalamat sa kanya dahil inilalabas niyo ito, at nabibigyan ako ng pagkakataon na masagot ito. Dahil ito'y pang-aapi at para sa akin hindi ko papayagan na hindi tayuan ito sapagkat napakaraming bata ang maapektuhan kung ako'y sumuko sa laban na ito.

Q: Ma'am sa ginagawang panliligaw sa inyo, ilang porsyento na ang possibility na mapasagot kayo? O busted na talaga?

POE: Sa tingin ko ngayon ayaw ko magbigay ng numero. Basta ang sabi ko maiintindihan ko kung hindi ako mahihintay. Pero ako ay nagpapasalamat na binibigyan ako ng kortesiya, sapagkat kaibigan ko naman rin naman siya at sa amin namang pag-uusap mabait naman.

Q: Ang matalik ninyong kaibigang si Senator Chiz, nais ninyo bang personal na maibahagi sa kanya iyung pinag-usapan ninyo ni Secretary Mar? Kasi ang sabi niya hindi daw po siya tatawag sa inyo pero....

POE: Alam mo unang-una hindi ko naman kelangang ipaalam sa kanya. Pangalawa, kung anuman iyong pinag-usapan namin, kapag sinabi sa aming dalawa lang ito, sa aming dalawa lang ito. Marami kang kaibigan, pero pagdating sa maga desisyon na makakaapekto sa nakararami, kelangan mong timbangin kung ano ba ang nararapat at hindi kung ano ang sinasabi lamang ng mga kaibigan.

Q: Ano'ng posisyon ni Senator Chiz ngayon sa puso ninyo, with Mar actively courting you?

POE: Mananatiling kaibigan, kaibigan silang lahat.

News Latest News Feed