Press Release
September 3, 2015

KEYNOTE SPEECH
SENATOR GRACE POE
FIRST NATIONAL COMMUTERS FORUM

Ateneo de Manila University, Quezon City

Magandang hapon sa inyo. Bago ang lahat, gusto ko munang magpasalamat sa Ligtas Patrol, sa National Center For Commuter Safety and Protection, sa Inclusive Mobility Network at sa Independent Philippine Petroleum Companies sa pag-imbita sa akin bilang keynote speaker sa kauna-unahang National Commuters Forum sa bansa.

Sa tindi ng kinakaharap nating problema sa trapiko ngayon, panahon na para bigyan talaga natin ng karampatang pansin ang kapakanan ng lahat ng mga kababayan nating pasahero't motorista. Sigurado akong humarap kayo sa matinding trapiko pagpunta pa lang ninyo dito sa ating venue, hindi po ba? Mukhang kailangan pa natin ng mas mahabang pasensya sa ganitong trapiko dahil hanggang sa taong 2016 daw natin ito titiisin, dahil na rin sa mga malawakang proyektong pangkalsadang isinasagawa ngayon ng ating gobyerno.

Kaya lang, di lang pasensya natin ang sinusubok nitong traffic, dahil apektado na rin pati ang ekonomiya natin. Kababalita lang nitong linggong ito na mahigit dalawang bilyong piso ang nalulugi sa ating ekonomiya dahil lang sa trapiko, at ayon sa JICA o Japan International Cooperation Agency, maaari pa itong umabot sa anim na bilyong pisong pagkalugi kada araw sa taong 2030, kung hindi natin masosolusyunan ang pagiging isang malaking parking lot ng ating mga kalsada.[1]

Pero ang mga kawawang dumaranas talaga sa kalbaryong ito - ang mga kababayan nating commuter na araw-araw na nakikipag-unahan, nakikipagsisikan at nakikipagtulakan para lang makasakay sa mga pampasaherong sasakyan.

Personal kong naranasan ito nang subukan kong sumakay sa MRT, at nakita ko ang mga problema nito na tinitiis ng ating mga kababayan, gaya ng mga hindi gumaganang escalator at elevator, sirang aircon, at ang malaking posibilidad ng aksidente dahil sa mga lumang bagon at riles.

Buwis-buhay na pagbiyahe

Ang mas masakit pa para sa ating mga kababayang commuter, buwis-buhay talaga ang kanilang pagbiyahe dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng aksidente sa mga kalsada ng Metro Manila. Bilang chairman ng Sub-Committee on Public Services, minabuti kong pag-aralan ang konteksto ng ating problema sa road safety sa pamamagitan ng pagsusuri sa sistema ng iba't ibang uri ng transportasyon sa bansa.

Ayon kasi sa W.H.O. (World Health Orgnization), mas marami pang namamatay na tao dahil sa aksidente sa kalsada kaysa sa malaria; at 90% sa mga biktima ng road accidents sa buong mundo ay nanggaling sa mga developing countries gaya ng Pilipinas. Tumaas ng 20 percent ang bilang ng mga road accidents sa Pilipinas kumpara noong 2013, ayon sa ginawang pag-aaral ng PNP-Highway Patrol Group.

Karamihan po sa mga aksidente na nabanggit ay dahil sa overspeeding, mali at alanganin na pagliko, maling pag-overtake, pagkasira ng makina o anumang bahagi ng sasakyan, pangit o inaayos na kalsada, pagmamaneho ng lasing, overloading, at, ang pinakamadalas at pinaka-modern na dahilan ng aksidente ngayon, ang pagtetext habang nagmamaneho.

Bagama't bumaba ang death rate natin ayon sa DOTC, hindi natin dapat isawalang-bahala ang mahigit sa 90,000 na road accident sa Metro Manila pa lang noong 2014, o may average na halos 250 na aksidente bawat araw, ayon sa pinakahuling report ng MMDA.

Karamihan sa mga road accident sa Metro Manila ang mga bus, trak at motorsiklo ang nasasangkot sa aksidente.

Nitong Agosto lang, apat na katao ang namatay at 16 na pasahero ang nasaktan sa pagsalpok ng isang bus sa Quirino Highway.

Sa kasalukuyan, mayroong limampu't anim na kaso ng bus-related na aksidente ang hindi pa nareresolba hanggang ngayon, kasama na rito ang pagkahulog sa bangin ng GV Florida Bus Liner noong Pebrero ng nakaraang taon, na nagtala ng pinakamaraming bilang ng namatay sa isang bus accident.

Mahigit naman sa 20,000 na motorcycle-related accidents ang nangyari noong taong 2012, at hindi pa kasama sa bilang nito ang tumataas na crime rate ng kaso ng mga riding-in-tandem sa bansa. Lumalaganap din ngayon ang modus ng pangho-holdap sa loob ng mga taxi, at hiwalay pa ang pang-aabuso't pandaraya ng mga driver sa mga pasahero.

Establishing a Road and Safety Board

Kalbaryo po talaga ang pagbiyahe sa ating mga kalsada, pero hindi ibig sabihin nito ay magtitiis na lang tayo sa sitwasyon at tatanggapin na lang ang patuloy na lumalalang problema sa transport system ng Pilipinas.

Litong-lito na ang publiko kung alin ba sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan ang dapat magsaayos ng sistema ng transportasyon sa bansa. Upang maiwasan din ang pagtuturo ng mga ahensya, naisip kong magpanukala na lumikha ng isang ahensyang ang layunin ay magsiyasat, pag-aralan at pag-igtingin ang road safety sa lahat ng uri ng transportasyon - mapa-kalsada, himpapawid o karagatan.

Ang ginawa kong Senate Bill 2886 o ang National Transportation Safety Board Act of 2014 ang siya ring mag-iimbestiga't magsusuri ng mga aksidente sa kalye upang makapagbigay ng mga rekumendasyon at suhestyon sa kung paano natin mas mapapabuti ang transportasyon sa Pilipinas. Ang pagtatayo ng ahensyang ito ang tingin ko'y maaaring direktang paraan upang mapagtuunan sa bansa ang road safety. Ilan sa mga kapitbahay natin sa Southeast Asia ay may hiwalay na ahensyang tumututok lang sa pagmo-monitor ng kaligtasan sa kalsada, at ang nakakagulat dito, sila pa ang may pinakamababang bilang ng insidente sa buong rehiyon.

Ang Singapore ay may Road Safety Council na nagsusulong at nagpapatupad ng mga safety practices sa mga residente ng maliit na bansang ito. Ang National Road Safety Committee naman ng Cambodia ang siyang nagpapanukala ng mga batas sa road safety na ipatutupad para sa kanilang "deadly roads."

Kapag naipasa na ang SB 2886, ang National Transportation Safety Board ang ahensyang mangunguna sa lahat ng pagsisiyasat ng mga aksidente sa kalsada, at magbibigay ng kaukulang standard operating procedure para sa imbestigasyon, katulong ang iba pang sangay ng gobyerno gaya ng PNP, DOJ, DOTC, PCG, Department of National Defense (DND), at DPWH.

Sisiguraduhin din ng ahensya na magiging tuloy-tuloy ang imbestigasyon hanggang sa mabigyan ng resolusyon ang kaso.

Motorcycle Ambulances

Dagdag pa rito, isa po sa mga naiisip ko upang makatulong sa pagpapatupad ng road safety sa Metro Manila ay ang pagkakaroon ng motorcycle ambulance na mabilis na makakarating sa mga lugar ng mga aksidente. Ang motorcycle ambulances na ito ay may kasamang paramedic o first responder na makakapagbigay ng emergency care sa biktima. At may sidecar din siya na kayang maglulan ng pasyente kung kinakailangan itong dalhin sa ospital.

Bakit po motorcycle ambulance? Sa mga bansa po na katulad ng Japan, Australia, at England, na-realize po nila na ang malalaking mga ambulansya ay walang silbi kung masikip ang daloy ng trapiko o kaya ay may road obstructions na dulot ng kalamidad na katulad ng lindol at landslides kaya po naisip nila na gumawa ng ambulansya na ang gamit ang simpleng motorsiklo.

Sa Australia, ang motorcycle ambulances po nila ay dumadating sa loob ng anim na minut o kumpara sa malaking ambulansya na inaabot ng 12 minutes bago makaresponde.

Dahil po naniniwala po ako na malaking tulong ang pagkakaroon ng motorcycle ambulances na naka-deploy sa strategic locations.

Centralized Emergency System

Bukod po riyan, nais ko pong isulong ang pagkakaroon ng centralized emergency response system para sa buong bansa. Sa ngayon po kasi ay wala tayong iisang sistema para po rito. Madalas, kanya-kanyang diskarte ang bawat local government unit o national government agency kaya nasasakripisyo ang bisa at kalidad ng serbisyong puwede sanang maibigay sa ating mga nangangailangang kababayan. Sa pagkakaroon ng isang centralized emergency response system, masisiguro natin na karampatang kakayahan at gamit ang ating gobyerno na rumesponde sa anumang aksidente nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng serbisyo sa mga biktima.

Taxi Passenger Bill of Rights

Dahil na rin sa pagtaas ng insidente ng mga modus at reklamo sa sistema ng pagsakay ng taxi sa Metro Manila, gumawa ako ng panukalang magbibigay ng karampatang proteksyon para sa mga pasaherong sumasakay sa taxi - ang Senate Bill 2152 o ang "Bill of Rights of Taxi Passengers."

Nakadetalye sa panukala ang karapatan ng isang pasahero sa loob ng taxi -gaya ng pagkakaroon ng unipormado at magalang na driver na maghahatid sa destinasyon ng pasahero gaano man ito kalayo; ang maayos na sistema sa pagmemetro at pagreresibo ng bayad at eksaktong pagsusukli; at maging ang pagwi-waive ng flag-down taxi rate at paghahanap ng kapalit na taxi kung sakaling masiraan ang sasakyan.

Sa panukala ring ito nakasaad ang malaking responsibilidad ng mga taxi operator at driver sa kapakanan ng pasahero, kaya ipinagbabawal ng bill ang pagtanggi sa biyahe, paggamit ng cellphone habang may pasahero, at paghingi ng dagdag-bayad. Sa ilalim nitong panukalang-batas kinakailangan ang paglagay ng impormasyon gaya ng plate number, operator's name, address at contact number sa loob ng taxi, para madali makita.

Conclusion

Umaapela ako sa inyong lahat na nandito ngayon na magtulungan tayo para makamit natin ang ating layunin na maitaguyod at mapabuti ang kaligtasan sa ating mga kalsada, at masiguro ang pinakamataas na kalidad at pinakamabisang tugon sa mga aksidente sa kalye.

Malaki po ang maiiambag ng mga katulad niyo na nasa pribadong sektor upang maipatupad po natin ang mga adhikaing ito. After all, we share the same vision, and I firmly believe that we can make such vision a reality by working closely together.

Huwag na po tayong magpaipit sa buhol-buhol na suliranin ng trapiko, dahil may mga daan na puwede nating tahakin para makarating tayo sa ating destinasyon. Hindi magiging epektibo sa problemang ito ang mga short cut na paglutas.

Ang dapat nating gawin ngayon ay mag-U-Turn sa puno't dulo ng problema, tapatan ng red light ang mga nagpapalala ng problema, at i-arangkada ang mga solusyong maaaring magbigay-daan sa pagpapabuti't epektibong pagpapatupad sa ating pambansang kaligtasang pangkalsada.

Muli, magandang hapon po sa ating lahat at mabuhay ang Pilipinas!

News Latest News Feed