Press Release
September 16, 2015

TRANSCRIPT OF PUNTO ASINTADO INTERVIEW

TULFO: Nasa linya po ng aming telepono ngayon ang kagalang-galang na Sen. Sonny Angara. Magandang umaga po, Sen. Angara, sir.

ANDANAR: Good morning sir.

SJEA: Magandang umaga Erwin at Martin, sa lahat ng nakikinig po.

TULFO: Sir, thank you for picking up our call. Dito po tayo sir sa panukala ninyo ni Sen. Ralph na yung pagbabawas sa individual income tax ng mga manggagawa na hindi pa, hindi pa man naipapasa sir ay medyo sinopla na ni Pang. Noynoy Aquino at sinasabi na, "no way," dahil P30-B ang mawawala diyan sa 'ika nga ay National Budget, and then, maging si Commissioner Kim Henares sa reaksyon po ay, "Panukala sila nang panukala ng mga batas ng pagbabawas pero hindi sila nagpapanukala ng batas na pagtaas ng buwis kung saan nila huhugutin yan, another P30-B na naman yan. Meron nang naunang P30-B na binawas sa mga bonuses. Ngayon na naman another P30-B na naman, P60-B, wala namang napapasang batas para taasan ang ibang mga taxes."

SJEA: Well, alam mo naman kapag usapin ng buwis, hindi gagalaw yan kung hindi muna dumaan sa Kamara de Representante dahil yun ang requirement ng ating Saligang Batas, unang-una. So, nananawagan kami doon sa mga kasamahan namin doon na sana ay itulak pa rin nila despite the pagsopla nga nitong Malacanang at saka ng ehekutibo. Doon naman sa sinasabing walang pinapasang batas na pandagdag po, hindi ba may ipinasa po tayong tinatawag na Sin Tax? Dalawang taon na po ang nakararaan, tatlong taon ang nakaraan, at ang koleksyon doon halos P80-B na Erwin, Martin.

TULFO: Pero what they're saying - if I may cut in sir - ang sinasabi po ni Comm. Kim, hindi naman na pwedeng galawin yun dahil yun ay talagang nakatoka na para sa health. Ayun po ang sabi nila sir?

SJEA: Hindi, pero ginagastos pa rin nila sa ibang bagay sa totoo lang. Binawas nila doon sa health budget. So, meron silang pinagkunan doon sa health budget. Yung health budget, yun ang dapat gastusin nila. Hindi ba? Yun ang pantakip. At ang masasabi ko, nag-budget hearing kami Erwin sa Department of Finance kasama ang BIR kahapon, meron silang gustong idagdag sa kanilang budget for 2016, including BIR, Customs, Landbank subsidies. Ang gusto nilang idagdag sa kanilang budget P35-B at P30-B doon, sabsidiya lamang sa Land Bank at saka sa Development Bank of the Philippines, na parehong bangkong kumikita na ari-arian naman ng gobyerno. Yun ang hindi ko maintindihan. Bakit inuuna po yung sabsidiya dito sa dalawang bangko na P30-B, na tamang-tama para maging mas maginhawa ang buhay ng halos apat o limang milyong nagbabayad ng buwis na pangkaraniwang trabahador lamang? Yun ang hindi ko maintindihan. Bakit inuuna ang interes ng dalawang bangko kaysa sa interes ng apat o limang milyong nagbabayad ng buwis?

TULFO: Yung sabi senator ni Commissioner na, "Bakit kung talagang gusto nilang bawasan o gusto nilang magdagdag ng buwis sa ibang paraan ay bakit ayaw nilang alisin na lang yung Bank Secrecy Law na yan para at least mahabol natin yung mga mayayaman?" So, parang binabalik sa inyo yung bola sir.

SJEA: Well, yun ang bagong - lagi silang may sagot. Laging pinapasa po sa amin. Kumbaga parang ayaw nilang gawin kaya naghahanap sila ng paraan na mas mahirap, para mas mahirap yung trabaho namin. Pero sige, kinukuha pa rin namin yung hamon nila at pag-uusapan namin yan. Pero sana huwag silang magbibigay ng kundisyon kasi hindi naman sila halal ng tao. Hindi ba? At the end of the day, kami yung sumasagot sa tao. Kami yung tumatayo para sa eleksyon. Sila, appointed official lamang sila dapat tagatupad lang sila ng batas hindi ba? Bakit nila ginagawa yung trabaho namin?

TULFO: Sir, ano po ba talaga para sa kaliwanagan - marami pong naging usap-usapan dito kahapon. Lumabas sa mga balita ngayon. Usap-usapan sa mga palengke, sa mga restaurant, karinderya, ano po ba yung pinapanukala ninyo? Kasi ang pagkakaalam ng iba ay 10% na lamang po ng income ang ita-tax, 10% lang. Meron namang nagsasabi sir na totally wala raw ibabawas na tax doon sa mga sumusweldo ng P60,000 pero not over P140,000 a year? Ano po ba talaga sir ang tama?

SJEA: Marami kasing panukala so isa lamang yun sa mga panukala. Pero halos pare-pareho naman ang pakay ng mga panukala na yan Erwin at Martin. At yan ay baguhin yung batas sa buwis na hindi nababago since 1997. So ibig sabihin, yung piso mo noong 1997 ang halaga niyan P2.25 ngayon. Nakailang taas na ng presyo ng gasolina. Nakailang taas ng presyo ng bilihin and yet, yung buwis na binabayaran, nandoon pa rin sa parehong lebel. Yun ang hindi makatarungan na nakikita namin. Kaya nag-propose na nga kami ng compromise. Kahit hindi na natin ibaba yung mga porsyento, ang galawin na lang po natin yung bracket at yung amount na binubuwisan. So, kung 32% ang binubuwisan sa P500,000 dati, iangat naman natin yung P500,000 kasi yung P500,000 nga na kinikita noong 1997, malaking pera yun noong 1997. Pero kapag kumikita ka ng P500,000 ngayon, hindi gaano kalaki. So, hindi naman nararapat na mas malaki pa rin yung buwis na binabayad mo.

ANDANAR: Sir, ako lang po'y nagtataka bilang isang ordinaryong broadcaster at Filipino, napakamakatao po ng inyong panukala. Hindi ba maintindihan ito ng Palasyo na ito'y makatao, pang-uring manggagawa? Hindi ba nila maintindihang ito'y para sa masa, para sa mahihirap sa mayorya?

SJEA: Yun din ang hindi ko maintindihan sapagkat kaya nga noong pumasok sa kapangyarihan ang Aquino Administration noong 2010, hindi ba good government ang plataporma, mabuting pamamahala at yung pera maibigay sa tao? Ito na nga, nakalikom na nga ng maraming pera ang gobyerno. In fact yung tax collection natin halos doble noong 2008 level, ngayon 2015. Kasi noong 2008, mga kinokolekta lang natin noon mga P800-B ngayon nasa P1.5-T, P1.6-T na po ang koleksyon natin ng buwis ngayon. So, hindi ko maintindihan bakit ayaw ibalik yung kakarampot na P30-B kung ikukumpara doon sa buong P1.6-T? Bakit hindi ibigay sa tao na mararamdaman ng bawat pamilya? Kung sinabi mong four to five million employees yan, kalahati niyan may pamilya. So times two pa yung epekto diyan. Yun ang hindi ko maintindihan kung bakit simpleng kalkulasyon hindi sumasang-ayon ang ating mga opisyales. Masyadong ginawang relihiyon yung pagkokolekta ng buwis at pagpapalaki ng mga bank accounts na ating gobyerno.

TULFO: Napansin ko nga sir, sa ibang bansa pinag-uusapan yang pagbabawas ng buwis, mga tax, pero dito sa atin, kapag usapin na ng tax, talagang bihira mong marinig at kung marinig naman, kaagad na sinasabi ng administrasyon, "No way. Hindi pwede." Tayo lang yata yung bansa na parang bawal pag-usapan yung pagbabawas ng buwis senator, sir?

SJEA: Well, panahon na siguro para magbago yun Martin, dahil ikaw nag-aral ka sa ibang bansa. Nakita mo talaga yung - nakikita kasi ng mga leader doon yung epekto ng pagbabago ng sistema ng buwis. Kapag hindi binago yun ng dalawang dekada, magkakaroon ng rebolusyon sa bansa na yun. Dito siguro hindi pa mataas ang ating consciousness. Dapat tumaas dahil yung taxation yun ang kabaliktaran ng accountability o representation. Sabi nga nila, "No representation without taxation," di ba? Pero yun talaga ang kahalagahan niyan. Kung hindi nakikita yan ng isang pamahalaan - dito nga nagsalita si Vice Pres. Binay na suportado niya yung tax reform. Nagsalita na si Senate Pres. Drilon. Nagsalita na si Speaker Belmonte. Nagsalita na ang mga senador, mga kongresista, and on this issue Erwin, Martin, dito nagkaisa po ang business sector at ang labor sector na minsan lang mangyari yan. Sabi nila, "Masyadong mataas ang buwis dito, kailangan repasuhin natin yan." So, halos buong bansa na ang nagsasalita and iilan na lang ang kumukontra.

ANDANAR: Hindi ba aware si presidente na itong desisyon niya ay makakaapekto rin ito sa kanyang binasbasan na kandidato sa 2016?

SJEA: Well, baka hindi pa nila naiisip yun dahil ang eleksiyon ay seven to eight or nine months away. So siguro sabi nila makakalimutan ng tao ito, pero palagay ko hindi. Palagay ko tutuloy ito, magiging election issue na rin ito kung hindi natin ipapasa.

TULFO: Hindi ba si Sen. Recto noon natalo dahil doon sa E-VAT na yun? Pero nakabalik na, hindi nakalimutan ng tao basta pagdating sa VAT hindi makakalimutan. Kapag tax hindi makakalimutan.

SJEA: Tama. Kaya nga si Sen. Recto maingat siya ngayon at sabi nga niya nagsakripisyo siya noong araw pero ngayon panahon naman ng gobyerno na magsakripisyo para sa taumbayan.

TULFO: Ayun. Panghuli na lamang senator na katanungan. Other than Sin Tax sir, ano pa bang alternatibo? Ito po yung sinasabi ng BIR na mahihirapan. May target po silang binibigay ng Department of Finance sa kanila, "Ito ang kolektahin ninyo." So, kung babawas na naman ng P30-B, parang ang sinasabi ni Kim Henares, "Saan namin kukunin?" Other than the Sin Tax sir, ano pa po ba'ng nakikita ninyo na pwede pa nilang pagkunan Sen. Angara?

SJEA: Taun-taon, umaakyat ang ating koleksyon by around over P100-B Erwin. So, between the Bureau of Customs, BIR, usually P150-B every year ang increase. So, ano ba naman yung P30-B na ibabawas mo doon? Tapos dagdag ko diyan Martin at Erwin, yung tinatawag na PPP o Public Private Partnership, may mga premium yan kapag nagbi-bid. Ang lumabas kahapon ay halos P64-B na ang nakuha ng gobyerno dito sa Public Private Partnership. So, ang daming pera ng gobyerno. Huwag tayong malito. Dati naniniwala tayo na walang pera ang gobyerno pero ngayon marami silang pera.

TULFO: So, itong panukala po ninyo talagang ito po ay malaki ang maitutulong sa ordinaryong mamamayan, sa mga ordinaryong manggagawa. Pero tama si Pareng Martin sir, ako, kanina ko pa po iniisip, bakit ayaw pumayag ng administrasyon ng Malakanyang dito sa napakagandang panukala na para naman sa taumbayan senador?

SJEA: Well, kailangan magbago ng kaunti yung pananaw dahil sa palagay nila, gusto nila malaki talaga ang role ng gobyerno at kayang gastusin ang pera. Pero nais ko pong idagdag, hindi ba last year, nagkaroon ng problema sa underspending sapagkat sa P2.5-T, hindi ginastos ang lampas P500-B, Erwin, Martin, biro ninyo yun? Nakaupo lang doon sa mga ahensiya at saka sa bangko yung P500-B imbes na ginastos yun. Kung binigay na lang natin yung maliit na P30-B, nakaikot pa sa ating ekonomiya dahil sigurado yung milyun-milyong pamilya nagastos po nila yun dahil kailangan po nila para mabuhay yun.

ANDANAR: Okay, Sen. Angara sir, maiba lang po tayo sir, kasi alam naman natin malapit na yung pampanguluhan at inaasahan natin yung pag-anunsyo ni Grace Poe ngayong araw na ito, tatakbong presidente. Kayo po ba sa LDP sir, ano po ba ang inyong stand? Sino po ba ang susuportahan ninyo sa 2016?

SJEA: Well, mag-uusap pa kami siguro as filing approaches or just after filing magmi-meeting kami. At wala naman kaming tatakbong presidente sa hanay ng partido namin. Siguro makikialyansa na lang kami sa ibang mga partido at marami naman sigurong makikita natin na maganda ang plataporma de gobyerno na pwedeng suportahan.

ANDANAR: So sa ngayon sir wala pa kayong napipili? Ibig sabihin, hindi pa si Poe, hindi pa si Mar, hindi pa si Binay, hindi pa si Duterte, pag-uusapan ninyo pa ng mga kapartido ninyo?

SJEA: Opo ganoon na nga po. Wala. Maaga pa at kailangan naming magkaroon ng konsultasyon sa aming mga miyembro.

TULFO: Sen. Sonny Angara, maraming salamat po sir. Magandang umaga. Mabuhay po kayo Senator, sir.

SJEA: Maraming salamat din Erwin at Martin. Salamat sa oras na ibinigay niyo po sa amin. Thank you.

News Latest News Feed