Press Release
September 24, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon by Neil Ocampo

Q: Yung pinakalatest na survey ng SWS magkakadikit na yung mga kandidato sa pagkapangulo- Senator Grace Poe, Vice President Jojo Binay, Secretary Mar Roxas. Any reaction diyan ngayong ilang percent lang ang pagitan ng mga ito?

SPFMD: Alam mo diyan makikita talaga ang pagtaas ng rating ni Secretary Mar na aming kandidato. Kung titingnan mo po ang mga nakalipas na survey, talagang pong pataas ang kanyang rating.

Q: But si Secretary Mar is still #2 or #3.

SPFMD: Opo, but six months ago 4%, ngayon ay 20%. Sabi nga ni Professor Edmund Tayao ng University of Santo Tomas, silang tatlo ay statistically tied na, dahil halos magkakadikit at hindi po natin at walang nakakalamang na sa kanilang tatlo. Ito po ay patunay na ang endorsement value ng Pangulong Noynoy Aquino na personal na pumili kay Secretary Mar para ipagpatuloy ang 'Daang Matuwid" ay talagang may bisa, at epektibo, at magiging kritikal sa darating na halalan. Yaan po ang nakikita kong significance dito sa latest SWS survey.

Q: So naniniwala kayo na sa susunod na mga buwan ay mauungusan na ni Secretary Mar si VP Binay pati si Senator Poe?

SPFMD: Tama po iyan. Ako ay naniniwala diyan.

Q: Sa panung paraan?

SPFMD: Nakikita naman nila ang maayos na pamumuno ni Pangulong Aquino na siyang nag-anoint kay Secretary Mar na ipagpatuloy ang mga proyekto sa ilalim ng platapormang "Daang Matuwid."

Q: Sa kaso po ni Senator Poe sa Senate Electoral Tribunal, kelan po ba madedesisyunan itong kaso? Sa tingin niyo po ba ay madidisqualify si Senator Poe?

SPFMD: Sa akin po sa lalong madaling panahon ay dapat madesisyunan na po ito ng Senate Electoral Tribunal, dahil wala namang dispute, yung mga facts ay nandiyan na lahat. Hindi po magkakaiba ang mga sinasabi, kung saan siya pinanganak, na siya ay isang foundling, na siya po ay naging American citizen, na siya po ay nag-avail nung Dual Citizenship Law.

Ang mahalaga sa akin ay dapat sa lalong madaling panahon ay madesisyunan na ito dahil ultimately ang Korte Suprema ang siyang magpapasya kung siya ba ay kwalipikado na tumakbo bilang Pangulo ng ating bansa. Sa aking tingin, ang citizenship ni Senadora Poe ay isang legal issue na ang pinal na resolution ay magagawa lamang ng Korte Suprema.

Dahilan po sa kung titingnan mo, apat lang po sa siyam na miyembero nito ang abugado, dahilan po sa iyan ang komposisyon ng Senate Electoral Tribunal. Kaya nga po sa lalong madaling panahon ay dapat matapos na ito para madesisyunan na ng Korte Suprema ultimately.

Q: Yung sinasabi niyong desisyon, iba pa po yung sa Senate Electoral Tribunal, iba pa yung sa Korte Suprema?

SPFMD: Whatever ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal ay dadalhin sa Korte Suprema.

Q: Hindi pa pala tapos ano?

SPFMD: Hindi po pa final yan. Si David man o si Senator Poe ang manalo sa tribunal, ang citizenship issue ay dadalhin sa Korte Suprema.

Q: Doon po naman sa nangyaring kidnapping sa Davao Del Norte, ano po ang inyong reaksyon diyan?

SPFMD: Kinukundena po natin ang nangyaring pagkidnap sa 3 dayuhan at 1 Filipina sa Samal Island sa Davao Del Norte. Wala pong lugar sa ating lipunan ang ganyang krimen, at kailangan po ay ang PNP ay agarang sikaping maibalik ang mga biktima at dalhin sa hustisya itong mga nasa likod ng krimen na ito.

Q: May mga nagpapahayag na dapat maginhibit dito sa SET si Senior Associate Justice Antonio Carpio.

SPFMD: May rules ang Korte Suprema tungkol sa inhibition, at si Justice Carpio po ang nakakaalam ng requiermento niyan. Kilala ko po si Justice Tony Carpio, matino po iyan, at hindi po niya ilalagay ang kanyang pangalan sa alanganin. He has always been a very decent man and one of the most brilliant minds na kilala ko.

Yung inhibition is governed by the rules of the Supreme Court. Kung mayroong basehan, ay hindi magdadalawang isip iyan si Justice Carpio. Pero kung walang dahilan ay hindi siya magpapadala sa ganyang mga klaseng salita.

Q: Buo na po ba ang lineup ng LP sa senatorial elections? Ano po ang timeline?

SPFMD: May timeline, hanggang end of the month ay kailangan po matapos na iyan, sa susunod na linggo hanggang September 30. Sa aking tingin ay dapat mabuo na iyan ay huwag na ipagpaliban pa.

Sa senatorial slate, ay malapit na po. Medyo masikip lahat, may mga 15 pangalan na nasa listahan at lahat po iyan ay talagang iniisa-isa namin nang para maiharap namin sa taumbayan ang mga pinakamagaling na linya dapat para sa Senado.

Q: May backup plan po ba kapag hindi pumayag si Representative Robredo bilang VP?

SPFMD: Let us cross the bridge when we get there.

News Latest News Feed