Press Release
December 2, 2015

Transcript of Sen. Bam's DZMM interview on the Lemon Law and Mitsubishi Montero issue

Question: Nalaman po natin na kayo ang chairman ng Trade and Industry sa Senado?

Sen. Bam: Trade, Commerce, and Entrepreneurship, opo.

Question: Na tumalakay sa Lemon Law? Noong binabasa ho namin parang iyong Lemon Law ay lemon din ho. I mean, malambot ang sinasaad ng batas. Pakipaliwanag niyo kung paano nabuo ito?

Sen. Bam: Actually hindi naman po malambot. Sa totoo lang po, pasok ito sa international standard ng mga sasakyang may depekto. Alam ko ho kasi, tinatalakay ninyo rin po ang Mitsubishi Montero case.

Nag-file na rin po kami ni Sen. Pimentel ng resolusyon po diyan para imbestigahan ang Montero case, pero sa ilalim po ng Consumer Act, hindi po sa ilalim ng Lemon Law.

Iyong Lemon Law ho kasi, ito po ay para sa mga sasakyang paulit-ulit ang problema, Sabi ho nila, kung paulit-ulit na ang problema, lemon na ho ang meron sa atin, hindi po maganda ang kalidad.

Kaya iyong Lemon Law po, nandiyan po iyan para sa mga sasakyang paulit-ulit iyong problema. After four repair attempts, hindi pa rin maayos, puwede na ho kayong humingi ng refund.

Pero iyong kaso ng Montero kasi, nasa Consumer Act po iyan. Pumapasok po iyan doon sa posibleng injurious o talagang nakakasama sa tao o unsafe na produkto kaya ito naman po, iimbestigahan po namin sa Senado under the Consumer Act at hindi under the Lemon Law.

Question: Kasi ang Lemon Law, isang taon lang di ba?

Sen. Bam: Within one year. Kunyari, may naririnig kayong kumakalampag tapos talagang hindi ito maayos-ayos, puwede kayong humingi ng refund o replacement. Ito pong Lemon Law natin, kaparehas po iyan ng Lemon Law sa buong mundo, practically the same po iyan, international standards naman po iyan.

Kung tutuusin, tama kayo Kabayan, hindi ito iyong mga sasakyan na may posibleng problema gaya ng SUA (sudden unintended acceleration). Kasi kung SUA, kung totoo po siya, talagang nakakakaba po iyan.

Ito po ang sinasabi ho nating mga depekto na hindi po matanggal-tanggal, iyon po ang Lemon Law.

Pero iyong nangyayari po sa Mitsubishi Montero, in fact, iyong resolusyon po namin, under the Consumer Act po natin tinitingnan.

Kami po, kunyari, kasama ng DTI, pupunta po kami kapag magbubukas na po ang eskuwelahan. I-check po namin ang school supplies na posibleng nakakasama sa bata, iyong may mga led content, kinukumpiska, nire-recall at kinakasuhan po ang mga manufacturer.

Kunyari, iyong Christmas lights, may Christmas lights po tayong delikado, madaling masunog o madaling sumabog. Iyon po, puwedeng i-recall, puwedeng kasuhan ang manufacturer, under the Consumer Act po iyan.

So ito pong imbestigasyong gagawin namin, find out kung ano nga talaga iyong nangyayari, kung mayroon talagang problema o wala, actually, this is under the Consumer Act, hindi under the Lemon Law.

Question: Anong aalamin ninyo sa Consumer Act, under ng Consumer Act dahil iba ito kung ikukumpara sa pangkaraniwang produkto gaya ng Christmas light, iba itong kotse sapagkat dito nalalagay agad sa panganib ang isang nagmamaneho ng Montero.

Sen. Bam: Actually, may probisyon po sa Consumer Act kapag ang isang produkto ay potentially dangerous o mayroon pong possible harm ay puwede nga po itong i-recall o alisin sa merkado. Marami pong puwedeng gawin. Pero sinabi po ng DTI, nagtawag na sila ng panel para imbestigahan ang kaso. Alamin muna natin kung ano ang problema.

Kami naman po, ang sabi ng DTI noong kausap namin, they need two weeks. Nag-one week na po iyon so posible po kaming mag-hearing pagkatapos ng result ng DTI panel para ma-check po namin iyong resulta ng DTI tungkol sa isyu pong ito.

Question: Senator, mahirap itong kaso na ito dahil hanggang ngayon, matagal na pala itong nangyayari, tinatanggi ng Mitsubishi na may problema ang Montero. Pero iisa naman ang reklamo ng mga naging biktima. Kung may mga alamin nating eksperto ang Mitsubishi sa teknikal, computer and everything na mga modelo ng sasakyan ngayon, ano po ang paniniwalaan natin, ang DTI o Mitsubishi?

Sen. Bam: Noong nakausap ko si Sec. Domingo noong budget hearing, sabi ko lang po sa kanila, iyong kukunin nilang eksperto, kailangang katanggap-tanggap pareho, sa Mitsubishi at katanggap-tanggap din sa complainant. Hindi naman puwedeng biased.

Halimbawa, kung kumuha kayo ng eksperto sa ibang car brand, biased po iyan. Kung iyong galing naman sa Mitsubishi, hindi rin puwede iyan. Hiling ko lang sa DTI, kumuha sila ng eksperto na katanggap-tanggap sa publiko, katanggap-tanggap din sa private sector, para talagang unbiased po ito.

Sabi ko, kukuha ba kayo sa ibang bansa. Saan ba kayo kukuha ng eksperto? Sabi naman nila, mukhang mayroon naman dito sa Pilipinas. I think that was the day before na ni-release nila iyong memorandum nila. Hindi ko pa rin po alam kung sino ang kinuha nilang eksperto.

So, iminungkahi ko na po iyan. Kailangan iyong katanggap-tanggap sa taumbayan, katanggap-tanggap din sa Mitsubishi para talagang unbiased po ito. Third party, wala hong kinikilingan.

Question: Maging kayo ho, kung kumuha kayo ng resource speaker, dapat eksperto na paniniwalaan natin o hindi magiging biased.

Sen. Bam: Tama po iyan kabayan. Siyempre kung biased wala hong maniniwala. Kailangan talaga tapat at patas. Pag may issue ho kasi, suddenly maraming eksperto. Talagang may credentials. Kung may credentials na electrical engineer o automotive. Alam naman ho namin iyan. Kami naman po ni Sen. Pimentel na nag-file, we will work on this together na sigurado po iyan na patas po iyan o tapat.

Question: In other words, Senator, ang iimbestigahan niyo ay walang kinalaman sa Lemon Law, kung maaari nating dagdagan ang Lemon Law o palitan, walang ganon?

Sen. Bam: Hindi naman po. Kasi naman po ang Lemon Law, matagal na po iyang itinutulak sa ating bansa para maging kapatas po tayo sa international standard. Pasok naman po sa international standard ang Lemon Law. Ito po'y nakabase sa Consumer Act na kung saan posibleng may mga produktong harmful o nakakasama.

Iyong Lemon Law ho kasi, hindi po talaga iyong harmful ang sakop niyan. Ito po iyong mga depekto sa sasakyan na paulit-ulit. Sometimes, may napansin tayong problema, nanginginig ang manibela. Pinaayos natin, wala talaga.

Noon, sorry na lang ho kayo. Ngayon, with the Lemon Law, puwede niyong sabihin na hindi matanggal-tanggal ang isyung ito, kailangan ko ng refund o gusto ko ng replacement. Puwede na ho iyan sa Lemon Law.

Pero ang isyu ng SUA na posibleng nakaka-injure ng tao, puwede rin iyan sa Lemon Law, sa totoo lang, kung apat na beses mangyari pero I don't think na mangyayari ho iyan kasi kung nangyari na ho iyan ng isang beses, parang kakabahan ka na. So possible hong sa Consumer Act ang bagsak.

Question: Maraming salamat po at magandang umaga.

News Latest News Feed