Press Release
April 19, 2016

GRACE POE'S SPEECH TRANSCRIPT
Birthday Celebration of Manila Mayor Joseph Estrada

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Nais ko, siyempre, batiin ang aking mahal na pangulong Mayor Erap, ang aking Ninong. Ang tawag ko sa kanya ay Uncle Joseph. Uncle Joseph, ginamit mo 'yung buong birthday speech mo para lamang ipakilala ako at suportahan sa inyong lugar. At ako'y nagpapasalamat, nakakahiya man. Ako'y naririto sapagkat, siyempre, birthday ninyo, hindi naman para masyado mo akong i-build up. Gayunpaman ay maraming salamat. [applause]

Nais ko ring batiin ang lahat po ng ating mga barangay chairman at mga opisyales ng 897 barangays ng Maynila. [applause] Siyempre po gusto ko ring batiin ang ating senador, ang aking kaklase sa Senado, na ang tawag ko ay "kapatid" dahil kinakapatid ko po, si Senator JV Ejercito. [applause] At 'yung atin din pong senador, Senator Maceda, thank you po, manong. [applause] Lahat po ng mga kogresista ng iba't ibang distrito na naririto, at 'yung mga ibang opisyales ng Manila. Babanggitin ko na rin po, may mga ibang kakilala rin ako dito na mga kapitan, Kap Nelson-kilala mo na kung sino ka-Kagawad Ed, na palaging nagpapaalala sa akin na malapit na ang fiesta ng Nazareno.

Alam niyo po 'yung Maynila talaga ay malapit sa aming puso. Bata pa lang po ako ay dinadala ako ng nanay ko diyan sa Quiapo church at palagi niyang sinasabi na 'pag meron kang gustong isumbong sa Diyos ay pakikinggan ka at lagi niyang igagabay sa'yo kung anong dapat mangyari. Maaaring mahirap ngayon pero pagdating ng panahon ito'y makakabuti sa'yo. So 'yung Maynila talang bata pa lang ako nandiyan na, dinadala ako ng nanay ko sa Chinatown sapagkat sinasabi niya 'alam mo 'yung mga mabibili mo sa ibang lugar, mabibili mo dito nang mas mura na mas marami.' O kaya 'yung pagkain, 'yung prutas, at kung ano-ano pa.

'Yung opisina ng mga magulang ko noon sa kanilang mga pelikula ay diyan sa Burke Building sa Escolta. So nandiyan din ako nagtatambay dati 'nung ako'y bata pa. 'Yung Tondo naman, 'nung ako'y nanalo bilang senador, bago pa 'non, ang inuna kong ikampanya ay doon sa may Tondo at nagtapos ako doon din sa Maynila sa Tondo. Kaya hindi talaga maiaalis ang Maynila sa aking puso.

Ngayon ako'y naririto sapagkat birthday nga ng aking Ninong. Iba talaga ang pagsasamahan nila ng aking ama. Sabi nga ng nanay ko parang silang dalawa ang talagang magkasama. At niloloko ko nga na mas nagseselos ang nanay ko sa kanya kaysa sa mga iba pang mga kababaihan. Pero ang pagsasamahan na 'yan... Gusto ko lang klaruhin 'yung sinasabi ng aking Ninong... [Uy, media, huwag naman ninyo itong i-play ha.] Sinabi ng Ninong ko wala daw akong panty 'nung nakita niya. Hindi po totoo 'yon. [laughter] Wala po akong shorts, mahaba po 'yung T-shirt ko. E paano naman kahit alas singko ng umaga nandoon siya sa bahay. Alas kwatro ng umaga, magkasama sila ng tatay ko, kakagising pa lang namin, kararating pa lang nila. Ganoon po talaga 'yung kwento 'non. [laughter, applause] Kaya akala ninyo ang aga-aga nilang magising, hindi po. Hindi pa po sila natutulog. [laughter] 'Yon po talaga 'yung istorya.

'Yung sinasabi ng aking Ninong na malapit sa puso ni FPJ ang mahihirap at sa kanya rin, dahil utang nila sa mahihirap kung saan man sila ngayon o kung saan man siya ngayon, 'yung aking tatay-kung saan man siya ngayon-dahil tumulong siya sa kapwa. 'Yung sinasabi din ng nanay ko sa akin, alam mo bakit mahal ng tao ang tatay mo? Dahil hindi niya kinalimutan kung paano maging mahirap. Siguro ang pinakamahirap aminin ay walang-wala ka at kailangan mo ng tulong. Kaya sabi ng tatay ko ba't mo pa hihintayin na magmakaawa sila sa'yo, dapat ikaw na mismo ang mauna. At 'yan dapat ang ating gobyerno rin. Ang ating gobyerno ang dapat magkusa.

Naintidihan ko ang ginawa ng aking Ninong sa Maynila. Napakaraming utang talaga ng siyudad. Bilang isang administrador, responsibilidad mo 'yan. Kung ako'y magiging pangulo, dodoblehin ko ang tulong sa Maynila. [applause] Triplehin natin kung kailangan sapagkat ito talaga ang "melting pot" ng buong bansa. Ibig sabihin, nandito lahat. Sa iba't ibang probinsiya pumupunta dito. Nandito ang pinakamahirap ng mga kababayan natin at nandito rin siguro ang pinakamahal na pirasong lupa sa buong Pilipinas.

So makikita mo ang disparity dito sa Maynila. At ang presensiya ng gobyerno ay mas nararapat na maramdaman dito. Gawin naman natin-at papunta na rin doon-na isang primyadong siyudad ang Maynila sapagkat ito talaga ang nagdadala ng pangalan rin ng ating bansa.

So mga kababayan, 'yung mga programa ng ating Ninong na mas lalo pang dumagdag ang tulong sa mahihirap. Siyempre, hindi kaya lang 'yan ng local government. Kailangan ng tulong ng national government, mga proyektong itutulak natin. Makakaasa kayo diyan.

Nais ko rin banggitin, ang dami ko talagang natututunan dito sa Maynila, sa mga kaibigan sa Maynila na hindi mo matututunan kahit mag-PhD ka pa. 'Yung mga salitang... Kung mga salita diyan, ang nagtuturo, ang tutor ko ngayon ay walang iba kundi si Vice Mayor Isko Moreno. [applause] Silang dalawa ng Ninong ko 'pag nagkukuwento maaaliw ka talaga. Si Vice Isko kasama ko mag-ikot sa maraming lugar sa Pilipinas dahil siya po nga ay tumatakbo bilang senador. Sana... Alam ko kilala na ninyo siya pero sasabihin ko rin sa inyo, maganda rin konting push pa ng tulong sapagkat dito sa Maynila, kung malaki ang suporta ay madadala natin siya doon.

Nakita ko kasi ang istorya ng Pilipino kay Vice Isko at sa aking Ninong, na mag-uumpisa sa halos wala at magsisikap at 'pag nagtagumpay na, hindi nakakalimutan ang pinanggalingan. 'Yon po ang dapat maging kuwento ng buhay natin.

Kahit naman ako, totoo, pinalaki ako ng aking mga magulang, binigay sa akin ang oportunidad. Pero ako'y isang batang nadampot rin. Kaya kung ako ay nakarating sa puntong ito, kung ang lahat ng bata sa Pilipinas ay mabibigyan ng sapat na pagkakataon, ay meron din silang pagkakataon na marating ang kahit na anong pangarap at punto na ito sa kanilang buhay. Kaya 'yon po ang aking gustong tutukan: patas na oportunidad, na magkaroon ng permanente at sapat na kita sa ating bayan. Mangyayari lamang 'yon kung dadami ang mamumuhunan dito at magkakaroon ng mas maraming trabaho. 'Yon po, ang ugat ng ating problema ay kahirapan.

Halos lagpas pitong daang bilyon ang hindi nagastos ng gobyerno magmula nang ito'y naupo sa puwesto. Pitong daang bilyon na sana ay diretso sa mga programang makakatulong sa ating mga kababayan. Kaya importante ang isang pangulo mabiling kumilos, may integridad, pero dapat may malasakit din sa kapwa.

So sa inyong lahat, sa akin pong Ninong na binigyan ako ng pagkakataon, sapagkat alam niyo po hanggang last minute hindi ko talaga alam kung ma-e-endorso niya ako sapagkat... Totoo naman 'yon e. Kasi ganito naman 'yung aming pagkakaintindihan. Personally, siyempre malapit-andiyan si Senator JV-malapit ako sa aking Ninong pagka-ano pero pagdating sa pulitika, katulad niyan, kung meron silang partido hindi mo rin alam kung anong magiging desisyon ng partido. Hindi mo naman puwedeng itulak 'yung sarili mo lamang pananaw.

Kaya nga 'nung 2013 hindi kami magkasama sapagkat doon nga ako sa koalisyon, ang aking Ninong naman ay nag-iisa lamang doon sa tatlo na magdedesisyon. Kaya sabi ko sa Ninong ko ayoko naman din siyang maipit pero alam ko na ang sa puso naman niya, gusto niyang magtagumpay ako. E ngayong parang wala na yatang balakid sa partido. Siya na lang ang nagdesisyon. [applause]

So sabi ko 'nung... Ninong, ikukuwento ko na lang ito ha. So 'yung night bago 'yung kanyang endorsement, sabi sa akin ng aking mga kasama, "Hindi mo ba tatawagan ang Ninong mo to wish him luck?" Kasi usually ganoon naman e. Kung ako mag-a-announce, sasabihin ko 'Ninong, mag-a-announce na po ako, tatakbo ako, ganyan...' O kaya kung siya naman, merong okasyon, tawag lang.

So sabi ko, Ninong, I just want to wish you luck, ganyan, ganyan. Ang sagot niya sa akin, "Hindi ka ba pupunta?" Sabi ko, 'E mahirap naman pong pumunta 'pag hindi pa kayo nakakadesisyon kung sinong e-endorso niyo.' Para naman akong mapapahiya 'non na nandoon ako, tatanungin, nandito ka pero sino bang e-endorso? Sabi niya sa akin, 'Bakit, sino pa bang e-endorso ko?' So 'yon 'yung ano... [applause]

Sa akin naman, nasa taumbayan pa rin ang pagpili. Pero ang aking kinagagalak ay isang personal na dahilan sapagkat bumabalik tayo sa puntong naalala ko na nandoon ang Ninong ko, magkasama sila ng tatay ko, na inuumaga pero masayang kuwentuhan. Hanggang doon na lang po 'yung aking sasabihin. [laughter] Kaya po minsan nagtataka sila ba't ako ganito kumilos. May konting refinery ni Susan pero palaging sila 'yung kasama ko e. Kaya 'pag sinasabi ng iba, may tapang ba si Grace Poe? Ito na lang masasagot ko sa kanila: Kahit magdamagan kasama din nila ako e.

Maraming salamat po.

News Latest News Feed